This Week In Showbiz: Nung madaig ni Anne Curtis sina JK Rowling, Oprah Winfrey, J.Lo, at Beyonce
by Rommel R. Llanes July 13 to 19, 2014, ito ang mga balitang showbiz na tinutukan ng lahat.
DENIECE CORNEJO PROTESTS DISMISSAL OF RAPE COMPLAINT; VHONG NAVARRO FIRES BACK
July, 13, 2014, habang nasa loob ng piitan, sinugatan ni Deniece Cornejo ang sarili para iprotesta ang pagbasura ng kanyang pangalawang reklamong rape laban kay Vhong Navarro.
Nakakulong si Deniece sa detention cell ng Criminal Investigation and Detention Group (CIDG) sa Camp Crame, Quezon City.
Ang pagkakakulong niya ay kaugnay sa kontra-reklamo ni Vhong laban sa kanya, kay Cedric Lee, at mga kasama nito.
Pambubugbog, paggapos, at pananakot ang inihaing reklamo sa kanila ng It's Showtime host.
Nauna rito, nagsampa si Deniece ng dalawang hiwalay na kaso ng rape. Ayon sa kanya, ginahasa siya noong Enero 17 at 22, 2014.
Itinanggi ang mga ito ni Vhong.
Ayon kay Vhong siya ay iginapos, piniringan, pinagbubugbog, at tinakot ng anim na lalaki matapos makipagkita kay Deniece sa condo unit nito.
Nakapagpiyensa rin kalaunan si Deniece, katulad ng naunang ginawa ng mga kasama niya sa reklamo ni Vhong.
Nagpatuloy ang mga pagdinig ng kani-kanilang mga inihaing kaso sa isa't isa sa mga sumunod na buwan.
Noong 2017, na-dismiss ang reklamong rape na inihain ni Deniece laban kay Vhong sa Department of Justice (DOJ) dahil walang matibay na ebidensiya ang kampo ng dalaga.
Inapela ito ni Deniece, ngunit tuluyan itong ibinasura ng DOJ noong July 2018.
Sa nasabing buwan din ay hinatulan ng Taguig City Metropolitan Trial Court sina Deniece, Cedric, at iba pa nilang kasabwat sa kasong grave coercion na isinampa ni Vhong.
Huling nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Deniece nung Setyembre 2019.
Nang hingan ng update tungkol sa kaso nila ni Vhong, sagot ng modelo: “Sorry, cannot comment. Hayaan mo na lawyers, kaya na nila 'yan."
CLAUDINE BARRETTO SHOWS WOUNDS, SCARS, BURNS IN PHOTO SHOOT; RAYMART SANTIAGO DEFENDS SELF AGAINST WIFE
Ipinakita ni Claudine Barretto sa isang photo shoot ang mga sugat, peklat, at paso ng sigarilyo sa kanyang hita.
Hindi tinukoy ni Claudine kung sino may kagagawan, pero sinabi nitong nakapaloob na ito sa reklamo niya sa ilalim ng Violence Against Women and their Children Act laban sa estranged husband na si Raymart Santiago.
Ani Claudine, isa raw siyang battered wife.
Pinabulaanan naman ni Raymart ang lahat ng paratang ni Claudine.
Bilang pagpapasinungaling sa mga pahiwatig ni Claudine na si Raymart ang may gawa ng mga sugat at peklat niya sa hita, nagpadala sa PEP ang kampo ng aktor ng limang larawan na nagpapakita ng tunay na dahilan ng mga peklat at sugat ng aktres.
Ayon sa kampo ni Raymart, galing sa "post-surgical procedure" ang mga sugat na ipinakita ni Claudine sa photo shoot.
Taong 2013 nang maghiwalay sina Claudine at Raymart pagkatapos ng 13 taon ng pagiging mag-asawa. Mayroon silang dalawang anak, sina Sabina at Santino.
Mula noon ay nagpalitan na sila ng legal complaints hanggang sa magdesisyon silang magkasundo at dumaan ng counselling nung 2015.
2016 nung huli silang nakitang magkasama at masaya sa dance recital ng kanilang anak na si Sabina.
Nagkasundo ang dalawa na mag-coparenting sa kanilang mga anak ngunit wala nang posibilidad pa ng muli nilang pagsasama.
JULIA BARRETTO wants surname changed; dennis padilla interferes
Naghain ng petisyon sa korte si Julia Barretto para sa mabago ang kanyang tunay na apelyido, mula Baldivia ay maging Barretto na.
Baldivia ang tunay na apelyido ng ama ni Julia na si Dennis Padilla.
Umalma si Dennis sa legal na aksyon ng kampo ni Julia at nag-file ang komedyante at ang kanyang abugado ng Motion to Intervene.
Sabi ng abugado ni Dennis, hindi simpleng pagpapalit lang ng apelyido ang petisyon ni Julia kundi legal na pagpapalit ng relasyon nilang mag-ama mula legitimate to illegitimate.
Nagkaroon ng magkakasunod na hearing para sa apila ni Dennis at ng kanyang abugado na pigilan ang petisyon ni Julia sa korte.
Ngunit noong Setyembre 2015, nag-withdrawna ni Dennis ang kanyang motion.
Aniya, napagod na siya sa kakahabol para mapanatili ang kanyang pangalan sa anak na si Julia. Nagpahayag din siya ng sama ng loob sa naging trato sa kanya ng anak.
Wala na raw siyang magagawa kung ayaw talaga ni Julia na gamitin ang apelyidong Baldivia.
PIOLO PASCUAL SHRUGS OFF bashers calling him gay
Sa interview sa kanya ni "Ka Tunying" Anthony Taberna sa ABS-CBN current affairs program na Tapatan Ni Tunying, muling naungkat ang madalas na pambubuyo kay Piolo Pascual na isa siyang bakla.
Ani Piolo, masakit man ay wala naman daw siyang magagawa't ikinikibit-balikat na lang niya ang mga pambubuyo ng bashers.
Gusto man niyang manapak ng tao ay hindi na lang niya gagawin dahil magkakasala pa siya.
Basta ang mahalaga raw ay kilala niya ang tunay na sarili, kilala siya ng kanyang Diyos, at ng kanyang mga mahal sa buhay, lalo na ng kanyang anak na si Inigo.
ANNE CURTIS among the smartest!
Kabilang sa 50 Smartest Celebrities on Twitter ng TIME magazine ang Fil-Aussie Kapamilya star na si Anne Curtis.
Ayon sa listahan, na nailathala nung July 16 (U.S. time), nasa ika-28 na spot si Anne. Mayroon siyang reading comprehension level sa Twitter na 6.2.
Nalampasan niya ang Twitter smart level ng ilang kilalang international personalities 'tulad nina Harry Potter series author J.K. Rowling, na nasa ika-32 spot; TV producer-host Oprah Winfrey, na nasa ika-42 spot; at ang singers na sina Jennifer Lopez (No. 42) at Beyoncé (No. 48).
Nangunguna sa listahan ang Wolf of Wall Street actor na si Leonardo DiCaprio, na nasa 7.5 grade level.





