Sa kauna-unahang pagkakataon ay idinetalye ni Vice Ganda ang mga pangyayari kung paano nila nalamang damay ang kanilang noontime show na It's Showtime sa gulo sa pagitan nina Tito Sotto, Vic Sotto, Joey de Leon o TVJ at ng TAPE Inc.
Ang TAPE ang producer ng longest-running noontime show na Eat Bulaga!, na umeere sa GMA-7.
Si Vice naman ang main host ng Kapamilya noontime show na It's Showtime, na napapanood sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Dahil sa pagkalas ng TVJ sa TAPE noong May 31, 2023, nagsulputan agad ang usap-usapang baka sa TV5 na mapapanood muli ang veteran TV hosts sa bago nilang noontime show kasama ang "legit Dabarkads."
Bunsod nito, maiitsapuwera ang It's Showtime.
Read: Tito Sotto, Vic Sotto, and Joey de Leon bid goodbye to TAPE, 'Eat Bulaga!' viewers
Sa kanyang vlog na inilabas kagabi, June 27, 2023, isinalaysay ni Vice ang mga kaganapan bunsod ng desisyon ng TVJ na iwan ang TAPE pagkatapos ng mahigit apat na dekada.
Lahad ng TV host-comedian, “Nagsimula yan, nabasa ko sa Twitter. Umugong na siya, e, bago pa kami kausapin.
“Tapos, I was going for the States for a concert tour that time. But before I left, tinawagan ko si Tita Cory [Vidanes, ABS-CBN's Chief Operating Officer for Broadcast] tapos tinanong ko siya na, ‘Tita Cory, may mga ganitong chika, totoo ba to?’
“Tapos sabi ni Tita Cory, ‘Don’t worry kasi wala pa namang nakikipag-usap sa amin, tsaka hindi pa naman kami sinasabihan ng TV5. So there’s no truth to that. So, kung ano man yung nabasa mo, walang anything.’
“So I was pacified. So, hindi na ako kinabahan. So, okay na ako.
"Nagtatanong din sa akin yung mga co-host ko, ‘Meme, may ganyan, ganito.’ Sabi ko, ‘Sinabi sa akin kumalma daw kayo kasi wala namang ganyang chika.’
“So, kalmado lang ako. Tapos dumating yung time na on the day of my concert, June 2, sa Araneta [Coliseum], tapos nagkakagulo sila pala, kasi kailangang kausapin ako ng management.
“Hindi nila malaman kung ano ang gagawin kasi there were some people na nagsasabi na, ‘Sana hindi ngayon kasi hindi namin alam kung paano namin sasabihin kay Vice na kakausapin siya. Ang hirap naman nun kasi magku-concert siya tapos may bitbit siya. Or kung after the concert naman, parang binasag natin yung amats niya. Siyempre, high na high siya nun, di ba?’
“So, last minute, kinancel nila yung meeting with me.”
ANNOUNCEMENT OF NON-RENEWAL OF TV5 BLOCKTIME DEAL
Biyernes, June 2, 2023, ginanap ang Your Memejesty Queen VG concert ni Vice.
Kinabukasan, Sabado, June 3, pumasok pa siya sa It’s Showtime para magpasalamat sa mga tao dahil sa kanyang sold-out concert.
That time, sinabihan daw siyang pagkatapos ng show ay umakyat sa management dahil kakausapin siya. Pero kinansela raw ito.
Linggo, June 4, tumawag ang headwriter ng It's Showtime kay Vice at sinabi ang umuugong na balitang kakanselahin na raw ang blocktime deal nila sa TV5.
Pinakalma ni Vice ang headwriter dahil sa pagkakaalam niya ay wala itong katotohanan.
Lunes, June 5, binigyan ng management ng tatlong araw na break si Vice para maka-recover ang kanyang boses.
Pero tinext daw siyang pumunta ng ABS-CBN para sa isang meeting. Nagtaka si Vice dahil break niya iyon dapat.
