Kung may dapat matuldukan ngayon, iyon ay hindi ang operasyon ng ABS-CBN, kundi ang banta ng coronavirus pandemic.
Ito ang mensahe ng mahusay na aktres na si Angelica Panganiban, 33.
Sinabi nitong ang pagpapasara sa Kapamilya network ay katumbas ng pagsikil sa karapatan ng publiko.
Karapatang makapamili ng panonoorin at pakikinggan.
At karapatan makapaghayag ng nararamdaman.
Giit ni Angelica, mahalaga para sa isang artistang tulad niya ang malayang maghayag ng saloobin.
Ito, aniya, ay dahil kinakatawan ng celebrities ang mga karaniwang taong tumatangkilik sa kanila.
“Naniniwala ako na mahalaga ang kalayaan para sa isang katulad kong artista.
“Ang maipahayag ang aking saloobin nang buong tapang at walang halong takot.
“At bilang isang artista ng bayan, tayo ang magsisilbing boses para sa mga hindi makapagsalita.
“Tenga para sa mga hindi makarinig.
“At mata para sa mga hindi nakakakita.”
Nagsalita si Angelica sa Laban Kapamilya Live Facebook event nitong Martes, May 12.
Bukod kay Angelica, nakibahagi rin sa online event sina Angel Locsin, Jodi Sta. Maria, Angel Aquino, Shaina Magdayao, Enchong Dee, at Jaime Fabregas.
“TAUMBAYAN ANG TALO SA LABAN NA ITO”
Sinabi ni Angelica na sa nakalipas na 66 na taon ng ABS-CBN, naging “sandigan” na ng publiko ang network sa maraming panahon ng pangangailangan.
“Tayo po ang magiging sandigan nila kung sila ay nalulungkot, gustong tumawa, gustong sumaya…
“Magbigay ng impormasyon sa panahong kailangang-kailangan po natin.
“Ito po ang aming responsibilidad.”
Pero dahil sa pamamaalam sa ere ng ABS-CBN nitong May 5—isang araw makaraang mapaso ang 25-taong prangkisa nito—sinabi ni Angelica na nakompromiso ang karapatang ito ng Kapamilya viewers.
Aniya, “Nararamdaman ko ang agam-agam at ang walang kasiguraduhang kinabukasan nating lahat ngayon.
“Alam nating lahat na hindi lang kami ang talo sa pagpapasara sa ABS-CBN.
“Taumbayan ang talo sa laban na ito.”

THE ABS-CBN SHUTDOWN
Isang linggo nang tigil-operasyon ang lahat ng TV at radio stations ng ABS-CBN, sa bisa ng Cease and Desist Order ng National Telecommunications Commission (NTC).
Sa kabila ng ipinangako sa Kongreso, hindi binigyan ng NTC ng provisional authority to operate ang network.
Mas nanaig sa NTC ang banta ni Solicitor General Jose Calida na kakasuhan ang mga opisyal ng komisyon kung papayagang mag-operate ang ABS-CBN kahit paso na ang prangkisa nito.
Bago pa nag-expire nitong May 4, noong Pebrero ng taong ito ay ipinakakansela na ni Calida sa Supreme Court ang franchise ng ABS-CBN.
Sa pamamagitan ng quo warranto petition, iginiit ng Solicitor General na nilabag ng network ang ilang probisyon ng prangkisa nito.
Tumatayong abogado ng gobyerno, inihain ni Calida ang quo warranto may dalawang buwan lamang matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte, sa ikatlong pagkakataon, na titiyakin niyang hindi mabigyan ng bagong prangkisa ang ABS-CBN.
Inakusahan ng Presidente ang network ng panggagantso sa hindi nito pagpapalabas ng campaign ads niya noong 2016, kahit na bayad na ang mga ito.
Nag-apologize na si ABS-CBN President and Chief Executive Officer (CEO) Carlo Katigbak, at tinanggap ito ni Pangulong Duterte.
