Iba-iba ng genre ang walong pelikulang kalahok sa 1st Summer Metro Manila Film Festival (MMFF), na gaganapin mula Abril 8 hanggang April 18, 2023.
Pero wala ritong horror. Wala ring erotic o lubhang marahas, kaya walang R-18. Lahat, mapapanood sa SM cinemas.
Read: Bakit walang horror film na kasali sa 1st Summer MMFF?
Sa walong pelikula, apat ang tumalakay sa mental health at pagpapatiwakal. Tatlo ang may gay sensibility.
Wagas ang tunggalian sa best actor — Romnick Sarmenta at Elijah Canlas sa About Us But Not About Us, Coco Martin sa Apag, Gerald Anderson sa Unravel: A Swiss Side Love Story, Carlo Aquino sa Love You Long Time, at Enchong Dee sa Here Comes The Groom.
Dark horse sina Yoo Min Gon sa Yung Libro Sa Napanood Ko, at RK Bagatsing sa Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera.
Para sa best actress, frontrunners sina Kylie Padilla sa Unravel: A Swiss Side Love Story, Gladys Reyes sa Apag, at Bela Padilla sa Yung Libro Sa Napanood Ko.
Para sa best supporting actor, may laban sina Senator Lito Lapid sa Apag, Keempee de Leon at Nico Antonio sa Here Comes The Groom, Boboy Garrovillo sa Yung Libro Sa Napanood Ko, at Gardo Versoza at Ariel Rivera sa Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera.
At para sa best supporting actress, andiyan sina Jaclyn Jose at Mercedes Cabral sa Apag, Gladys Reyes at Eugene Domingo sa Here Comes The Groom, Lorna Tolentino sa Yung Libro Sa Napanood Ko, at Rosanna Roces at Gelli de Belen sa Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko: The Music of Rey Valera.
Dark horse sina Maris Racal at Miles Ocampo ng Here Comes The Groom, at Shaina Magdayao ng Apag.
If ever ma-nominate ang transgender na si Kaladkaren for Here Comes The Groom, saang kategorya ba siya dapat — best supporting actor, o best supporting actress?
Abangan sa Gabi ng Parangal sa Abril 11, Martes, sa New Frontier Theater, Cubao, Quezon City!
ABOUT US BUT NOT ABOUT US

Drama thriller sa panulat at direksiyon ni Jun Robles Lana. Isa’t kalahating oras ang takbo ng kuwento.
Umaatikabo ang balitaktakan ng guro (Romnick Sarmenta) at estudyante (Elijah Canlas).
Sa halos kabuuan ng pelikula ay nasa isang restaurant lamang ang dalawang karakter. Nag-uusap nang magkaharap.
Passion project ito ni Direk Jun, base sa mga pagsubok niya sa buhay.
APAG

Crime drama ni Brillante Mendoza.
Nakakagutom at nakakatakam ang masasarap na pagkaing Kapampangan. “Culinary violence,” sabi ng veteran showbiz journalist na si Nestor Cuartero.
Nakakabusog ang mahusay na pagganap nina Coco Martin, Lito Lapid, Gladys Reyes, Jaclyn Jose, at Mercedes Cabral.
Kinunan ang kabuuan ng pelikula sa mga munisipalidad ng Pampanga, partikular sa Guagua, Sta. Rita, at San Fernando. Maraming dayalog na Kapampangan.
Director’s Cut itong kalahok sa 1st Summer MMFF, na ang ending ay mungkahi ni Coco. Iyong international version ay “mabait” ang wakas.
HERE COMES THE GROOM

