Hindi na matutuloy ang paglipad ng Darna, ang pelikulang pagbibidahan sana ni ABS-CBN newbie Jane de Leon.
Ito ang impormasyong nakarating sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) mula sa isang reliable showbiz insider.
"Business decision" umano ito ng Star Cinema, ang film company ng ABS-CBN.
Sinasabing umabot na ng "PHP140 million" ang kabuuang gastos sa produksiyon ng Darna.
June 2013 nang unang ipagkaloob sa ABS-CBN ang rights sa Darna, ang sikat na Filipino superhero na likha ng comics legend na si Mars Ravelo.
Sa nakalipas na pitong taon, makailang-beses dumaan sa pagbabago ang movie project—mula sa lead stars, director, pati na rin ang script ng pelikula—dahil sa mga hindi inaasahang pangyayari.
Hindi pa rin ito nakukumpleto hanggang ngayon.
ANGEL LOCSIN AS DARNA
Si Angel Locsin ang napili ng ABS-CBN gumanap na Darna sa pelikulang gagawin ng Star Cinema at pamumunuan ng direktor na si Erik Matti.
June 26, 2014 nang sabihin ni Angel na excited siyang muling gumanap na Darna.
Bumasag ng records ang tinampukan ni Angel na TV adaptation ng Darna sa GMA-7 noong 2005.
Napaiyak pa si Angel nang alalahanin kung paano naging instrumento ang Darna para umalagwa ang kanyang showbiz career at mabuhay niya nang kumportable ang kanyang pamilya.
Angel Locsin at a pictorial for GMA-7's Darna in 2005
Sumabak naman agad si Angel sa physical training para sa Star Cinema version ng Darna.
Pero noong October 2015, inanunsiyo ng ABS-CBN na nagka-injury si Angel. Sa tindi ng training, na-trigger daw ang disc bulge sa spine ng dalaga.
Nagdesisyon ang ABS-CBN at si Angel na hindi na matutuloy ang aktres bilang Darna para na rin sa kanyang kaligtasan.
Bukod dito, maaapektuhan ang kalidad ng pelikula, dahil malilimitahan ng spine injury ni Angel ang kanyang stunts, lifts, at paggamit ng harness.
Sa kabila nito, naglabas ang Star Cinema ng teaser trailer ng Darna sa 2015 Metro Manila Film Festival.
Pero as of September 2016, siniguro ng noo'y Star Cinema managing director na si Malou Santos na si Angel pa rin ang gaganap na Darna.
ANGEL LOCSIN QUITs FOR HEALTH REASONS
Pero tuluyan nang bumitiw si Angel sa proyekto noong March 2017.
Sinikap ni Angel tapusin ang kanyang therapy sessions matapos ipaopera ang kanyang disc bulge sa Singapore noong December 2015.
Pero dalawang beses sumakit ang likod ni Angel nang bumalik ito sa kanyang physical training para sa role.
Pinayuhan si Angel ng doktor na huwag nang gagawa ng matinding physical activity para maiwasang magkaroon ng permanent damage sa kanyang spine.
Humirit pa rin si Angel. "Ayaw kong isipin ng tao na hindi ko sinubukan o di sinubukan ng ABS-CBN," sabi nito sa panayam ng ABS-CBN News noong March 21, 2017.
LIZA soberano chosen as new darna
Si Liza Soberano ang sumunod na napiling Darna ng Star Cinema.
May basbas ni Angel ang paglipat ng baton kay Liza. Pati ang dating mga Darna, gaya nina Vilma Santos at Sharon Cuneta, suportado si Liza.
Pero muling naantala ang proyekto nang inanunsiyo ng ABS-CBN na hindi na si Erik Matti ang huhulma ng Darna movie.
Sa opisyal na pahayag na ipinadala sa PEP.ph noong October 4, 2018, nakasaad na "creative differences" ang dahilan ng paghihiwalay ng landas ng Star Cinema at ni Erik.
Noong buwan din ng Oktubre ibinalita ng Star Cinema na si Jerrold Tarrog, na nakilala sa pagdidirek ng blockbuster film na Heneral Luna, ang napiling bagong direktor ng Darna.
Kinumpirma ni Jerrold na may ilang pagbabago sa pelikula nang siya ay onboard na.
Sa isang panayam ng Umagang Kay Ganda noong Enero 2019, sinabi ni Jerrold na iba ang "direksyon" na gusto niyang tahakin.
Ni-rewrite daw niya ang script base sa draft na trinabaho noong panahong si Erik ang direktor.
Binanggit din ni Jerrold na babaguhin niya ang disenyo ng costume ni Liza. "Mas praktikal" na raw ito at iba sa naumpisahan ng "previous team."
Ang mahalaga raw ay si Liza pa rin ang lilipad na Darna.
Liza Soberano undergoes physical training for Darna in 2018
LIZA SOBERANO RESIGNS FOR HEALTH REASONS, TOO
Pero pagsapit ng Abril 2019, napilitang bumitiw si Liza bilang Darna.
Aksidenteng dumanas ng "finger bone fracture" si Liza sa taping ng ABS-CBN prime-time series na Bagani, na umere mula Mayo hanggang Agosto 2018.
Hindi pa rin ito lubusang gumaling kahit na ilang buwan nang sumailalim sa initial surgery at therapy ang aktres.
Lubhang ikinalungkot ni Liza na hindi na niya magagampanan ang iconic Pinay superhero, lalo pa't marami ang nag-aabang sa kanyang Darna.
