Nagbalik-tanaw ang beteranang broadcast journalist na si Ces Drilon sa pangingidnap sa kanya ng teroristang grupo na Abu Sayyaf labing-apat na taon na ang nakalilipas.
June 8, 2008, napaulat na missing si Ces, ang team niyang sina cameramen Jimmy Encarncion at Angelo Valderama, at ang kanilang guide na si Mindanao State University Professor Octavio Dinampong sa Maimbung, Sulu.
Kalaunan, nakumpirmang na-kidnap ang team ni Ces ng grupong pinamumunuan nina Albader Parad ng Abu Sayyaf at Gafur Jumdail ng Moro National Liberation Front (MILF), Misuari breakaway group.
READ: ABS-CBN confirms report that newscaster Ces Drilon and two cameramen are missing in Sulu
Sa Instagram ngayong araw, June 9, 2022, nagbahagi si Ces ng alaala niya tungkol sa nangyaring kidnapping.
Naniniwala raw siya na ang "unison of prayers" mula sa mga kaibigan at maging sa mga taong hindi niya kilala ang pagpapalaya sa kanila ng kidnappers sa ikasampung araw ng kanilang kidnapping.
Itinuturing daw ito ni Ces na pangalawang buhay nila na hindi dapat ipagsawalang-bahala.
Saad pa ni Ces, “Fourteen years ago today I walked into my abduction by the Abu Sayyaf. I believe the unison of prayers from all over—friends and even strangers led to my news team’s safe release on the 10th day of our kidnapping.
“It’s a 2nd lease on life for us which should not be squandered. I remember that fateful day now with gratitude and thanksgiving.”
View this post on Instagram
NEWS ABOUT KIDNAPPING
June 10, 2008, sa presscon noon ng Pinoy Big Brother: Teen Editon Plus, naging bulung-bulungan sa press ang tungkol sa pagkawala diumano ni Ces at dalawa pa niyang kasama na sina Encarnacion at Valderama.
Kaagad nagdesisyon ang ABS-CBN management na maglabas ng opisyal na pahayag tungkol dito.
Narito ang official statement na ipinadala noon ng ABS-CBN sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal):
"Tatlong mamamahayag ng ABS-CBN News ang nawawala sa Sulu—sina Ces Drilon, Jimmy Encarnacion, at Angelo Valderama.
"Ginagawa na ang lahat para sila ay mahanap at maiuwi sa lalong madaling panahon. Habang inaalam pa ang lahat ng detalye, nakikiusap ang ABS-CBN News sa kapwa namin mamamahayag na mag-ingat sa kanilang ibabalita, alang-alang sa kaligtasan nila Ces at kanyang crew.
"Nakikipag-ugnayan ang ABS-CBN News sa mga pamilya at hinihiling namin na igalang natin ang kahilingan nilang huwag humarap sa media."
June 11, kinumpirma ng Kapamilya network na na-kidnap si Ces at ang mga kasamahan nito.
Humihingi rin daw ng ransom ang kidnappers pero hindi ito pinaboran ng ABS-CBN dahil baka ito ang maging susi na dukutin na lamang basta-basta ang mga mamamahayag.
Bahagi ng official statement ng ABS-CBN noon: “ABS-CBN News will abide by its policy not to pay ransom because this would embolden kidnap for ransom groups to abduct other journalists, putting more lives at risk.
"We ask the nation for your prayers and request our colleagues in media to join ABS-CBN News in condemning this unconscionable attack against journalists.
"We thank everyone for the outpouring of support we have received in this most difficult time."
READ: ABS-CBN will not pay ransom for Ces Drilon and two cameramen
CES DRILON, 3 OTHERS RELEASED BY BANDITS
Matapos ang halos sampung araw sa kanlungan ng rebeldeng grupo, pinalaya sina Ces, Jimmy, Angelo, at Professor Octavio noong June 17, 2008 sa Barangay Kagay, Talipao, Sulu.
READ: Ces Drilon and fellow hostages released by rebel bandits
Kasama sa negotiating team noon sina Sulu Governor Sakur Tan at Vice-Governor Hadja Nur Ana Sahidullah.
Nagsilbi namang emisaryo si Moro National Liberation Front leader Mayor Alvarez Isnaji sa pagitan ng gobyerno at kidnappers.
Bukod sa kanila, kasama ring nakipag-usap para sa kaligtasan ng apat ang dating ABS-CBN broadcast journalist na si Senator Loren Legarda.
Noong July 13, 2008, naglabas ang ABS-CBN ng TV special na may titulong Kidnap kung saan nagbahagi si Ces ng naranasan niya sa kamay ng bandidong grupo.
Bahagi ng kuwento niya, “Nakatali ka, susuntukin ka ng baril, sasampalin ka. Ang sabi ko nga kay Jimmy, ‘Wala pang gumagawa ng ganito sa akin.'"
Dagdag pa ni Ces tungkol sa pamamalagi nila sa bundok ng halos sampung araw: "It was horrible. You had to sleep on the ground, natutulog kami sa tolda, sa hammock, or sa lupa na nilagyan ng sako."
Malaki naman ang pasasalamat ni Ces at inalagaan siya ng kanyang team.
Aniya, “Inalagaan nila ako grabe. You could feel their love and respect for me and I wouldn't have been able to go through that ordeal if not for them."
READ: Ces Drilon reveals details about her kidnap ordeal
Sa ngayon, retired na sa ABS-CBN si Ces.
