JERRY OLEA
Unang mapapanood ang “biggest Pinoy historical action-drama set in World War” na Pulang Araw sa Netflix, umpisa Hulyo 26, 2024.
Tudum! Ini-announce ito ng Netflix ngayong Hunyo 10, Lunes ng umaga, sa Facebook at X na dating Twitter.
Ang nasabing Kapuso series ay pangungunahan nina Alden Richards, Dennis Trillo, Barbie Forteza, David Licauco, at Sanya Lopez.
Nasa cast din sina Angelu de Leon, Ashley Ortega, Rhian Ramos, Derrick Monasterio, Rochelle Pangilinan, Mikoy Morales, Epy Quizon, at Neil Ryan Sese.
Tagline sa teaser ng Pulang Araw, “Sa panahon ng digmaan, ano ang handa mong isakripisyo para sa tunay na kalayaan?”
Magpi-premiere naman ang Pulang Araw sa GMA-7 sa July 29.
PHILIPPINE TV SERIES ON NETFLIX
Sina Dennis, Barbie at David ay nagbida rin sa Kapuso primetime series na Maria Clara at Ibarra, na nanguna sa Top 10 TV Shows ng Netflix Philippines mula Abril 16 hanggang Mayo 14, 2023.

Nanatili iyon sa Top 10 list hanggang Hunyo 20, 2023.
Read: Maria Clara at Ibarra, umaariba sa No. 1 spot sa Netflix Philippines
Ang sumunod na Pinoy series na nanguna sa Netflix PH ay ang Can’t Buy Me Love nina Donny Pangilinan at Belle Mariano.
Nasa top spot ang DonBelle series mula Oktubre 16 hanggang Nobyembre 23, 2023. Dire-diretso iyong nasa Top 10 hanggang Marso 28, 2024.

Naligwak ang DonBelle series sa Top 10 noong Marso 29 hanggang 31, pero bumalik noong Abril 1. Hanggang Mayo 11, 2024 ay nasa Top 10 TV Shows ng Netflix PH ang Can’t Buy Me Love.
Read: Can't Buy Me Love ng DonBelle, No. 1 agad sa Netflix Top 10 TV shows
Noong Marso 29-31, 2024 ay nasa Top 10 TV Shows ang Kapuso series ni Dingdong Dantes na Royal Blood. Nag-peak iyon sa ikawalong puwesto.
Mula Mayo 12, 2024 hanggang ngayon ay wala nang likhang Pinoy sa Top 10 TV Shows ng Netflix PH.
FILIPINO MOVIES ON NETFLIX
Sa talaan ng Top 10 Movies in the Philippines Today ay dalawa ang Filipino films ngayong Hunyo 10, Lunes — ang MMFF 2023 official entries na Penduko at Family of Two.
Ang Penduko na pinagbidahan ni Matteo Guidicelli ay two consecutive days nang No. 2.

Ang Family of Two na pinagbidahan nina Sharon Cuneta at Alden Richards ay six consecutive days na No. 1 sa Top 10 Movies ng Netflix PH, mula Hunyo 1 hanggang 6, 2024.

Ang No. 1 movie mula Hunyo 7, Biyernes, hanggang Hunyo 10, Lunes, ay ang French action-horror film na Under Paris.
Apat na Pinoy films ang naka-schedule nang mag-streaming sa Netflix Philippines.
Hunyo 12, Miyerkules, Araw ng Kalayaan, ang streaming ng Dearly Beloved nina Cristine Reyes at Baron Geisler. Ipinalabas ito sa mga sinehan noong Marso 30, 2024.

Hunyo 21, Biyernes, ang streaming ng MMFF 2023 official entry ni Piolo Pascual na Mallari.

Hunyo 26, Miyerkules, ang streaming ng GG Good Game ng mag-inang Donny Pangilinan at Maricel Laxa. Ipinalabas ito sa local cinemas noong Enero 24, 2024.

At sa Hulyo 4, Huwebes, ay streaming na ang 3 Days 2 Nights in Poblacion nina Jasmine Curtis-Smith, Barbie Imperial, at JM de Guzman. Nag-theatrical release ito noong Marso 13, 2024.

Nag-post ang Netflix ng “old Manila”-style posters ng Family of Two, Dearly Beloved, Penduko, Mallari, GG Good Game, at 3 Days 2 Nights in Poblacion.
Ang Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix ay Under Paris, Penduko, Minions: The Rise of Gru, Hit Man, Baki Hanma vs Kengan Ashura, Family of Two, Godzilla Minus One, Mama, Atlas, at The Eagle.
Ang Top 10 TV Shows in the Philippines Today sa Netflix ay Hierarchy, Jokoy Live From Brooklyn, Sweet Tooth, Demon Slayer, That Time I Get Reincarnated As A Slime, The Atypical Family, Geek Girl, Kaiju No. 8, The 8 Show, at Bridgerton.
NOEL FERRER
Ang galing niyan, ha… parang katulad ng Can’t Buy Me Love na may direct Netflix connection, maganda ibig sabihin ang quality ng Pulang Araw para bigyan ng basbas ng streaming site na ito.
Dapat lang doble kayod ang mga tao dahil may layers of approval na magaganda at hindi puwedeng hand-to-mouth ang pagsa-submit ng episodes nito.
Standard yata ang two weeks ahead sa airing ang approval to give way for revisions pa if ever.
Grabe ang quality control niyan kaya exciting ang project na ito at kaabang-abang itong Pulang Araw!
Read: GMA-7 levels up program content with historical dramas
GORGY RULA
Ang taas ng expectations sa Pulang Araw, pero kakaiba raw ito sa mga nagawa nila, sabi ni Sanya Lopez nang nakatsikahan namin kamakailan.
Nagustuhan daw niya itong Pulang Araw dahil ang dami niyang natutunan lalo na sa kasaysayan natin. Mahirap lang daw talaga yung mga ginawa nila.
Read: Sanya Lopez, nakausap ang tunay na comfort women
Kaya sana nga, maganda ang kalalabasan, dahil talagang pinagbuhusan ito ng GMA-7.
Puspusan ang taping nitong Pulang Araw dahil next month ay aalis na si Alden Richards pa-Canada para sa shooting ng Hello, Love, Again.
