Halos dalawang taon matapos pumirma si Myrtle Sarrosa sa Sparkle GMA Artist Center, masaya ang dalaga sa kanyang naging desisyon.
“Sobrang nagpapasalamat ako, especially during time ng pre-pandemic kasi, nag-sign ako prior nagkaroon ng lockdown. And to be under the Sparkle management sobrang grateful ko na despite na everything that was happening in the world, I have a family that would take care of me and management na bibigyan ako ng napakaraming opportunities.
“And lagi ko talagang sinasabi na ako yung type of person na hindi sinasayang ang mga opportunities na binibigay sa akin.”
After ng Nagbabagang Luha (2021), ang susunod na seryeng gagawin ni Myrtle sa GMA-7 ay ang naudlot na Love. Die. Repeat. dahil sa pagbubuntis ni Jennylyn Mercado sa unang anak nila ni Dennis Trillo na si Baby Dylan.
Bukod kina Jennylyn at Myrtle, part din ng cast si Xian Lim.
Ang natigil na taping noong September 2022 ay magre-resume sa first quarter ng 2023.
Bukod sa serye, isa pa sa mga opportunities na ibinigay kay Myrtle ay ang pagiging bagong celebrity endorser ng intimate undergarment ng Guitar Apparel.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Myrtle sa contract signing niya nitong Miyerkules, November 30, sa Bean Leaf Coffee sa Fisher Mall sa Quezon Avenue.
Present sa naturang contract signing ni Myrtle si Arnold Chua, na president ng Guitar Apparel, at Renze Banawa, ang sales manager ng Sparkle GMA Artist Center.
BIRTHDAY WISH
Pang-ilang endorsement na niya ito?
“For this year? Actually hindi ko na rin mabilang,” at tumawa si Myrtle.
“But this is definitely one of the most special ones kasi birthday ko next week, and para akong nagkaroon ng isang very early birthday gift and normally hindi nagkakaroon ng mga endorsements end of the year. Normally next year pa siya pero pinili talaga ng Guitar Apparel family to make sure na yung wish ko to work with them would be granted.
“Sobrang grateful.”
Dahil 27th birthday niya sa December 7, natanong si Myrtle kung ano ang birthday wish niya.
“Good health para sa lahat ng family and friends ko, and actually lahat ng mga wishes ko this 2022 has been granted and I’m grateful now sa lahat ng mga ibinigay sa akin ni Lord this year."
OPPORTUNITIES FROM GAMING
Samantala, kagagaling lamang ni Myrtle Sarrosa sa London at Singapore para sa mga gaming competitions doon.
“Grabe! Napakaraming opportunities na nagbukas para sa akin dahil sa gaming,” kuwento ni Myrtle na kilalang gamer ng mga online o mobile video games.
“So kakagaling ko pa lang sa London kasi in-acknowledge nila ako as one of the top mobile gamers in the Philippines, and pinalipad ako doon ng Call Of Duty para maglaro ng Call Of Duty Warzone.
"And recently, galing din ako ng Singapore para makipag-compete para sa isang tournament game to represent the Philippines.
"Kasama si Ate Alodia para sa Call Of Duty Warzone 2.0 kaya sobrang minsan overwhelmed pa rin ako sa dami ng mga ginagawa ko dahil sa gaming, parang sa cosplay, and nakakatuwa na nakaabot na ako sa ibang bansa,” pahayag ni Myrtle.
Sina Myrtle at Alodia Gosiengfiao, bukod sa mga kilalang mobile gamers ay mga cosplayer rin.
Hindi raw siya nanalo sa Singapore.
Na-eliminate kasi agad yung dalawa kong kakampi,” at natawa si Myrtle,” so ako yung last man standing.
“So tinry ko yung best ko na i-carry yung Pilipinas hanggang sa kakayanin ko kaso hindi na kinaya. Pero nakaka-proud pa rin to have an opportunity to represent the Philippines.”
Ano naman ang pakiramdam na ang titulong ibinigay sa kanya ay Cosplay Icon?
“Medyo naaano pa rin ako, kinikilig ako kasi it’s been a while na ina-acknowledge ako as an icon for anything. It’s the first time na may nag-acknowledge sa akin as an icon of cosplay, sobrang nakakatuwa rin to see all the cosplayers here supporting me.”
Nung araw na yun, maraming cosplayers ang dumalo sa Guitar Apparel contract signing ni Myrtle.
