Marami ang nalungkot at nagtaka sa "retirement announcement" mula sa pag-arte ng isa sa mga pinakamagaling na aktres ng bansa na si Jaclyn Jose.
Read: Jaclyn Jose sees acting as her whole world and only source of income
Inihayag ni Jaclyn ang kanyang pagreretiro sa pamamagitan ng isang simpleng pamamaalam sa kanyang Facebook at Instagram page.
Kalakip ang video ng red-carpet moment niya sa nakaraang GMA Thanksgiving Gala, pinili ni Jaclyn ang instrumental version ng hit song ni Jose Mari na "Beautiful Girl" bilang background music sa kanyang retirement announcement video.
Sunud-sunod na pahayag ng aktres sa caption: “I am retiring…. Marami po salamat....
“Masakit but..I know I have to go....
"I just sooooo luv Andi and Gwen most and foremost to have come into this.”
Sina Andi Eigenmann at Gwen Guck ang dalawang anak ni Jaclyn.
Mary June Guck ang tunay na pangalan ni Jaclyn.
Nakababata siyang kapatid ng dating aktres na si Veronica Jones.
Nagsimula ang acting career ni Jaclyn noong 1984 nang ipakilala siya bilang isa sa mga bida ng Chicas ng Baby Pascual Films and Associates. Launching movie nila ito ng mga kapwa baguhang aktres na sina Lovely Rivero, Tanya Gomez, Rachel Ann Wolfe, at Karla Kalua.
Mula noon, hindi na huminto si Jaclyn sa pag-arte.
Kahit nagbida sa mga sexy movie tulad ng White Slavery (1985) at Private Show (1986), ipinakita niya ang husay bilang aktres kaya paulit-ulit siyang nanalo ng mga acting award sa lahat ng mga award-giving body sa Pilipinas.
Pinatunayan ni Jaclyn na walang malaki o maliit na role para sa isang aktres na punumpuno ng talent dahil nagampanan niya nang buong husay ang lahat ng mga klase ng karakter na ipinagkatiwala sa kanya.
Kabilang pa sa mga pelikulang ginawa niya na tumatak sa mga manonood at kritiko ay Celestina Sanchez Alyas Bubbles/Enforcer: Ativan Gang (1985), Takaw Tukso (1986), Misis Mo Misis Ko (1986), Itanong Mo Sa Buwan (1988), Macho Dancer (1989)...
The Flor Contemplacion Story (1995), Mulanay: Sa Pusod ng Dagat (1985), May Nagmamahal Sa 'Yo (1986), Curacha: Ang Babaeng walang Pahinga (1988), Tuhog (2000), Minsan May Isang Puso (2001), Sarong Banggi (2005), at Serbis (2008).
Higit sa lahat, nakuha ni Jaclyn ang respeto ng lahat ng mga Pilipino nang magwagi siyang best actress sa 69th Cannes Film Festival sa Cannes, France, noong May 2016.
Nanalo siya para sa kanyang pagganap sa Ma' Rosa ni Brillante Mendoza.
Gumawa ng kasaysayan ang tagumpay ni Jaclyn sa Cannes Film Festival dahil siya ang kauna-unahang Pilipino na pinagkalooban ng mataas na karangalan sa international film festival na itinuturing na prestihiyoso sa buong mundo.
Read: Jaclyn Jose wins Best Actress at Cannes for Ma' Rosa
Mahirap nang mapantayan ang mga tagumpay na nakamit ni Jaclyn dahil nag-iisa lamang siya at minsan lamang dumating sa panahon ang mga kagaya niya.
Hipag ni Jaclyn si Cherie Gil, na pumanaw sa edad na 59 noong August 5, 2022.
May mga haka-hakang malaki ang epekto kay Jaclyn ng pagkawala ni Cherie kaya nagpasya siyang magretiro para makapiling naman ang pamilya na matagal na nakihati sa pagmamahal at atensiyong ibinuhos niya sa kanyang propesyon.
Read: Jaclyn Jose, dinamayan ang anak na si Andi Eigenmann nang pumanaw si Cherie Gil
Sa kabila ng pagreretiro ni Jaclyn, umaasa ang kanyang mga tagahangang magbabago ang isip niya at darating ang panahong muli siyang aarte sa harap ng kamera dahil “once an actress, always an actress.”
Ang Bolera, ang primetime drama sports series ng GMA-7 na nagwakas noong August 26, 2022, ang huling television project ni Jaclyn.
Ang Vivamax movie na Tahan naman ang huling pelikula na ginawa niya sa loob ng kanyang makulay at matagumpay na 38-year-old acting profession.