John dela Serna, Rommel Galido, John Paul Halili break silence on Christine Dacera's death

by Rachelle Siazon
Jan 7, 2021
John dela Serna, Rommel Galido, and John Paul Halili (L-R in right photo) face the media following their release from detention at the Makati City Police station. They were tagged as suspects in the Christine Dacera (left) alleged rape with homicide complaint, but were freed due to lack of evidence.
PHOTO/S: Christine Dacera Instagram / GMA News - 24 Oras

Madamdamin ang tagpo nang pakawalan ang tatlong lalaking idinitena ng pulisya dahil sa hinalang may kinalaman ang mga ito sa pagpanaw ni Christine Dacera.

Si Christine ang 23-year-old flight attendant na natagpuang patay sa loob ng isang hotel room sa Makati City noong January 1, 2021.

Ang mga sumailalim sa kustodiya ng pulisya ay sina Rommel Galido, John Paul Halili, John dela Serna.

Tatlo sila sa 11 lalaking pinangalanan sa inihaing reklamong "rape with homicide" sa Makati City Prosecutor's Office.

Dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya, pinakawalan sila Galido, Halili, at Dela Serna pasado alas siete ng gabi ng January 6, Miyerkules.

Pagharap nila sa media, iginiit ng tatlo na inosente sila sa bintang na rape with homicide.

ROMMEL GALIDO

Nagpakilala si Galido bilang malapit na kaibigan at kapwa flight attendant ni Christine.

Sinasabing si Galido ang nagsugod kay Christine sa ospital nang matagpuan itong walang malay sa kanilang tinulugang hotel room sa Makati City.

Continue reading below ↓

Ayon kay Galido, parang kapatid na ang turing niya sa dalaga.

"Para sa pamilya po ni Christine, nararamdaman ko po yung sakit na nararamdaman nila.

"Si Christine po, naging parang kapatid ko na rin siya, sobrang mahal na mahal ko si Christine, at para sa akin sobrang sakit din mawala si Christine.

"Pero sana po maliwanagan ang pamilya ni Christine."

Nakahinga raw nang maluwag si Galido dahil sa resolusyong walang sapat na ebidensiya sa ibinibintang na rape with homicide sa kanya at iba pang respondents.

Sobrang stress daw ang idinulot ng sitwasyon sa kanya at pati sa kanyang pamilya.

"Masaya po ako sa nangyaring development po, at least po lumabas ang katotohanan," dagdag ni Galido.

JOHN PAUL HALILI

Hindi naman napigilan ni Halili ang mapahagulgol sa iyak dahil sa dinaanang kalbaryo.

Nakiusap siyang igalang ang resultang inilabas ng Makati City Prosecutor's Office.

"Hirap na hirap na kasi yung pamilya ko, buong pamilya ko. Wala naman kaming kasalanan," emosyonal na saad ni Halili.

Continue reading below ↓

Ayon pa kay Halili, nakipagtulungan siya sa pulisya para magbigay ng salaysay hinggil sa dinaluhang hotel room party kasama si Christine.

Hindi raw niya akalaing tuluyan siyang idinitena ng pulisya dahil sa bintang na rape with homicide.

JOHN DELA SERNA

Sa parte ni Dela Serna, nanindigan siyang wala silang kasalanan sa pagpanaw ni Christine.

Malapit daw niyang kaibigan si Christine at nakikidalamhati siya sa naulilang pamilya ng dalaga.

"Alam mo kung gaano ka namin kamahal," ani Dela Serna ukol sa dalaga.

Hiling ni Dela Serna na magkaroon ng peace of mind ang pamilya ng nasawi.

"Ang tanging hiling lang namin, bantayan mo family mo at kaming mga kaibigan mo.

"Alam mo kung gaano ka namin kamahal nang sobrang-sobra.

"Part ka na ng buhay namin, at ngayon mahirap tanggapin na wala ka na."

"INSUFFICIENT EVIDENCE" FOR RAPE WITH HOMICIDE

Hapon ng January 6 lumabas ang resolusyon ng Makati City Prosecutor's Office na walang sapat na ebidensiya sa alegasyong hinalay si Christine.

Continue reading below ↓

Wala rin daw sapat na ebidensiya para masabing ang alegasyong rape ang nag-trigger ng "cause of death" ni Christine na "ruptured aortic aneurysm."

Kaya inatasang pakawalan ang tatlong hininalang suspek na idinitena ng pulisya.

Bukod sa kulang ang basehan para sa reklamong rape with homicide, ni hindi raw matukoy kung sino mismo ang dapat panagutin dito.

Idiniin din ng Makati City Prosecutor's Office na kailangan pa ng masusing imbestigasyon dahil wala pang isinusumite ang pulisya na medical report ng mga idinadawit sa reklamo.

Partikular na rito ang "DNA analysis, toxicology/chemical analysis and histopath examination."

Sa toxicology/chemical analsyis makikita ang presensiya ng alcohol o anumang substance na matatagpuan sa katawan ng isang tao.

Ang DNA analysis ay forensic technique sa criminal investigation para matukoy ang isang suspek.

Ang histopath examination ay ang pagsusuri sa microscope ng biological tissues.

Sa January 13 itinakda ng Makati City Prosecutor's Office ang unang pagdinig para sa preliminary investigation kina Galido, Halili, dela Serna, at walo pang pinangalanang respondents sa reklamo.

Continue reading below ↓

CONTROVERSIAL "RAPE-SLAY" TAG

Lumikha ng matinding kontrobersiya ang insidenteng pagpanaw ni Christine Dacera matapos itong bansagang "rape-slay" ng pulisya.

