Binawi na ng limang respondents sa Christine Dacera case ang nauna nilang sworn statements na ipinasa sa Makati City Police.
Kabilang sa mga nag-retract ay si JP dela Serna, na unang nagsabing may "powder drugs" umano sa New Year’s Eve party na dinaluhan nila ni Dacera at iba pang mga kaibigan.
Sa ginawang preliminary investigation ng provisional rape with homicide complaint sa Makati Prosecutor’s Office ngayong Miyerkules ng umaga, January 13, naghain ng joint affidavit ang grupo nina Dela Serna.
Sa kanilang joint affidavit, sinabi ng limang respondents na sa bibig umano ng mga pulis nanggaling ang salitang “powder drugs” para palabasing may gumamit ng ilegal na droga sa New Year’s Eve party nila.
Ginanap ang party ni Dacera at mga kaibigan nitong lalaki sa City Garden Grand Hotel noong gabi ng December 31, 2020 hanggang umaga ng January 1, 2021.
Natagpuang wala nang buhay si Dacera sa bathtub ng Room 2209 noong tanghali ng January 1.
Ang isa pa nilang kuwartong nirentahan ay ang Room 2207.
Ayon kay Atty. Abby Portugal, abugado ni Dela Serna at apat pang respondents, idinagdag lang daw ang "powder drugs" sa sworn statement matapos umanong makaranas ng “mental torture at misrepresentation” ang kanyang mga kliyente noong nakadetine pa ang mga ito sa kulungan.
Sina Dela Serna, Rommel Galido, at John Paul Halili ang naunang na-detain ukol sa kaso.
Pero pinakawalan rin sila, ayon sa utos ng Makati City Prosecutor's Office, dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Sabi ni Portugal sa panayam ng GMA News, “The powder issue insinuating drug use actually came from the mouth of the PNP Makati.
"It was added by them after subjecting the two detained to mental torture and misrepresentations that they will be released from detention and that no charges will be filed against them.”
“PURELY HEARSAY”
Giit pa ng abugado, gawa-gawa lamang ito at walang drugs na involved sa pagkamatay ni Dacera, na kaibigan ng kanyang mga kliyente.
Nagpa-drug test na rin daw ang mga respondent. Negatibo raw lahat ang resulta nito.
"They did not see any drugs. As per Rommel Galido, he was just told by Christine that she thinks that drug was mixed in her drink... so purely hearsay,” pahayag ni Portugal.
Matatandaang sinabi ni Galido sa pagharap nila sa media noong January 7 na may ibinulong daw si Dacera sa kanya sa gitna ng kanilang kasiyahan.
Ayon kay Galido, sinabi sa kanya ni Dacera ang suspetsa nitong may inilagay umano si Rosales sa alak na iniinom niya.
“Noong gabing ‘yon, tumabi siya [Dacera] sa akin, then sabi niya, ‘Sis, parang I feel something na parang naiiba yung pakiramdam ko. I think merong naglagay, parang I think, ha,’ may naglagay sa drink niya, sabi niya sa akin.
"Then, sabi ko 'Who?' Then, sabi niya sa akin, ‘I think Mark.’
"Ang sabi ko lang sa kanya, G-A-G-A. Kung ano-ano ang pinag-iisip mo."
Sabi ni Atty. Portugal, "What was told in the media is the truth. Freely given by the five respondents. They were not coached by us [lawyers].”
Sinigundahan naman ni Dela Serna ang sinabi ni Galido sa mga lumutang na kopya ng kanyang sworn statement.
Nakasaad sa una niyang sinumpaang salaysay, “Bandang 1:00 A.M. ng January 1, 2021 ay may ipinakita si MARK ANTHONY ROSALES habang kami ay nag-iinuman na may dinukot siya sa kanyang medyas at ipinakita sa amin ang isang powder drugs na nakabalot sa plastic at inaya po niya akong gumamit nito ngunit hindi ako pumayag.
"At pagkaraan ay nakita kong lango na sina LOUIE [De Lima, person of interest din] at MARK dahil sa ginamit nila na powder drugs na dala ni MARK.”
Para kay Portugal, "Basically, it was the statement of the Makati police when they mentioned about the drugs insofar as JP is concerned."
Pito sa respondents ang dumalo sa pagdinig kanina, samantalang ang iba pa ay nagpadala ng kanilang affidavits.
Sa January 27 gaganapin ang ikalawang preliminary investigation sa Dacera case.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika