Mahaba-haba man ang prusisyon, sa simbahan pa rin ang tuloy.
Ito ay angkop na kasabihan sa pag-iibigan ng actress-entrepreneur na si Ara Mina at Philippine International Trading Corporation (PITC) Undersecretary Dave Almarinez.
Ikinasal sila noong June 30, 2021 sa Baguio City
At ito ay selebrasyon hindi lamang ng kanilang pag-iisang-dibdib kundi pati na rin ng mga pinagdaanang nagpatibay ng kanilang two-year relationship.

Taong 2018, naging maingay at kontrobersiyal ang pagkaka-link sa pangalan nila.
Para sa mga showbiz fans na nasubaybayan ang kanilang kuwento, hindi tama ang panahon para sa dalawa dahil, ayon sa mga lumabas na balita, nasa isang relasyon umano si Dave.
Pero ang pagkakaalam naman ng mga taong malapit sa couple, malaya na si Dave bago nanligaw kay Ara.
Matapos malampasan ang unos na ito, naging pribado ang buhay-pag-ibig ni Ara hanggang sa kinumpirma niya taong 2020 na exclusively dating na sila ni Dave.
This time, masasabing perfect timing na ang lahat.
Pero paano nga ba nagsimula ang kanilang pag-iibigan? Paano sila mas napalapit sa isa't isa? Paano nila nalampasan ang mga kontrobersiya ng kanilang relasyon?
DAVE ON ARA: "HINDI NIYA AKO CRUSH"
Sa eksklusibong panayam sa bagong kasal sa Calamansi App podcast ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong July 7, nagkuwento si Dave kung paano sila nagkakilala ng aktres.
“Una, hindi niya ako crush. Na-meet ko siya in an event, meron akong event sa basketball game, about three years ago. We invited her.
“Yung matatapos na yung event, di pa rin nakarating. Kumbaga hindi siya nakarating, late siya nang five minutes, tapos na yung event.
“So dun kami nagkaroon ng pagkakataong makapagkuwentuhan.
“Yung time na yun, dun kami nagkaroon ng opportunity na magkaroon ng konting kuwentuhan. That’s how everything started.”
Saad naman ni Ara, lumipas ang ilang araw at linggo, nauwi silang dalawa sa pagiging textmates.
“Parang textmate lang parang ganun, dun na nag-start. Nag-invite, invite siya ng dinner, minsan hindi ko napagbibigyan kasi nga super busy ako.
“Pero persistent siya kasi kahit pandemic andiyan pa rin siya.
“Hanggang sa maging ano na exclusively dating na.”

DAVE UNDERSTANDS ARA’S HECTIC SCHEDULE
Pagpapatuloy pa ni Dave, naiintindihan niya ang pagiging busy ni Ara sa kanyang showbiz career at business.
Ilan sa mga negosyo ni Ara ay ang Hazelberry (cake and restaurant), Ara’s Secret (health and beauty products), Ara Shoes, at Ara Colours (lipstick line).

“Siyempre, knowing her schedule, sa umpisa hindi naman kami araw-araw nag-uusap.
“Hindi siya frequent because of her work.
“Ang dami niyang tapings at that time. I have to be more patient, waiting, yun ang pinakaimportante, e, on when is the right time para kami makapag-usap.
"Yung connecting nga lang is a challenge already from the very beginning.
“So yun muna ang umpisa and from there, we get to know each other better.
“And ang una pa nga namin when I asked her na puwede ba kita ma-invite to go out.
“Going further, I brought her to a church dun sa San Pedro City, sa may Landayan, kay Lolo Uweng.
“Pag nag-pray ka daw dun binibigay daw sa iyo yung pinagpi-pray mo.
“It’s not a typical date that I’ve done.”
Ang una nilang date ay sa simbahan na ayon kay Dave ay isang magandang simulain sa mga taong nais magkaroon ng perfect partner.

Mula noon paminsan-minsan na silang nakitang magkasama sa publiko.
"EXCLUSIVELY DATING" STAGE
Anim na taong single si Ara.
Kaya naman, bukas na siya sa bagong karelasyon noong 2018.
Sa eksklusibong pakikipag-usap ng PEP.ph kay Ara noong November 8, 2020, sinabi nitong walang masama kung mag-entertain siya ng manliligaw dahil lagpas anim na taon na siyang single.
“I think walang masama mag-entertain ako.
“I’m single and he’s single. Let’s see kung saan tutungo ito.
“I just want to be careful this time.
“Kasi, I told myself na yung magiging next relationship ko, gusto ko yun na ang magiging partner in life ko or magiging GOD’S BEST ko.”

Ano ba ang mga katangian ng government official na nagustuhan niya?
“Masipag na tao, mabait, simple, at higit sa lahat napakatiyagang tao.
“Siguro sa two years kaming magkakilala, bilang na bilang ko lang sa daliri ko yung lumabas kami para mag-dinner o masabi talagang nag-date.”
Noong panahong yun, priority talaga ni Ara ang anak na si Amanda sa dating boyfriend na si Patrick Meneses.
Si Dave naman ay may anak na rin sa dati nitong karelasyon.
Ito ang dahilan kung bakit “exclusively dating” pa rin ang estado ng relasyon nila.
“He knows naman kasi kung ano priority ko, daughter ko, work, and yung business ko.
"And it is taking too much of my time, and naiintindihan niya yun totally.
“Hindi sa nag-iinarte ako at feeling dalaga. Pero kahit hindi na ako bata, hindi ako nagmamadali magka-boyfriend.
"Ganyan siguro pag may anak ka naman at maraming ginagawa."
ARA-DAVE ENGAGEMENT
Na-engage sina Ara at Dave noong January 12, 2021.

