Hindi pa nakatrabaho ni Brillante Mendoza ang Star For All Seasons na si Vilma Santos.
Ngayong magiging aktibong muli si Vilma sa paggawa ng pelikula, magkakaroon na ba ng pagkakataong magkakasama sa isang proyekto ang dalawang multi-awarded personalities sa industriya?
Nagkuwento si Brillante sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol dito over an intimate lunch sa kanyang bahay sa Mandaluyong City noong March 21, 2023.
Nagkaroon na raw sila ni Vilma ng pag-uusap tungkol sa proyekto, “Okay na, mag-aayos na kami ngayon."
Ibig ba sabihin ng meeting nila ni Vilma ay tuloy na tuloy na ang isang Vilma Santos film directed by Brillante Mendoza?
“Hopefully,” ang nakangiting wika pa rin ni Brillante.
May nakahanda na raw siyang materyal para kay Vilma.
WORKING WITH YOUNG STARS
Bukod kay Vilma, nais ding makatrabaho ni Brillante ang ilan sa ating mga younger-generation stars.
“Yung mga bagets, wala pa akong nakakatrabaho sa mga bagets, gusto kong maka-touch base sa Gen Z.”
Nabanggit ni Brillante sina Joshua Garcia, Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, at Nadine Lustre.
Aniya, “Popular sila sa mga Gen Z, e, gusto ko naman kahit papaano, ayoko rin namang palaging, ‘Pang-matanda ka lang.’"
Ilan sa mga popular na pelikulang nagawa ni Brillante ay ang Masahista (2005), Serbis (2008), Thy Womb (2012), at Ma'Rosa (2016), Sa Kinatay siya nanalo ng Best Director award mula sa 2009 Cannes Film Festival.
Samantala, nakipag-meeting si Brillante sa mga kinauukulan para sana sa mga proyektong gagawin niya para sa ABS-CBN at Star Cinema bago nagkaroon ng pandemya at bago nawalan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Kung sakaling matuloy ang mga naging plano noon, ano ang naiisip niyang proyekto para kay Joshua o Daniel?
“Yung bagay sa ano niya, pero ayoko siyang gawing over-dramatic. Kumbaga tatanggalin mo siya sa kanyang comfort zone na parang…. gusto ko yung bagay sa kanila, hindi ide-deglamorize, hindi ilalayo sa image niya.”
Halimbawa, hinding-hindi niya gagawing isang macho dancer si Joshua sa isang proyekto.
“Oo, huwag mga ganyan kasi parang masyadong, dun sa idea pa lang parang nagpapaka-kontrobersiyal ka na. Di ba?
“Parang, kuhanin mo yung tao dahil sa talent niya, di ba? At saka dun sa fanbase, dun sa following niya. Di ba hindi naman natin titingnan na, ’Ay marami bang manonood dun pag ginawa natin siyang macho dancer?’"
ON COCO MARTIN
Samantala, ang pelikulang Apag ay entry sa first-ever Metro Manila Summer Film Festival.
Gaganap dito si Coco Martin bilang si Rafael Tuazon.
Isa pang pelikula ni Brillante na hindi pa ipinapalabas ay ang Pola, kung saan tampok sina Coco at Julia Montes.
Si Brillante ay matalik na kaibigan ni Coco, at siya rin ang mentor ng aktor.
Kaya naman natanong ng PEP.ph ang direktor, open ba si Coco na magkuwento sa kanya ng lahat-lahat tungkol sa pribadong buhay nito?
“Hindi naman, hindi naman lahat.”
Mainit na paksa pa rin ngayon ang tungkol sa tunay na estado ng relasyon nina Coco at Julia.
Kumusta sila kapag wala sa harap ng kamera?
“Wala, very normal, walang ano, wala talagang kuwan. Kahit nga si Raymart, walang ano,” pagtukoy ni Brillante kay Raymart Santiago na nasa cast rin ng Pola.
“Actually para kaming magkakabarkada. Minsan nag-uusap-usap sila, hindi ko alam ako pala pinag-uusapan nila. Mga ganun, tapos bigla akong e-enter frame, tapos bigla silang tatahimik,” ang natatawang kuwento ni Brillante.
Diretsong tinanong namin ang pamosong direktor, kung sakali ngang sila nga at maligaya sina Coco at Julia ngayon, ano ang masasabi niya?
Maligaya rin ba siya para sa dalawa?
“Natural! Siyempre, di ba, basta masaya yung tao dapat masaya tayo para sa mga tao.”
At sa tingin ba niya ay masaya ang dalawa?
“Oo. At saka with the rate things are going sa career ni Coco, at saka parang, blessed siya e, di ba? So makikita mo naman sa nangyayari sa buhay ni Coco.”
Ang pag-segue sa career ni Coco ay tila hudyat na ayaw ni Brillante na makialam sa kung anuman ang meron sa personal na buhay nina Coco at Julia.
Bukod kay Coco, tampok rin sa pelikulang Apag sina Jaclyn Jose bilang Elise Tuazon, Gladys Reyes bilang Nita Balagtas, Mercedes Cabral bilang Chedeng Balagtas, at Senator Lito Lapid bilang si Alfredo Tuazon.
Nasa pelikula rin sina Julio Diaz at Ronwaldo Martin, with the special participation of Shaina Magdayao, Joseph Marco, Vince Rillon, Mark Lapid, and Ms. Gina Pareño.
Ginanap ang celebrity premiere ng Apag sa SM North EDSA Cinema 2 (The Block) noong Martes, March 28. Ang premiere ay sponsored ng SM Cinemas, at event partner ang SM North EDSA.
Nais ring pasalamatan ng produksiyon si Ms. Millie Dizon ng SM.
Ang Apag ay mula sa Center Stage Productions at Hongkong International Film Festival Society, at kay Brillante rin bilang co-producer ng pelikula.
Ipapalabas ito sa mga sinehan simula April 8 hanggang April 18, 2023.
