Tinanggap ng "Sexy Babe" contestant na si Heart Aquino ang imbitasyon ng COMELEC (Commission on Elections) na magpunta sa tanggapan ng government agency sa Intramuros, Manila.
Kahapon, March 4, 2025, nagtungo si Aquino sa COMELEC office upang personal na marinig kung ano ang tungkulin ng ahensiya ng gobyerno na responsable sa pagsasagawa ng eleksyon sa ating bansa.
Inimbitahan ng poll body si Aquino matapos mag-viral ang "Sexy Babe" contestant nang aminin nitong wala siyang gaanong alam tungkol sa COMELEC.
Sa February 28, 2025 episode ng noontime show na It's Showtime, sa segment na "Sexy Babe," tinanong ng host na si Vice Ganda si Aquino kung ano mensahe niya sa COMELEC ngayong nalalapit na ang 2025 midterm elections.
Tugon ni Aquino, “Sorry po, hindi po ako masyado knowledgeable about sa COMELEC.”
Kaagad nag-viral sa social media ang video clip ng eksenang iyon sa It's Showtime, at naging ugat ng diskusyon tungkol sa itinuturing na malaking problema sa estado ng edukasyon sa Pilipinas.
Read: Sexy Babe candidate's COMELEC slip fuels call for civic education

HEART AQUINO AS COMELEC AMBASSADOR?
Pagkatapos ng kanyang pakikipagpulong sa mga opisyal ng COMELEC kahapon, inikot ni Aquino ang mga opisina ng poll body sa main office nito sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Manila.
Matapos ang kanyang pag-iikot ay nagpaunlak ng panayam si Aquino sa media na nag-cover ng event.
Nakangiting sinabi ni Aquino na dahil sa pagpunta niya sa tanggapan ng COMELEC ay naliwanagan at naunawaan niya ang trabaho at kahalagahan nito.
Aniya: "Mas naunawaan ko po yung meaning din po talaga ng COMELEC and kung ano pa po yung ginagawa nila.
"Ine-encourage ko po na mas alamin pa rin po natin yung trabaho po ng COMELEC."
Bukas din daw si Aquino sa posibilidad kung sakaling gawin siyang ambassador ng COMELEC.
"Actually, kung titingnan ko po siya, it's an opportunity po siya and, yes po, willing naman po ako and to inspire the youth," sagot ng 20-year-old na dalaga.
Sabi pa nito, maaari niyang gamitin ang kanyang social media platforms upang maghikayat pa ng mga kabataang kagaya niya na hindi gaanong alam ang tungkulin ng COMELEC.
Aniya: "Since nandito na rin po ako, why not use po yung nakukuha kong atensiyon to enlighten din po yung mga kabataan na kagaya ko rin po na mas malaman po natin yung COMELEC po and sa votings po natin."
SEXY BABE CONTESTANT DEFENDS SELF
Dinepensahan din ni Aquino ang sarili laban sa mga bumabatikos sa kanya nang hindi niya masagot agad ang tanong ni Vice tungkol sa COMELEC.
Read: Mga dapat malaman tungkol sa ovals sa balota at markers na gagamitin
Sabi nito, hindi naman sa wala siyang kaalam-alam sa COMELEC, sadyang na-mental block lang daw siya noong oras na iyon dahil first time niyang lumabas sa national television.
"Hindi lang po ako masyadong knowledgeable po, pero meron naman po akong kaalaman.
"And na-mental block lang din po ako since first appearance ko sa TV and medyo nakakakaba po talaga kapag nasa television po.
"Kaya sa mga bumabatikos po, sana intindihin din po muna nila and alamin po nila yung reason po kung bakit hindi ko po siya nasagot," saad niya.
Read: It's Showtime, nagpa-quiz sa audience matapos ang COMELEC issue
Sundot na tanong ng isang reporter, "Bakit nga po ba hindi kayo knowledgeable about COMELEC?"
Sagot ng "Sexy Babe" contestant: "Ulila na po ako. At early age, naka-focus na po ako ngayon sa family ko po.
"Ayun lang po yung pinakaiisip ko, kung paano ko po mabubuhay yung lola ko at kapatid ko po."
Read: Comelec, may paalala sa mga artista na bawal mag-endorso ng kandidato sa TV shows
Nakiusap din ang dalaga na tigilan na ang pamba-bash sa kanya.
Sabi niya: "Stop the bashing na po. Hindi [niyo] po alam yung effect nito sa mga taong bina-bash. Be careful po sa mga word din po minsan."
Sa huli, may mensaheng nais ipaabot si Aquino sa lahat ng mga kabataang kagaya niya.
"Mensahe ko po sa mga kabataan, lalo na rin po sa mga kagaya ko na hindi knowledgeable nga rin po sa COMELEC, is alamin po natin and mag-vote po tayo wisely.
"Para din sa atin yun, e. Ayun din po yung na-realize ko na huwag balewalain yung nangyayari sa paligid natin and mas bigyan natin ng focus."
Read: Showbiz personalities na kumakandidatong senador, may advantage
THE VIRAL SEGMENT OF "SEXY BABE"
Noong February 28, 2025, pinag-usapan-usapan online ang nangyari sa segment na "Sexy Babe 2025" matapos aminin ng kandidatang si Heart Aquino na hindi siya "knowledgeable" kung ano ang COMELEC at ang tungkulin nito.
Sa question-and-answer portion, tinanong ni Vice Ganda ng contestant kung ano ang mensaheng nais nitong ipaabot sa ahensya, lalo't nalalapit na ang national at local election sa May 2025.
"Sorry po, hindi po ako masyado knowledgeable about sa COMELEC," pagtatapat ni Aquino.
Ikinagulat ito ng mga host ng programa, lalo na ni Vice.
Ani Vice, "Oh my gosh, that is bothersome."
Hindi pa rin daw rehistradong botante si Aquino.
Sunud-sunod na tanong sa kanya ni Vice: "So, paano, wala kang sagot?
"Wala ka bang naririnig? Hindi ka ba nanonood ng telebisyon? Nagbabasa ng diyaryo? Internet?"
Paliwanag ni Aquino, "Wala po kaming TV. Hindi rin po masyado lumilitaw sa news feed ko."
Para bigyan ng ideya ang 20-year-old contestant, nagtulong-tulong sina Vice, Kim Chiu, at Jhong Hilario na ipaliwanag kung ano ang tungkulin ng COMELEC.
Nang marinig ang eksplanasyon ng tatlong hosts ay sinagot na ni Aquino ang naunang tanong ni Vice, kung ano ang mensahe niya sa komisyon.
Sabi ni Aquino: "Siguro ang message ko sa kanila, let’s be fair po.
"Kasi meron tayo ano, kahit sa barangay lang yan, yung mga bayad, bayad ng votes.
"So let’s be fair po siguro kasi deserve natin yung uupo na talagang may mabibigay sa atin, lahat tayo sa community na may pakikinabangan."
Bagamat naitawid naman ng contestant ang pagsagot, maraming netizens ang nabahala rito.
Iisa ang kanilang nakikitang problema: ito ay ang pagkakaroon ng educational crisis sa Pilipinas.