Kuwento pa niya, “Tapos yun na, kinausap na kami. Ako muna yung unang kinausap. Sabi, ‘Sa yo muna namin sasabihin tapos hihingin namin ang thoughts mo bago namin kausapin yung mga co-hosts mo.’
“Those people who were talking to me were all very emotional. Tapos ako, ang weird, kasi wala akong masyadong emosyon.
“Sabi ko nga, siguro high pa ako kasi galing ako sa concert. Tapos sinabi ko, ‘Okay.’
“Tapos sinabi sa amin, ‘May ganito, baka i-move tayo sa 4:30 p.m. Kung sa yo, okay ka ba?’
“Sabi ko, ‘Personally, ayoko sa 4:30 p.m. timeslot kasi Showtime is a noontime brand. It will destroy the brand.
"'Kung dati nausog tayo naging 12:30, naging 12:45, okay pa yun, kasi pasok pa siya sa noontime. Pero kung 4:30, hindi na siya noontime.’
“E, feeling ko, that’s not gonna be right personally. Pero, since hindi naman ako ang may-ari ng Showtime at ano lang naman ako, sundalo lang naman ako, sabi ko, ‘Kung saan mapupunta ang programa, di ko sila iiwan, sasamahan ko sila.’
“Di ba, parang di ko naman ma-imagine kung mag-no ako tapos kapag dumiretso yung prorama, masakit din for my other family members na hindi ako sasama.
“Masakit din sa akin na hindi ko sila sasamahan. Sabi ko, ‘Kung saan ang Showtime, go ako.’
"Tapos yun na, nung pinatawag na sila [It's Showtime co-hosts], siyempre malungkot.
“Ini-expect daw nila mas wild yung reaction ko, pero ang ending, mas emosyunal sila kaysa sa akin.”
Ayon kay Vice, marami na silang pinagdaanan kung saan dati ay sa YouTube lamang sila napanood bago pa magbukas ang pinto ng A2Z, Kapamilya Channel, at TV5 para sa kanilang programa.
“So, sabi ko sa kanila, ‘What else can hurt us?’”
Nag-rock bottom na sila noon kaya ano pa raw ba ang mas sasakit dun? Ang masakit lamang daw ay makita nila ang staff na malungkot, nag-iisip kung may trabaho pa ba sila.
Sa isip daw ni Vice ay isang "gem" ang It’s Showtime na kahit bitawan ng isa ay may dadampot ditong iba.
Aniya, “Sabi ko, ‘Siyempre, since ginagawa niyo akong leader nitong programang to, the queen must not be the weakest. I cannot be the weakest, di ba? You don’t call me the queen for nothing. The queen must hide her wounds and endure.’
“Nasasaktan ako pero hindi ko yun ipapakita sa kanila nang tahasan kasi manghihina sila. Ang ipapakita ko sa kanila yung lakas, ‘Dito kayo kumapit, kapit-kapit tayo dito.’”
CASUALTY OF EAT BULAGA! WAR
Hindi raw lubos-maisip na Vice na sa gitna pala ng giyera sa pagitan ng TVJ at TAPE ay ang It's Showtime ang labis na maaapektuhan.
Saad niya, “Alam mo yung nararamdaman na parang tayo yung naging casualty ng problema nung TVJ at Eat Bulaga!.
“Sabi ko, ‘Parang tayo yung tinamaan nung mga kanyon na binala nila.’ Yun ang unang naramdaman namin.
"Kasi nung una, okay naman sila dun, okay din naman kami. So, parang okay na kami dito.
“Kasi kung hindi naman sila nag-away, e, di buo pa rin sana sila. May kontrata pa rin naman sila [TAPE] sa GMA hanggang next year, di ba? So, buo pa rin sana sila.
“Pero dahil hindi sila nagkasundo, nagkahiwalay. So, siyempre yung mga performers, normal lang na gagawa sila ng paraan na makahanap ng pagpupuwestuhan ng programa nila.
“At yung mga naging desisyon nila, malaking-malaki ang naging epekto sa amin na nananahimik. Pero hindi rin naman namin puwede sisihin ang TVJ kasi lahat naman kami gusto lang magtrabaho.
