JERRY OLEA
Lumampas na sa $1.5B ang worldwide gross ng Avatar: The Way of Water. Ito na ang pinakamalakas na pelikula ng 2022.
As expected, kinabog ng Avatar: The Way of Water ang global gross ng Top Gun: Maverick na $1.49B.
Pansampu na ang Avatar: The Way of Water ($1.517B) sa listahan ng worldwide lifetime gross.
Ang siyam na nakakahigit ang all-time global gross ay Avatar ($2.923B), Avengers: Endgame ($2.798B), Titanic ($2.202B), Star Wars: Episode VII — The Force Awakens ($2.070B), Avengers: Infinity War ($2.048B), Spider-Man: No Way Home ($1.916B), Jurassic World ($1.672B), The Lion King ($1.663B), at The Avengers ($1.519B).
Sa tingin ninyo, aabot kaya sa $2B ang worldwide gross ng Avatar: The Way of Water?
![]()
Nag-umpisang ipalabas sa local cinemas ang kagila-gilalas na sequel ng Avatar noong Disyembre 14, 2022, kasabay ang launching film ni Jeric Gonzales na Broken Blooms.
Read: Broken Blooms ni Jeric Gonzales, 15 lang ang nakuhang sinehan kontra Avatar: The Way of Water
Mahigit tatlong oras ang bagong pelikula na idinirek ni James Cameron, at abala ang mga Pinoy sa paghahanda sa Kapaskuhan, kaya hindi masyadong malakas sa lupang hinirang ang Avatar: The Way of Water.
Dahil sa 48th Metro Manila Film Festival (Disyembre 25-Enero 7) ay natigil ang showing ng Avatar: The Way of Water sa mga sinehan, maliban sa specialty cinemas gaya ng IMAX.
Hanggang bukas, January 7, na lang ang MMFF 2022 kaya malamang na ibalik sa mga sinehan ang Avatar: The Way of Water.
Mag-o-open sa Enero 8, Linggo, sa local cinemas ang M3GAN, Whitney Houston: I Wanna Dance with Somebody, Shotgun Wedding, at That Boy in the Dark na nabigyan ng 58 sinehan.

Sa Enero 11 naman ang opening ng Plane.

Enero 18 ang playdate ng Girlfriend Na Pwede Na nina Kim Molina, Jerald Napoles at Gab Lagman, pati I Love Lizzy nina Carlo Aquino, at Barbie Imperial.

Enero 25 ipapalabas ang Hello, Universe nina Janno Gibbs at Anjo Ylanna, sa direksiyon ni Xian Lim. Kasabay nito ang comedy drama film ni Tom Hanks na A Man Called Otto.

Pebrero 17 ipapalabas ang Ant-Man and the Wasp: Quantumania sa Amerika, pero hindi pa inia-announce kung kailan next month ang playdate nito.

Pebrero 1 ang playdate ng apocalyptic psychological horror na Knock at the Cabin directed by M. Night Shyamalan, pati iyong epic period comedy-drama film ni Brad Pitt na Babylon sa direksiyon ni Damien Chazelle.

Sa Pebrero 8 ang Magic Mike’s Last Dance nina Channing Tatum at Salma Hayek Pinault, samantalang sa Pebrero 15 ang Without You nina David Licauco at Shaira Diaz.
Naunang nagtambal sa pelikula sina David at Shaira sa Because I Love You (2019).

Tuloy ba sa Pebrero ang pagpapalabas ng Martyr or Murderer na sequel ng Maid in Malacañang? Pangungunahan pa rin ito nina Cesar Montano, Ruffa Gutierrez, Cristine Reyes, Diego Loyzaga, at Ella Cruz, sa direksiyon ni Darryl Yap.

Siyempre, may mga nag-aabang na rin sa Oras de Peligro nina Cherry Pie Picache, Allen Dizon, Therese Malvar, at Dave Bornea, sa direksiyon ni Joel Lamangan.
Ayon sa Facebook page ng Oras de Peligro ngayong Enero 6, Biyernes ng umaga, “Tungkol ito sa mga Pilipinong nabuhay sa ilalim ng isang diktadura. No filters, no revisionism, just stories of people who lived and died during the dying days of the Marcos presidency.”

Ang premiere night ng Oras de Peligro ay sa Pebrero 24 sa SM Megamall. Ang umpisa ng showing nito sa mga sinehan ay Marso 1.
NOEL FERRER
Grabe ang staying power ng Avatar: The Way of Water!
Sana, ganyan din ang ibang pelikula ng 48th Metro Manila Film Festival. Na kahit opisyal na pagtatapos na bukas, ay umariba pa rin ang ilang entries na merong rewatch factor.
Gusto ko rin sanang kumita sa takilya ang That Boy In The Dark produced by Daddie Wowie Roxas, starring Joaquin Domagoso and directed by Adolf Alix Jr. from the script of dear Gina Marissa Tagasa.
Sana, ma-appreciate ng local viewers ang pelikulang Pinoy na pinarangalan abroad.
Sana, tuluy-tuloy na ang pagbangon ng industriya ng pelikula at pagpanood ng mga tao ng pelikula sa sinehan muli. Sana.
GORGY RULA
As of Thursday, January 5 ng gabi, naka-P450M na raw ang kinita ng Metro Manila Film Festival 2022, ayon sa aming reliable source.
Bukas na ang huling araw ng naturang filmfest, at inaasahang maka-P490 hanggang P500M na ito.
Ito naman ang sinabi ng MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes na sana, ma-achieve nila ang P500M target na kikitain at magandang senyales na raw ito na bumabalik na ang mga tao sa sinehan.
Hintayin na lang natin ang official announcement mula sa MMDA at Executive Committee ng MMFF para sa eksaktong figures na kinita ng walong pelikulang kalahok.
Sa akin naman, nakini-kinita kong may maiiwang mga sinehan sa Family Matters, Deleter, at pati na rin sa Partners in Crime.
Sa pag-iikut-ikot ko sa mga sinehan kahapon, nakikita ko ang standee ng mga nakatakdang ipalabas na mga pelikula natin. Parang wala pa yung tingin ko na puwedeng pumalo nang matindi sa takilya.
Sana, dito na ipina-schedule ng Regal Entertainment ang mystery-horror movie ni Direk Chito Roño na Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan para magandang follow-up sa horror na Deleter. Joshua Garcia-starrer ito na napatunayan naman na ang lakas niya sa takilya.
Kung natuloy sana yung A Moment to Remember nina Alden Richards at Bea Alonzo na noong January 2022 pa ibinalitang sisimulan nilang i-shoot, sana natapos na ito at maganda ring opening salvo sa 2023.
Kung meron din sanang KathNiel movie, tiyak na inaabangan ito at may pag-asang panlaban sa takilya.
Dahil sa magandang resulta ng MMFF 2022, maengganyo sana ang mga movie producers nating gumawa ng malalaking pelikulang tampok ang box-office stars.
