Malaking palaisipan ngayon sa marami kung ano talaga ang totoong nangyari sa kaguluhan at putukan ng baril sa Senate of the Philippines building noong Miyerkules ng gabi, May 13, 2026.
Kung sino ang unang nagpaputok at ano ang dahilan ng insidente ay nananatiling magkakaiba ang mga pahayag.
Read: How international media reported gunfire chaos at Senate
Sa unang bugso ng balita, si Palace Press Officer Claire Castro ang nagpaliwanag sa isang press briefing noong tanghali ng May 14 na ang unang nagpaputok ng baril ay si Mao Aplasca ng Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA).
Ito ay bilang "warning shot" sa National Bureau of Investigation (NBI) agent na nakita sa premises ng GSIS building, na katabi lamang ng senate complex.
Dagdag niya, "napilitan" lamang na gumanti ng pagputok ng baril ang "NBI agent" bilang "warning shot."
Ipinaliwanag ni Castro na isang bridge ang nag-uugnay sa dalawang lugar, at ang OSAA ang may hawak ng susi sa pinto roon.
At bago nangyari ang putukan, nakaupo lamang umano ang NBI agent kasama ng blue guard sa bakuran ng GSIS.
Sinabi rin ni Castro na may NBI agents sa GSIS building dahil sa request ng general manager ng GSIS na i-secure ang lugar noong gabing iyon.
Read: Dustin Celestino on 2022 election heartbreak, Senate chaos
Idiniin din ni Castro sa press briefing na walang utos sa NBI at sa Philippine National Police para arestuhin si Senator Bato dela Rosa.
Si dela Rosa ay nasa ikalimang palapag ng senate building noong mga oras na iyon.
Noong Lunes, May 11, naiulat na isinailalim sa "protective custody" ng Senado si dela Rosa sa gitna ng nakaambang arrest warrant ng International Criminal Court (ICC).
Pero, sinasabing napawalang-bisa ang kustodiya ng senado nang umalis si dela Rosa sa premises bandang 2:30 A.M. ng May 14, Huwebes.
Mel Tiangco grills OSaA chief about Senate gunfire incident
Nakapanayam ng batikang news anchor na si Mel Tiangco sa 24 Oras noong gabi ng May 14 si Aplasca.
Dito kinumpirma ng OSAA chief na siya nga ang unang nagpaputok ng baril.
Katuwiran niya, "standard operating procedure" ang ginawa niyang pagpapaputok dahil hindi raw nagbaba ng armas ang nakausap niyang "NBI agent" matapos nitong magpakilala sa kanya.
Idiniin din ni Aplasca na hindi "staged" ang insidente, taliwas sa espekulasyong kumakalat online.
Read: Mel Tiangco, Karen Davila trend online after interviews with Bato
Paliwanag niya: "Wala naman kaming control sa mga NBI agent. Kung hindi po sila dumating dito wala pong mangyayaring barilan, putukan kung wala sila dito sa premises ng Senate."
Inusisa ni Mel kung kunektado ang insidente sa naunang pahayag ni Aplasca noong gabi ng May 13 na may aarestuhin sila sa lugar. Tanong ni Mel, "Sino po yun? Ano nangyari? Naaresto ba?"
Sagot ni Aplasca, umaga pa lang ay nakarating sa kanya ang impormasyong may presensiya ng NBI agents sa lugar.
Nakumpirma raw niya ito nang personal niyang makita sa gate ng GSIS na may pumasok na NBI agents.
Sumunod na tanong ni Mel ay bakit naunang nagpaputok ng "warning shot" si Aplasca.
Nang sabihin ni Aplasca na "standard operating procedure" iyon, tinanong ulit ni Mel kung SOP na magpaputok kung maraming tao at wala namang nangyayaring gulo.
"May ganun ba, Sir?" napakunot ang noong tanong pa ni Mel.
"Kami po, pumunta po kami sa area kung saan may sighting ang mga NBI agents."
"Nagpaalam po ako kay Senate President [Alan Peter Cayetano] para i-check po at i-verify yung report na mayroong mga armadong NBI agents na nandiyan sa second floor exit.
"Noong nandoon na po kami sa area, na-confirm po namin at nakita po namin yung mga tao na armado, kaya po as part of our procedure ay chinallenge po namin sila... Yung aming procedure na continuum use of force.
