Labis na lungkot at pagdadalamhati ang namayani sa libu-libong empleyado ng ABS-CBN, lalo na sa regional offices nito kahapon, Biyernes, August 28.
Ito kasi ang huling araw ng kanilang trabaho sa istasyon.
Karamihan sa mga na-retrench ay taon na ang binilang sa pinaglingkurang network.
Sa ulat ng ABS-CBN News online kahapon din, sinabi ng ABS-CBN Supervisors’ Union president na si Raul de Asis na tig-iisang empleyado na lang ang ititira sa mga opisina ng ABS-CBN regional units sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Magsisilbing caretaker ng pasilidad at equipment ng network ang matitirang tauhan.
Ayon naman kay Jon Villanueva, ang pangulo ng ABS-CBN Rank and File Employees’ Union, may 239 na miyembro nila ang nawalan ng trabaho, at ang 100 dito ay mula sa Regional Network Group (RNG) ng ABS-CBN.
Tiniyak naman daw ng management na prayoridad silang kunin muli ng kumpanya sakaling makabalik at makabangon ang ABS-CBN.
Sobrang naapektuhan ang operasyon ng network dahil sa pagbasura ng House Committee on Legislative Franchises sa renewal ng prangkisa nito nung July 10, 2020, alinsunod sa kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Saad pa ni de Asis, "Hindi lahat nagtatapos sa wala.
“Continuous communication, ituloy pa rin natin ang Viber group natin.
“Ang management nandiyan lang. Once makabangon ang management, ang promise nila sa atin, tayo ang una nilang ibabalik sa trabaho.
“Sana panghawakan nila yan at panghahawakan din ng union yan sa management para sa ganun ay hindi naman sila mabahala.”
Ayon naman kay Villanueva, "Umasa po kayo na kung makakabalik ang ating ABS-CBN, tayo pa rin po ang priority.
"Huwag po kayong mag-alala kasi mayroon pong magandang program yung ating kumpanya na makatutulong para sila ay makahanap ng panibagong trabaho.
"Lagi lang po kayo makipag-ugnayan maski wala na po kayo dito sa ABS-CBN.”
Sa Lunes, August 31, nakatakdang humarap sa mga empleyado ang pamunuan ng network upang ilahad ang mga tulong at programa para sa mga natanggal na tauhan.
THE FRANCHISE SAGA
Dahil sa “pagpatay” ng Kongreso sa prangkisa ng ABS-CBN Corporation, hindi na nakabalIk sa free-to-air television ang broadcast giant.
Malaking bahagi ng pinagkukunan ng kita ng network ang apektado, lalo na pagdating sa advertising revenues.
Upang maipagpatuloy pa ang operasyon kahit sa limitadong paraan, nagdesisyon ang management na magbawas ng maraming tauhan.
Sa online, cable, at iWant app na lamang napapanood ngayon ang mga natitirang programa ng Kapamilya network.
Ilan sa malalaking personalidad ng network na tuluyan na ring sinibak sa trabaho ay sina Ces Drilon, Bernadette Sembrano, at Korina Sanchez.
Sa radio arm naman ng network, pinakawalan rin ng DZMM ang malalaking personalidad nilang sina Anthony Taberna at Gerry Baja na lumipat na sa DZRH.
Namaalam na rin sa ere kahapon ang labindalawang local TV Patrol newscast ng ABS-CBN regional stations.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