Comedy sa panulat at direksiyon ni Chris Martinez. Sequel ng Here Comes The Bride (2010).
Kasama sa Here Comes The Groom at Here Comes The Bride sina Kim Atienza, Eugene Domingo, at Nico Antonio.
Ang papel ni Kuya Kim ay as himself, na nagbigay ng trivia kaugnay sa solar eclipse at Magnetic Hill. Magkaibang karakter ang ginampanan nina Uge at Nico sa dalawang pelikula.
Sa Here Comes The Bride, ang kaluluwa ng bading na stylist (John Lapus) ay napunta sa katawan ng mahiyaing bride (Angelica Panganiban). Ang kaluluwa ng mahiyaing bride ay napunta sa katawan ng kanyang ninang na abogada (Eugene Domingo).
Ang kaluluwa ng ninang na abogada, napunta sa katawan ng overworked na yaya (Tuesday Vargas). Ang kaluluwa ng overworked na yaya, napunta sa katawan ng yayamaning lolo (Jaime Fabregas).
At ang kaluluwa ng yayamaning lolo, napunta sa katawan ng bading na stylist.
Isa lang ang bading sa soul switchings ng Here Comes The Bride.
Sa Here Comes The Groom ay level up ang kabadingan, at tatlong pares ng characters ang nag-exchange ng katawang lupa.
Nagkapalitan ng katawan ang groom (Enchong Dee) at ang transgender woman (Kaladkaren).
Nagkapalitan ng katawan ang homophobic father (Keempee de Leon) ng groom, at ang isang bading na kontesera (Xilhouete).
Nagkapalitan ng katawan ang relihiyosang sister (Maris Racal) ng groom, at ang batang hamog (Awra Briguela).
Agaw-eksena si Keempee sa party-party. Mahiwaga ang sexual tension sa pagitan nina Enchong at Tony Labrusca.
Mag-topgrosser kaya sa 1st Summer MMFF ang Here Comes The Groom?
UNRAVEL: A SWISS SIDE LOVE STORY

Drama film, sa direksiyon ni RC de los Reyes.
Ang halos kabuuan ng pelikula ay kinunan sa Switzerland kung saan legal ang Assisted Voluntary Death (AVP).
Ang orig na pamagat nito ay Unravel: A Swiss Love Story. Angkop iyong pagkakadagdag ng “Side” sa title.
Integral sa kuwento ang canyon swinging at sky diving nina Lucy at Noah, ang karakter nina Kylie Padilla at Gerald Anderson, respectively.
Isinulat ni Senedy Que ang screenplay ng Unravel bilang pagtupad sa pangako sa mentor niyang si Jake Tordesillas, na pumanaw noong Hunyo 30, 2017 sa edad na 68.
Dumanas ng mental health problem si Jake, at sa kanyang huling liham, inasam niyang darating ang panahon na mahihimay ang pinagdaanan niyang pagsubok.
KAHIT MAPUTI NA ANG BUHOK KO: THE MUSIC OF REY VALERA

Musical sa direksiyon ni Joven Tan.
May pagka-documentary dahil sa narration mismo ni Rey Valera. May pagka-biopic at ang gumanap sa karakter ni Rey Valera ay si RK Bagatsing.
Parang anthology ng music videos ang pagsasalaysay sa mga kuwento sa likod ng ilang hit songs ni Rey Valera — "Maging Sino Ka Man," "Walang Kapalit," "Pangako," "Kung Kailangan Mo Ako," "Mr. DJ," "Ako Si Superman," "Kung Tayo’y Magkakalayo," "Tayong Dalawa," at iba pa.
May pakilig sa mga bading ang dalawang Machete, sina Gardo Versoza at Aljur Abrenica. Bonang-Bona ang dating ni Gardo, lalo na noong pinaypayan at pinaliguan niya si Aljur.
Patalbugan sa pagluha ang mga artista sa pelikula. Ano kaya ang ibig ipahiwatig niyon?
Nasa cast sina Ariel Rivera at Gelli de Belen bilang parents ni Rey Valera, Meg Imperial bilang misis ni Rey Valera, Eric Nicolas bilang Rico J. Puno, Ricky Rivero bilang Ike Lozada, Shira Tweg bilang Sharon Cuneta, at Lloyd Samartino bilang Orly Ilacad.
Kasali rin sa pelikula sina Christopher de Leon, Lotlot de Leon, Rosanna Roces, Dennis Padilla, Ronnie Lazaro, Epy Quizon, Ara Mina, Jenine Desierio, Pekto Nacua, Arlene Muhlach, Gian Magdangal, Biboy Ramirez, Arman Reyes, Rico Barrera, at Lou Veloso.
YUNG LIBRO SA NAPANOOD KO