"Una muna, verbal warning. Chinallenge kung sino sila, sumagot naman na they are NBI agents. Pero nung sinabi namin na, 'Bakit kayo armado? Ibaba niyo mga baril niyo.'
"Instead of lowering down their firearm, itinaas po nila ang baril, kaya nagpaputok kami ng warning shot."
Tila naguluhan si Mel kung bakit nagpaputok si Aplasca ng warning shot kaya tinanong niya ulit kung nauna bang nagpaputok ang NBI agent.
"Pagkatapos po noong nagpaputok kami ng warning shot, ine-expect po namin na ibababa nila yung mga baril nila.
"But instead, gumanti po sila ng pagbabaril sa amin, kaya po napaatras po kami ng konti at doon na po, tuloy-tuloy na po yung exchange of gunfire."
Tinanong ni Mel kung may tinamaan sa panig ng OSAA, at sumagot si Aplasca na walang tinamaan.
"Sila po ang nakipagbarilan sa amin kasi kami po nag-warning shot," ulit ni Aplasca.
Inulit pa ulit ni Mel ang kanyang tanong bakit nag-warning shot si Aplasca dahil di raw niya maintindihan kung bakit nagpaputok ito.
Inulit ni Aplasca ang paglalahad niya kung bakit humantong sa putukan ang insidente.
Kunot ang noong komento ni Mel, "O, hindi naman kalaban iyon. Kung nakita mo na NBI."
Kahit na NBI agent raw ang pakilala ng kanyang kaharap, kinatuwiran ni Aplasca na hindi raw sapat iyon.
Ayon pa kay Aplasca, walang koordinasyon mula sa NBI na may agents na pupunta sa senado "mula umaga hanggang gabi, hanggang sa magputukan."
Dagdag niya, "unusual" na may NBI agents nang walang nako-coordinate sa kanila kaya kinailangan niyang siguraduhin ang pagkakakilanlan ng nakaengkuwentrong "agent."
Dito nagkakaroon ng pagkakaiba ng pananaw dahil nanindigan ang pamunuan ng NBI na walang NBI agents sa premises ng senado, dahil ang mga ito raw ay nasa GSIS premises.
Read: Mayor Vico Sotto, celebrities react to Senate gunfire incident
Zyann Ambrosio airs footage revealing NBI location during Senate gunfire
Samantala, Ang TV Patrol reporter na si Zyann Ambrosio ang isa sa news reporters na nagbalita ng karagdagang impormasyon kung bakit may NBI agents sa GSIS premises noong gabi ng putukan.

Kasama siya sa media na nag-cover ng pagdating ng NBI agents sa GSIS. Tila kaugnay ito ng nabanggit ni Castro na GSIS ang nag-request ng NBI agents na i-secure ang lugar.
Sa video footage ni Zyann, ipinakita na lampas 6 P.M. nang pumasok ang NBI agents sa gusali ng GSIS.
Nag-ikot at nag-inspect raw ang mga ito ng ilang lugar na konektado at may access sa senado.
Binanggit ni Zyann na pader lamang ang pagitan ng GSIS building sa senate complex.
Read: Reporters praised for live coverage at Senate amid gunfire panic
Nakunan pa sa footage ni Zyann ang lugar kunsaan may nagdri-drill sa dingding, at sinabi niyang iyon ay maaaring lagusan papasok sa senado.
Nagpunta rin daw sila sa gate ng GSIS kunsaan natanaw ni Zyann ang pagpasok ng mga naka-unipormeng sundalo sa senate premises.
Sa sumunod na cut ng video ni Zyann, makikita na nagtatakbuhan ang NBI agents sa parking area patungo sa loob ng gusali kunsaan narinig ang putukan ng baril.
Nang marating ang lugar, nagsunud-sunod pa raw ang pagputok ng baril, dahilan para utusan ng NBI ang mga kasama nilang mga miyembro ng media na magtago at magpunta sa ligtas na lugar.
Matapos ang putukan, doon lang daw nagdesisyon ang NBI agents na lumabas at magpunta sa GSIS parking.
Dito raw sila naghintay ng pahayag kung ano ang nangyari sa narinig nilang putukan ng baril.
Sa kasamaang palad, wala raw makapagsabi sa mga ito kung ano ang nangyari kaya minabuti na lang ng NBI na umalis sa lugar.
