Klinaro ni Claudine Barretto na matagal na silang nagkaayos ni Mon Tulfo, na nakaalitan niya sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Mayo 6, 2012.
Noong panahong iyon, nagsasama pa bilang mag-asawa sina Claudine at Raymart Santiago.
Inusisa ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang select media si Claudine sa post niya sa Facebook na naka-tag si Ramon "Bon" Tulfo III, anak ni Mon Tulfo.
Naganap ang panayam matapos rumampa si Claudine sa Maddox Jewelry showroom opening fashion show, noong September 10, 2026, sa Marikina City.

Sa post ni Claudine sa Facebook noong August 27, 2026, tagging Bon Tulfo, sinabi niyang, "Ramon Tulfo III Bro di pa rin tayo tinitigilan. Di nila alam malalim friendship natin bro."
Paano naungkat ang lumang isyu?
Kalakip kasi ng FB post ni Claudine ang isang ulat tungkol sa pagkikita ng aktres at ng bunsong anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Kitty Duterte sa Davao City.
Mababasa sa artikulo ang reaksiyon ng manunulat na si Krizette Chu sa pagkikita nina Claudine at Kitty.
Sabi sa isang bahagi ng ulat: "Sa kanyang Instagram post, tinawag na 'pretty little baby sister' ni Barretto si Duterte at nagpasalamat sa hapunan na inihanda ng dating presidential daughter.
"Ayon kay Chu ay wala na silang problema kung mapunta sa kabilang kampo ang mga Tulfo dahil sa nasa kanilang panig na si Barretto.
"Matatandaang naging malaking isyu noon ang naging engkwentro sa pagitan ng kolumnista na si Ramon Tulfo at ni Barretto kasama na si Raymart Santiago noong 2012 na nakuhanan ng footage."
Sa comments section, nag-reply naman si Bon ng laughing emoji at ng mensaheng "Tawanan mo lang sila Kapatid na Claudine!"
Kaugnay nito, binalikan ng ilang netizens ang airport incident sa pagitan ni Claudine at ng ama ni Bon na si Mon labing-apat na taon na ang nakararaan.
Read: Claudine Barretto to Mon Tulfo’s son: “Mahal kita, bro.”
CLAUDINE BARRETTO SETS THE RECORD ON PAST ISSUE
Sa panayam ng PEP at ng ibang press, pinalinaw kay Claudine ang tungkol sa FB post niyang iyon.
Aniya, "Ah, si Bon, kaibigan ko kasi si Bon. Anak siya ni Mon, Kuya Mon. Oo, ni Kuya Mon Tulfo."
Wala nang issue sa kanila?
"Wala, wala," pagsang-ayon ng aktres.
Matagal na raw natuldukan ang isyu niya sa pamilya Tulfo.
"Alam mo, mula yung nangyari yung noon, naging maayos na kami ng mga Tulfos.
"Actually si... bago pa si Kuya Mon, si Kuya Raffy muna at ako naging okay.
"Si Attorney Topacio, na best friend ko, ang nag-ayos sa amin talaga."
Ang nabanggit ni Claudine na "Raffy" ay si Raffy Tulfo na kapatid ni Mon, habang si "Attorney Topacio" ay ang abogado na si Ferdie Topacio.
Naalala pa ni Claudine ang concern sa kanya ni Mon noong panahong may pinagdadaanan siya.
"And nung nagkaproblema kami ni Raymart, lumapit talaga si Kuya Mon sa akin.
"Tumawag siya at nagtanong. So kung anuman yun, wala na talaga yun," paglilinaw pa niya.
Hanggang ngayon kasi, palagi pa rin silang pinagsasabong ni Mon, lalo na sa memes ng netizens.
Sabi ni Claudine, "Ang tao naman nagbabago. Tsaka, di ba, ano na lang yun, tapos na yun, kung anuman yung mga ano namin dati."
Read: Video of fistfight involving Mon Tulfo, Raymart Santiago, and Claudine Barretto goes viral
CLAUDINE-RAYMART-MON AIRPORT INCIDENT
Mahigit 14 taon na ang nakalilipas nang magkaroon ng kaguluhan sa pagitan nina Mon, Claudine, at estranged husband ng aktres na si Raymart.
Nangyari ang insidente sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Mayo 2012.
Ayon sa eyewitness, nakita ni Raymart na kinukunan ni Mon ng video sa pamamagitan ng cellphone camera ang pagwawala noon ni Claudine.
Ito raw ang pinagsimulan ng gulo.
Sa panayam ng dzMM kay Mon, sinabi nitong awang-awa siya sa ground steward na tinalakan daw ni Claudine.
Sa hiwalay na interview naman ng dzIQ kay Mon, sinabi nitong pilit daw kinukuha ni Raymart at ng mga kasama nito ang kanyang cellphone.
Nauwi ito sa palitan ng mga suntok.
Namula ang mga mata at namaga ang mukha ni Tulfo dahil sa mga suntok na natamo niya mula sa mag-asawa.
Nadamay rin sa gulo ang mga kapatid ni Mon na sina Erwin, Ben, at Raffy dahil sa hayagang pagkampi ng mga ito sa kanilang kuya at ang pagbabanta ng mga ito sa mag-asawa sa kanilang TV5 program na T3.