Romance drama sa panulat at direksiyon ni Bela Padilla. Si Bela rin ang bidang babae, at katambal niya ang South Korean na si Yoo Min Gon.
Malaking bahagi ng pelikula ay kinunan sa Seoul, South Korea. Sandamukal siyempre ang Korean dialogues, na merong English subtitles.
Maikli pero markado ang papel nina Lorna Tolentino at Boboy Garrovillo bilang parents ni Lisa (karakter ni Bela).
Ang original title ng movie ay If. May bahid ito ng pelikulang Walang KaParis nina Alessandra de Rossi at Empoy Marquez, na nagsyuting sa Paris, France at Baguio City.
Pangalawang pelikula ito na isinulat, dinirek at pinagbidahan ni Bela. Nauna ang 366, kung saan leading man niya sina Zanjoe Marudo at JC Santos.
May mga bagong script na dine-develop si Bela, at nagsyusyuting na ang bagong movie nila ni JC.
SINGLE BELLS

Romantic comedy sa direksiyon ni Fifth Solomon.
Marupok na kuwento ng mag-best friend na sina Rose Ann (Alex Gonzaga) at Rose Mae (Angeline Quinto), na idinulog kay Papa Jackson.
Ayaw nang umibig ng 32-anyos na si Rose Ann matapos siyang saktan ng kanyang first love na si Jeric (Aljur Abrenica) labindalawang taon na ang nakalipas.
Dyowang-dyowa na si Rose Mae na NBSB, no boyfriend since birth.
Eeksenang muli sa buhay ni Rose Ann si Jeric na sarap-sarapan ang abs. Dalawang pogi ang eentra sa life ni Rose Mae, ang negosyanteng si Evan (Victor Silayan) at ang clingy na si Dave (Julian Roxas).
Sa inuman scene nina Rose Ann at Jeric, dilaw ang pang-itaas ng dalaga, samantalang pula ang pang-itaas ng binata.
May moment si Ruby Ruiz bilang ina ni Rose Ann na paralisado, at iniwan ng asawa nito. Tigok na ang parents ni Rose Mae.
May dalawa, tatlo o apat na eksenang nakakatawa o nakakakiliti kahit paano. Happy ang ending ng mag-best friend.
LOVE YOU LONG TIME

Romance movie, sa direksiyon ni JP Habac.
Paano kung ang dalawang tao na nasa magkaibang timeline ay nagkonek sa isa’t isa?
Love story ito ng scriptwriter na si Ikay (Eisel Serrano) at ng mahilig mag-repair na si Uly (Carlo Aquino).
Nasa magkaibang timeline sila. Nasa taong 2018 si Uly, samantalang nasa year 2022 si Ikay.
Ang ganitong premise ay may bahid ng ilang pelikula at serye.
Andiyan ang 2000 South Korean film na Il Mare. Nasa taong 1997 si Sung-hyun (Lee Jung-jae), samantalang nasa year 1999 si Eun-joo (Jun Ji-hyun).
Ni-remake ito sa Hollywood bilang The Lake House (2006). Ang architect na si Alex (Keanu Reeves) ay nasa 2004, samantalang ang doktorang si Kate (Sandra Bullock) ay nasa year 2006.
Sa Moments of Love (2006) ng GMA Films, namumuhay si Divina (Iza Calzado) sa taong 1957 nang magkausap sila sa telepono ng photographer na si Marco (Dingdong Dantes), na nasa year 2006.
Sa BL series na Happenstance (2020) ni Direk Adolf Alix Jr., si Jose Manuel (Jovani Manansala) ay nasa taong 1974, samantalang si Wade (Kiko Ipapo) ay nasa year 2020.
Split screen kung split screen sina Eisel at Carlo sa malaking bahagi ng pelikula.
Kasama sa cast ng Love You Long Time sina Patrick Quiroz at Juan Miguel Severo… ganoon din sina Arlene Muhlach, Meann Espinosa, at Ana Abad Santos.