“Lahat naman kami may ipinaglalabang bahay. Lahat kami may ipinaglalabang programa. Lahat kami may ipinaglalabang audience na gustong pagsilbihan.”
Hindi tinanggap ng ABS-CBN management ang offer ng TV5 na ilipat ang It's Showtime sa 4:30 p.m. timeslot. Dahil dito, hindi na nag-renew ang It's Showtime ng blocktime agreement sa TV5 na mapapaso na ngayong June 30, 2023.
Read: MVP on choosing between It’s Showtime and TVJ: “It was just a purely business decision.”
NO GRUDGE AGAINST TV5
Muling ring iginiit ni Vice na wala siyang sama ng loob sa TV5.
Aniya, “Ay, wala. Wala akong galit sa TV5. Nalungkot ako sa naging desisyon ng TV5 kasi hindi pabor sa amin yun, e.
“Siyempre sa buhay naman, mas masaya tayo kung ang mga nangyayari ay pabor sa atin.
“Pero hindi sa lahat ng pagkakataon magiging pabor sa yo ang oras, ang pangyayari, ang mga desisyon.
“May mga pagkakataong may mapapaborang iba. Masakit man, malungkot man sa damdamin mo, pero kailangan mong tanggapin yun at kailangan mong irespeto yun.”
Aminado si Vice na malaki ang naging tulong ng TV5 na sa loob ng isang taon ay meron silang free-to-air channel bukod sa A2Z, na isang UHF channel.
Aniya, “At nasaktan man kami, nasaktan man ako, hindi puwedeng mawala sa amin yung pasasalamat sa TV5.
“Ang laki ng itinulong nila sa amin, ha. Kaya nga excited kami nung nakapasok kami sa TV5 kahit anong timeslot ba namin, 12:45?
“Masayang-masaya na kami dun. Nakita mo naman yung opening namin nung nag-TV5 kami, grand opening, kasi masayang-masaya kami.
“Nung binalik nila kami sa 12 noon, grand opening ulit, kasi masayang-masaya kami. Hindi kami puwedeng magalit sa kanila kasi napasaya nila kami.
"Minsan sa buhay namin, tinulungan nila kami. Minsan sa buhay namin, nakaramdam kami ng pagdiriwang at kasiyahan dahil sa tulong nila.
“And that will be one great reason to be grateful to them. Maraming-maraming salamat sa TV5.”
GOOD TELEVISION (GTV) DEAL
At ngayong nakatakda na silang mapanood sa Good Television o GTV ng GMA Network, tiniyak ni Vice na engrande rin ang kanilang presentasyon sa Sabado, July 1, 2023.
Saad niya, “Siyempre grand opening ulit yan, 'no, hindi tayo puwedeng hindi grand opening.
“Alam mo naman eksaherada ako lagi, 'no. Gusto ko lagi akala mo grand finals, grand opening, parang bagong segment, grand launch.”
Ayaw raw kasi ni Vice ng puchu-puchu. Ayaw din daw ito ng Madlang People.
Noong sinabihan silang matatapos na ang blocktime deal nila sa TV5, tinanong daw ni Vice ang management ng ABS-CBN.
Sabi niya, “I actually asked them about it. Sabi ko, ‘Would there be any chance na makakuha tayo ng ibang platform?’”
Pinangakuan naman daw siya ni Cory Vidanes na ginagawa nila lahat ng paraan para matupad ito.
Hanggang sa tinanggap ng GMA Network ang kanilang request.
Sabi ni Vice, “Tapos, finally sinabi nila na nagkaroon sila ng deal with GTV, di ba?
“Sabi ko sa inyo, hindi puwedeng walang magpapakita ng interes sa binatawang gem, it’s a gem.
“Ang sarap sa pakiramdam na naniniwala din sila sa Showtime brand.
"Kasi kung hindi naman sila naniniwala, puwede naman nila kami deadmahin, kasi ang lakas naman nila without us.
"Puwede mong sabihin na, 'GTV or GMA does not need Showtime.'”
Read: CONFIRMED: 'It’s Showtime' to transfer from TV5 to GTV