Ngunit pinasara pa rin ang network.
“SILA NA PO ANG NAMILI NG KUNG ANO LANG ANG INYONG DAPAT PANOORIN”
Sa nangyaring ABS-CBN shutdown, sinabi ni Angelica na tinanggalan ang Kapamilya viewers ng kalayaang mamili ng panonoorin.
Patuloy ni Angelica: “Sa pagpapasara nila sa ating tahanan, hindi na po nila kayo binigyan ng kalayaang mamili.
“Dahil sila na po ang namili ng kung ano lang ang inyong dapat panoorin.”
May bahagyang panginginig sa boses, iginiit ni Angelica na labag ang ABS-CBN shutdown sa demokrasyang umiiral sa Pilipinas.
“Hindi po ito tama.
“Hindi po ito tama sa bansa natin na may demokrasya.
“Sa bansa natin na dapat may kalayaang mamili, at kalayaang makapagpahayag.
“Hindi po tayo papayag na iilang tao na lang ang magdidikta sa atin kung ano ang dapat nating panoorin.
“At kung ano ang dapat nating pakinggan,” ani Angelica.
MORE PRESSING ISSUES THAN NETWORK CLOSURE
Binigyang-diin ng aktres na, kasama ang ibang Kapamilya stars, ipinaglalaban niya ang karapatan na simula’t sapul ay tinatamasa ng ABS-CBN viewers.
Kaya huwag naman daw sanang i-bash ang network at ang Kapamilya talents na nagtatanggol dito.
“Tandaan sana natin na hindi ABS-CBN ang kalaban ngayon,” may diin ang pagbigkas ni Angelica sa parteng ito.
“Hindi po ang mga artista na nagpapahayag ng kanilang saloobin ang kalaban ngayon."
Dahil sa totoo lang, ayon sa aktres, hindi naman daw ang ABS-CBN shutdown ang mahalagang pagtuunan ng pansin ng gobyerno sa ngayon.
Mas importanteng tugunan, aniya, ang malalaking problema ng COVID-19 pandemic.
“Ang issue ay free mass testing.
“Ang issue ay iyong pagbibigay ng ayuda para sa mga mas nangangailangan.
“Ang issue po ay ang pagiging handa ng ating healthcare system sa isang pandemya.
“Ang issue ay ang kawalan ng trabaho ng milyun-milyong Pilipino.
“Ang issue ay kung saan kukuha ng pagkain ang bawat pamilya.”
“HINDI PO ABS-CBN ANG KALABAN”
Bago nagpaalam, binigyang-diin ni Angelica ang bagay na dapat “sugpuin” ng gobyerno.
"Hindi po ABS-CBN ang kalaban," giit ni Angelica.
“Virus ang kalaban.
“Iyan ang kailangang sugpuin.
“Iyan ang kailangan nating sagutin.”
FORMER DUTERTE SUPPORTER
Si Angelica ay aminadong dating masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Hindi itinago ng aktres na si Duterte ang ibinoto niya sa pagkapangulo noong 2016 presidential elections.
Ngunit nitong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, "nagising" na raw si Angelica mula sa pagkaka-"hypnotize" niya.
Ito ay matapos ang kontrobersiyal na "shoot them dead" speech ni Pangulong Duterte noong April 1, 2020.
Kaugnay ito ng banta ng Pangulo sa sinumang magsasagawa ng gulo habang ipinapatupad ang enforced quarantine.
Kabilang si Angelica sa mga celebrities na nagpuyos ang galit at nag-post ng saloobin sa social media.
Sa Twitter, isang netizen ang nagtanong ng ganito sa Kapamilya actress: "Nagising ka na ba sa pagka-hypnotize?"
Malinaw na ang tinutukoy rito ay ang pagiging Duterte supporter ni Angelica.
Sagot ni Angelica, “Yes. Nakakalungkot. Pero oo. Patawarin niyo ko."
Dagdag pa niya sa isang komento, "Sorry natagalan."
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)
