Kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa plano, itutuloy ang taping ng Love. Die. Repeat sa May 16, 2023, isang araw matapos ang 36th birthday ni Jennylyn Mercado.
Sina Jennylyn at Xian Lim ang mga pangunahing bida sa primetime drama series ng GMA-7 na pansamantalang nahinto ang taping noong September 2021 dahil sa pagbubuntis ng aktres sa panganay nila ni Dennis Trillo.
Read: Love. Die. Repeat. taping na-pack up dahil sa medical emergency ni Jennylyn Mercado
Isinilang ni Jennylyn ang anak nila ni Dennis noong April 25, 2022.
Read: Jennylyn Mercado and Dennis Trillo welcome baby girl
Ang Love. Die. Repeat ang dapat na unang proyekto ni Xian bilang Kapuso actor. Dahil sa nangyari, binigyan siya ng ibang mga television assignment habang hinihintay niya ang pagbabalik ni Jennylyn.
Read: Xian Lim, kaliwa't kanan ang projects habang tengga ang Love. Die. Repeat
Ang False Positive at Hearts On Ice ang dalawa sa mga programang ibinigay kay Xian ng Kapuso network.
Nagkaroon ng biruang nabubuntis ang mga leading lady ni Xian dahil bukod sa biglang pagdadalantao ni Jennylyn habang ginagawa nila ang Love. Die. Repeat, nagbuntis din si Ryza Cenon, ang katambal niya sa Sa Muli, ang period at reincarnation movie ng Viva Films na magbubukas sa mga sinehan sa April 26, 2023.
Read: Xian Lim, may "special participation" sa pagbubuntis nina Jennylyn Mercado at Ryza Cenon
Magiging abala si Xian sa susunod na buwan dahil bukod sa taping ng Love. Die. Repeat, tatapusin niya sa unang buwan ng Mayo ang kanyang mga eksena sa Hearts On Ice, ang primetime drama series na pinagbibidahan nila ni Ashley Ortega.
Sa May 13, makakasama ni Xian si Alden Richards bilang mga host ng fourth edition ng Miss Universe Philippines.
Ito ang unang pagkakataong ihu-host ni Xian ang beauty pageant na pipili ng magiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe.
Ang Binibining Pilipinas Charities, Inc. ang nakatuklas sa kakayahan ni Xian bilang beauty pageant host noong 2012.
Mula noon, nagkaroon siya ng mga hosting assignment, hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang mga Asian country.
May kakaibang fulfillment o katuparang nararamdaman si Xian sa tuwing naiimbitahan itong emcee ng mga beauty pageant kaya isang karangalan na isa siya sa mga napiling host ng Miss Universe Philippines 2023 na magaganap sa Mall of Asia Arena sa May 13, 2023.
Sa June 2023, lilipad si Xian sa Amerika dahil dadalo naman siya sa Philippine Independence Day celebration sa New York City.
Maaaring tapos na ang taping niya para sa Love. Die. Repeat bago mangyari ang kanyang U.S. trip.