NBI chief denies involvement in senate gunfire incident
Ilang oras lamang matapos ang putukan sa senado ay nakapanayam din ng ANC si NBI director Melvin Matibag at dito itinanggi niya na may kinalaman ang NBI sa nangyaring putukan ng baril.
Paglilinaw niya, wala siyang agents na nasa Senate premises noong naganap ang gunfire incident.
Read: Pro-Duterte senators oust Senate President Sotto; Bato surfaces
Tanong ng ANC anchor na si Karen Davila, "Sino po ba ang talagang nagpaputok, NBI o PNP? "
Mabilis na sagot ni Matibag, "Hindi ko po alam dahil wala nga po kami roon."
Itinanggi rin ni Matibag ang lumalabas na espekulasyong pinapunta niya umano ang NBI agents sa senado para arestuhin si dela Rosa.
Aniya, "Wala po, one hundred percent wala po [akong inutos]."
BATO DELA ROSA: "ESCAPE" OR "VOLUNTARY" EXIT?
Samantala, Huwebes May 14, naiulat na bandang 2:30 A.M. ay nakaalis na sa gusali ng senado si Bato dela Rosa.

Ito ay sa gitna ng nakaambang warrant of arrest ng International Criminal Court, na tinukoy siyang "indirect co-perpetrator" sa crimes against humanity na kinakaharap ni dating President Rodrigo Duterte.
Kalaunan, ang sinasabing pag-alis ni dela Rosa sa Senado ay kinumpirma ni Senate President Alan Peter Cayetano sa kanyang press briefing.
Ibinalita ni Cayetano na nakausap at nakapalitan niya ng text message ang misis ni dela Rosa.
Binasa ni Cayetano ang text message ng misis ni dela Rosa, na humihingi ng tawad sa gulong dulot ng presensiya ng mister sa senado.
"It is for this reason that I am sure Ronald made his 'escape.' He told me habang tumatagal siya diyan sa loob mas nadadamay kayo," saad ng misis ni dela Rosa na si Nancy sa text.
Sabi pa ni Nancy, kahit na "safe" sa senado ay minabuti raw ng mister na umalis para sa "safety" ng mga kasamahan.
Binanggit din ni Nancy sa kanyang text message na sa pagkakaalam niya ay plano sana ng mister na mag-"stay put" sa senado.
Pero kahit wala sa plano, sigurado raw si Nancy na kinuha na ng mister ang oportunidad na makaalis sa lugar matapos ang gulo at putukan sa senado.
Pagkatapos basahin ang mensahe ng misis ni dela Rosa, nagkaroon si Cayetano ng Q&A sa media.
Tumanggi si Cayetano na i-interpret ang mensahe ng misis ni dela Rosa.
Nang tanungin pa siya ng media sa pag-alis ni dela Rosa sa senado, sinabi niya na tingin niya ay hindi ilegal iyon.
"Voluntary siyang umalis," aniya.
Wala naman daw pisikal na warrant of arrest na ipinakita ang awtoridad mula noong Lunes hanggang Miyerkules.
Kaya raw tingin niya, hindi maaaring masabi na "obstruction of justice" ang nangyari dahil karapatan umano ni dela Rosa na umalis kahit anong oras.
OMBUDSMAN JESUS CRISPIN REMULLA on DELA ROSA'S "FLIGHT"
Pero iba ang posisyon ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Sa ulat ng 24 Oras ngayong Biyernes, May 15, inere ang bahagi ng pahayag ni Remulla tungkol sa pag-alis ni dela Rosa sa senado.
Aniya: "Kung wala ka talagang kasalanan, harapin mo. Anong klaseng tao yun? Ganyan ba dapat ang maging senador natin? Tumatakbo sa batas?
"Flight is an indication of guilt."
Sinuspinde ni Remulla ng anim ng buwan si Aplasca bilang bahagi ng imbestigasyon sa nangyaring gulo sa senado.
Nakatakda ring ipatawag ng Ombudsman ang mga personalidad na nakausap o nakitang kasama ni dela Rosa noong May 13 kabilang na sina Cayetano at Robin Padilla.
Ipatatawag din umano si Jinggoy Estrada hinggil sa kumalat na video clip mula sa FB Live nito.
"Hihingin natin ang bersyon ng pangyayari sa lahat," ani Remulla.
Read: Robin to file ethics complaint; Kiko claims Robin threatened him
Habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang katiyakan kung nasaan na si dela Rosa.
