Matapos ang ilang linggong pananahimik sa social media, muling nagparamdam ang Kapuso actress na si Bea Alonzo.
Nitong Martes ng gabi, June 2, 2026, nag-post sa Instagram si Bea ng ilang larawan mula sa kanyang Europe trip.
Hindi malinaw kung kailan nangyari ang kanyang Europe trip.
Kabilang sa mga larawang ibinahagi ni Bea ang kanyang boat ride sa Amsterdam, pagdalo sa isang concert, litrato ng kanyang luggage sa isang airport sa London, at pagbisita sa sikat na Eiffel Tower sa Paris.



Maikling caption ng aktres sa post (published as is): "a few randoms."
BEA'S APPEARANCE AFTER THE WEDDING ISSUE
Marami sa mga tagahanga ni Bea ang natuwa sa muli niyang pagpaparamdam sa kanyang social media account.
Lalo pa't naging mainit na usap-usapan kamakailan ang hindi natuloy na pagpapakasal niya sa businessman fiancé na si Vincent Co.
Read: Bea Alonzo-Vincent Co Wedding: Is it on or is it off?
Kung bibisitahin ang kanyang Instagram account, huli siyang nag-post noong May 11 ng isang video kasama ang kanyang inang si Mary Anne Ranollo para sa iniendorso niyang jewelry brand.
Mula noon ay hindi na siya nagbigay ng update sa kanyang account, maliban na lamang noong May 25 nang iulat sa programang Fast Talk with Boy Abunda ang kanyang pagbabalik sa taping ng Whispers From Heaven, ang upcoming Kapuso drama series na kanyang pinagbibidahan.
Read: Bea Alonzo resumes Whispers From Heaven taping amid wedding rumors
Dito ay nakunan siya ng litrato na nasa set na ipinakita ng host na si Boy Abunda sa kanyang programa.
BEA-VINCENT WEDDING RUMORS
May 14 umano ang nakatakdang petsa ng pagpapakasal nina Bea at Vincent sa Spain.
Read: WHAT PEP KNOWS: Bea Alonzo and Vincent Co's wedding date
Ngunit sinasabing hindi ito natuloy dahil sa ilang isyu, kabilang na ang umano'y hindi pagkakasundo ng magkasintahan sa mga termino ng prenuptial agreement na inilatag ng pamilya ni Vincent.
Ayon sa ulat ng PEP Troika noong May 8, isang insider source ang nagsabing usap-usapan sa Filipino-Chinese community ang mga diumano'y kondisyon sa prenup agreement.
Read: Bea Alonzo’s airport family photo sparks buzz that wedding is on
Diumano, gusto ng pamilya ni Vincent na sa bahay ng kanyang mga magulang tumira ang mag-asawa.
Nakasaad din umano na kung sakaling maghiwalay sila, sa panig ng ama mapupunta ang kustodiya ng kanilang mga magiging anak, kung magkakaroon man sila.
Hindi kumpirmado kung iyon nga ang isyu sa prenup.
Read: Bea-Vincent wedding faces delays amid prenup, family issues
Maliban sa usaping prenup, may impormasyon pang nakuha ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na nagsasabing may iba pa raw na dahilan kung bakit nagkakaroon ng pagdadalawang-isip sa kasalan.
Tila isyu diumano sa pamilya ni Vincent ang pagiging high-profile personality ni Bea dahil sa trabaho niya bilang celebrity.
Hindi kaila na iwas ang mga mayayamang negosyante at pamilya sa publisidad na may kaugnayan sa kanilang personal na buhay.
Read: Ian Veneracion reacts to Bea Alonzo's wedding to Vincent Co
Samantala, hanggang ngayon ay nananatiling palaisipan sa marami kung ano ang tunay na kalagayan ng pag-iisang-dibdib nina Bea at Vincent sa Spain.
Ikinasal na ba sila?
Ikakasal pa lamang?
O tuluyan nang hindi matutuloy ang kasal?
Iyan ang ilan sa mga katanungang hanggang ngayon ay hinahanapan pa rin ng kasagutan.