Sa Instagram, ibinahagi ng Nice Print Photo ang ilang larawang kuha mula sa engagement ng dalawa.
Makikita sa background ng lugar ang mga salitang "WILL YOU MARRY ME?"
Nakasaad sa unang post: “And it’s official! (ring) @therealaramina is now engaged!
“Congratulations Dave and Ara! Sooooo happy to be part of this beautiful moment (heart emoji) #SheSaidYes”
View this post on Instagram
Sa isa pang post, ibinahagi rin ng photography company ang ilang memorable moments sa engagement nina Ara at Dave.
Makikita rito ang pagluhod ni Dave sa harap ng Ang Probinsyano actress sabay alay ng singsing.

Sa San Pedro City Hall nangyari ang engagement ng dalawa.
THE RIGHT MAN FOR ARA
Sa PEP Exclusives interview kay Ara noong February 23, 2021, natatawang inamin ng aktres na kahit nagkaroon ng “palya” sa iba niyang dating karelasyon ay nakahanap rin siya ng tamang lalaki para sa kanya.
Natutuwa raw si Ara dahil dahil marami ang masaya para sa bagong yugto ng kanyang buhay.

"I guess kasi, dahil open book ang life ko, hindi ko naman pinagkait yung mga pinagdaanan ko.
"So, dumating sa point na, 'Finally, andiyan na yung right man for you.'"
Ano na nga ba ang nagpahulog ng loob niya kay Dave?
Sagot ni Ara, tanggap ni Dave ang buo niyang pagkatao.
"Kasi bihira rin makahanap ng... Yun, lalo na sa mga nagpa-sexy, minsan kasi may mga taong judgmental..."
Ang tinutukoy ni Ara ay ang early years niya sa showbiz kunsaan siya ay nakilalang sexy star.
"Pero sobrang grateful ako na kahit ano yung past mo, he's very proud of me sa mga achievements na nagawa ko.
"At sobrang tanggap niya yung anak ko."
Noong mga panahong iyon ay excited si Ara sa mga simpleng pagbabago sa buhay niya kapag kasal na sila ni Dave.
"Kasi every time mag-fill up ako [ng forms] for 41 years—talagang sinabi ko edad ko—single, single, single [ang status ko].
"Ngayon, baka magkamali ako ng check. For 41 years single lang lagi tsine-check ko.
"'Tsaka iniisip ko, 'Paano kaya pag pipirma na ako?' Iba na yung apelyido ko. May mga ganung factor na ako.
"'Paano kaya yung passport ko? Paano kaya yung license ko? Kakakuha ko lang ng card.' Mga simple things, pero for me, malaking adjustment."
THE DREAM WEDDING
June 30, 2021, bandang alas kuwatro ng hapon, ikinasal sina Ara at Dave sa isang simple ngunit eleganteng chapel sa Alphaland Baguio Mountain Lodges Chapel, Baguio City.

Bumaha ng luha sa simula pa lamang ng kasal nang naglakad papuntang altar ang anak ni Ara na si Amanda Gabrielle Meneses, na nasilbing little bride, at niyakap ang kanyang stepfather na si Dave.

Hindi rin napigilan ni Ara na maluha habang naglalakad papuntang altar.

Mga bigating pangalan sa pulitika, negosyo, at showbiz ang kabilang sa sampung pares ng mga ninong at ninang sa pag-iisang dibdib nina Ara at Dave.
View this post on Instagram
Ginanap ang engrandeng reception sa basketball court-turned-grand ballroom ng Alphaland Baguio Mountain Lodges.

Sobrang istrikto ang mga pinairal na protocols sa kasalan dahil lahat ng dumalo ay dumaan sa swab at antigen test, at lahat ay negatibo ang resulta.
Dapat ay noong April pa ang kasal nina Ara at Dave, pero naurong ito dahil sa panibagong surge noon ng COVID-19 cases.
POST-WEDDING REVELATION
Marami ang natuwa lalo na ang mga kaibigan ni Ara dahil dumalo ang ex-boyfriend nitong si Patrick sa kanilang kasal at reception.
Sa eksklusibong panayam ng PEP.ph kay Patrick, inamin niyang lubos ang kasiyahan niya para sa newlyweds.

Ayon kay Patrick, personal siyang inimbitahan nina Ara at Dave para dumalo sa kasal ng mga ito.
Maganda raw ang relasyon niya sa couple.
"Actually, they went to my house. We're really good friends, e. Even Dave and I. Dave made an effort for us to meet."
Ano ang mensahe niya para kina Ara at Dave?
"Siyempre, it's not every day that anyone finds their soulmate.
"She's very lucky and Dave is lucky as well. They found each other. Soulmates sila.
"I feel so blessed to be part and to witness this ceremony. This is the biggest event in their life."
Sa reception, in-acknowledge pa nina Ara at Dave si Patrick bago ang kanilang mini-concert.
Sa kauna-unahang sit-down interview sa mag-asawa noong July 1, nagkuwento sina Dave at Ara tungkol sa pagdalo ni Patrick sa kanilang kasal.

Marami kasi ang natuwang nakita sina Ara at Patrick na civil at maayos ang pakikitungo sa isa’t isa kahit nagkahiwalay sila.
“Si Pat naman, hindi ko naman basta in-invite lang, ipinakilala ko muna sila.”
Ayon naman kay Dave, nag-usap talaga sila ni Patrick alang-alang kay Mandy. Tiniyak daw niya sa alkalde na aalagaan niya si Mandy na parang tunay na anak.
“Pero long before I made a proposal, parang nagkaano... nagkakarinigan na kami.
“Siyempre, lalaki sa lalaki, di ba, parang ganun. Respect to each other siyempre.
“It’s very important na maipagkakatiwala si Mandy, na maalagaan yung anak nila, just like the same sa anak ko.”