Ito ay sa kabila ng kakulangan ng malinaw na datos kaugnay ng eksaktong sanhi ng pagpanaw ng dalagang flight attendant.

Napag-alaman ding walang warrant of arrest nang idinitena at isinailalim sa inquest procedure sina Galido, Halili, at Dela Serna.

Ang inquest ay ang imbestigasyong isinasagawa ng pulisya sa oras na may inihaing reklamo laban sa isang suspect.

Noong January 4, 2021, inihayag ni Makati City Police Chief Col. Harold Depositar na may inihaing "provisional charge" na "rape with homicide" sa 11 lalaking natukoy na kasama ni Christine sa party.

Sinabi ito ni Depositar sa panayam sa kanya ng Philippine Daily Inquirer noong araw na iyon.

Hindi malinaw kung ano ang basehan ng naturang provisional charge.

Noong January 5, naglabas ang Philippine National Police (PNP) Public Information Office ng pahayag na "rape-slay" ang insidenteng pagpanaw ni Christine at maituturing na "solved" na ito.

Continue reading below ↓

Base ito sa nakasaad na report ni PNP Chief Debold Sinas kay Department of Interior and Local Government Secretary Eduardo Año tungkol sa napabalitang pagpanaw ni Christine Dacera.

Ikinagalit ito nang husto ng netizens na tumututok sa development ng mga pangyayari kaugnay ng insidente.

Lumitaw kasi ang dalawa pang idinadawit na suspek diumano, sina Gregorio de Guzman at Valentine Rosales, upang ipaalam sa publiko ang kanilang nalalaman sa insidenteng pagpanaw ni Christine.

GREGORIO "GIGO" DE GUZMAN

Si Gregorio o Gigo ay anak ng singer na si Claire dela Fuente.

Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), iginiit ni Gigo na lumalantad siya sa media upang tahasang pabulaanan ang rape with homicide na bintang sa kanya.

Idiniin din nitong hindi niya magagawang pagnasaan ang dalaga dahil isa siyang "bakla."

Bagamat unang beses na personal niyang nakasalamuha si Christine sa party, patunay raw ng kanyang malinis na intensiyon ang pagtulong niya sa pagresponde sa dalaga.

Continue reading below ↓

Ayon kay Gigo, nanatili siya sa hotel para mag-settle ng bill habang si Rommel daw ang sumama nang isugod sa ospital si Christine.

Binalikan pa raw siya ni Rommel sa hotel, at magkasama silang humarap sa pulisya nang simulan ng mga ito ang pagtatanong tungkol sa insidente.

Boluntaryo raw silang sumama sa presinto noong January 1.

Pero hindi naman daw hiningan ng statement si Gigo, kaya sa tulong ng abogado ay nakapagpaalam siyang makauwi noong araw ring iyon.

VALENTINE ROSALES

Sa parte ni Valentine Rosales, idinaan niya sa social media ang pag-alma sa pagkadawit niya sa bintang na rape with homicide kaugnay ng pagpanaw ni Christine.

Sinasabing tuluy-tuloy ang pag-post nito ng pahayag via Instagram Stories mula noong January 4.

Tinawag ni Valentine na "absurd, fake, at disgusting" ang alegasyong iyon dahil wala naman daw sapat na ebidensiya laban sa kanya.

Umapela pa siyang ilabas ang "official copy ng autopsy report" kunsaan makikita raw na "walang gumalaw kay Tin." Tin ang palayaw ng pumanaw na si Christine.

Continue reading below ↓

Nanindigan siyang malapit niyang kaibigan si Christine at mahal niya ito, kaya hindi niya magagawang abusuhin ang dalaga.

Sabi pa niya, "GOD'S THE WITNESS, TRUTH WILL ALWAYS PREVAIL."

CHRISTINE DACERA'S CAMP

Sa kabilang banda, noong January 5, naghihinagpis na humarap sa presscon ang ina ni Christine na si Sharon Dacera dahil sa diumano'y "karumal-dumal" na pagkamatay ng anak.

Kasama ni Sharon ang spokesperson ng pamilya at dalawang legal counsel.

Naniniwala silang may nangyaring "rape" at foul play kaya sila nagsampa ng reklamo.

Sinabi rin ng kampo ni Christine na dini-dispute nila ang first autopsy report kunsaan "ruptured aortic aneurysm" ang lumabas na cause of death dahil kulang umano ang datos na nakasaad dito.

Umapela silang magkaroon ng independent medico-legal report para suriing mabuti ang eksaktong cause of death ni Christine.

Nagsumite pa raw sila ng mga litrato ng mga natagpuang pasa sa katawan ng dalaga.

Tulad ng mga naunang sinabi ng pulisya sa media interviews, binanggit ng kampo ni Christine na diumano'y may naglagay ng kung anong substance sa inumin nito para sumama ang pakiramdam niya sa party.

Continue reading below ↓

Pati ang total count ng mga lalaking nakahalubilo ni Christine ay pinaiimbestigahan din ng pamilya Dacera. Bukod sa grupo sa hotel room ng dalaga, tila may nakahalubilo raw itong isa pang grupo na naka-check-in sa katabing hotel room.

Bukas ang PEP.ph sa anumang pahayag ng mga personalidad na nabanggit sa artikulong ito.

HOT STORIES

Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
John dela Serna, Rommel Galido, and John Paul Halili (L-R in right photo) face the media following their release from detention at the Makati City Police station. They were tagged as suspects in the Christine Dacera (left) alleged rape with homicide complaint, but were freed due to lack of evidence.
PHOTO/S: Christine Dacera Instagram / GMA News - 24 Oras
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results