Pero aminado siyang "baka maging hindrance" sa kanyang gagawing stunts ang kanyang finger injury.
"Emotionally, that’s why I decided to withdraw from the project. I felt like hindi ako buo anymore to do Darna," saad niya sa panayam ng TV Patrol noong April 2019.
Nagtungo pa si Liza sa U.S., mula Mayo hanggang Hulyo 2019, para doon sumailalim ng surgery.
Hindi biro ang ginawa kay Liza. Kumuha ng buto mula sa kanyang balakang at ipinalit ito sa fractured bone sa kanyang right index finger.
JANE DE LEON TRIUMPHS IN AUDITIONS FOR DARNA
Mayo 2019 nang simulan ng Star Cinema ang pagsasagawa ng auditions para sa much-coveted Darna role.
June 15, 2019 nang ipatawag si Jane de Leon sa isang surprise meeting para ipaalam na siya ang napiling bagong Darna. Ang Star Cinema head na si Olive Lamasan ang nagpaabot kay Jane ng magandang balita.
Bilang suporta kay Jane, naroon din ang ABS-CBN executives na sina Carlo Lopez Katigbak, Cory Vidanes, Charo Santos-Concio, pati ang direktor na si Jerrold at dating Star Cinema head na si Malou Santos.
July 17, 2019 nang isapubliko ng ABS-CBN na napasakamay ni Jane ang title role—out of 170 auditionees at seven shortlisted stars na pinagpilian ng ABS-CBN management.
Si Jane ay kabilang sa artists' pool ng Star Magic, ang talent-management arm ng ABS-CBN. Dati siyang miyembro ng all-female-group na GT o GirlTrends ng It's Showtime.
Sa pamamagitan ng Instagram comments, kaagad na nag-congratulate kay Jane sina Angel Locsin at Liza Soberano.
Kinalaunan ay naka-dinner date pa ni Jane si Liza, na ibinahagi ang pinagdaanan niyang preparasyon para sa role.
Personal ding nakakuha ng basbas si Jane mula kay Marian Rivera, na gumanap na Darna sa TV series remake ng GMA-7 noong 2009.
February 2020, lumutang ang pangalan ni Paulo Avelino na siyang leading man ni Jane sa pelikula.
16 SHOOTING DAYS WITH JANE AS DARNA
Noong April 2020, kinumpirma ni Direk Jerrold na bahagi ng cast ng Darna si Paulo—na naging bida sa pelikula niyang Goyo: Ang Batang Heneral noong 2018.
Ibinalita rin ni Jerrold sa isang Facebook Live na naka-16 shooting days na sila para sa pelikula.
Naka-schedule na rin daw sana i-shoot ang isang big fight scene ni Jane noong "end of March," pero hindi ito natuloy dahil sa enforced quarantine (ECQ).
Proud si Jerrold sa "coming-of-age story" na binuo ng kanyang team para sa Darna.
Sabi pa ni Jerrold, "Nae-excite ako for Jane. Gusto ko matapos iyong pelikula para makita ng mga tao iyong trabaho niya."
Jane de Leon training for Darna in January 2020
DARNA NEEDS ANOTHER P100MILLION TO BE COMPLETED
Sabi sa PEP ng isang industry insider, lumobo nang PHP140 million ang kabuuang nagastos na ng Star Cinema para sa pelikulang Darna, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin ito tapos.
Umpisa pa lang ay malaki na talaga ang nakalaang budget sa proyekto dahil "all in" ang gagawing effects para sa pelikulang may halong fantasy, action, at drama.
Noong si Angel pa ang Darna, sinasabing "PHP20M" na ang nagastos para sa preparasyon ng produksyon.
Noong panahon ni Liza, umabot ng "PHP70M" ang expenses ng production.
Nakailang shooting days din si Liza sa pamumuno ni Erik Matti, bago pumalit si Jerrold Tarog bilang direktor.
Pero kung anuman ang materyal na natapos sa puntong iyon, tila hindi rin magagamit dahil nagpalit ng lead star ang pelikula.
Nang si Jane na ang Darna, may "PHP50M" din ang nagastos sa preparasyon at pagsisimula ng movie production.
Ipinaliwanag ng PEP.ph insider na malaki man ang nagastos na, kakailanganin pa ng karagdagang "PHP100M" para matapos ang pelikula.
Ang problema, mahihirapan na raw makabawi kung aabot ng PHP240M ang gastusin sa produksyon.
Ayon din sa insider, isa pang malaking challenge ay ang pag-push kay Jane de Leon bilang title roler at star material.
Hindi raw iyon ganoong kadali gawin dahil kulang na ang machinery ng ABS-CBN ngayong hindi umeere ang network sa free TV at radio.
Noong May 4, 2020, napaso ang 25-year franchise ng ABS-CBN, at agad ipinasara ng National Telecommunication Communications ang broadcast operations ng network noong May 5.
Nag-apply ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN, pero ipinagkait ito ng Kongreso noong July 10.
IS ABS-CBN offering darna TO RIVAL TV NETWORKS?
Ang isang malaking kuwestiyon ngayon: Ano ang mangyayari sa Darna kung hindi ito matutuloy bilang Star Cinema movie?
Tila ang isang napupulsuhang kilos ng ABS-CBN ay ang pagbawi ng nagastos nito sa pelikula.
Sabi ng insider, ang Darna ay "ino-offer as a TV series."
Nagpadala umano ng "feelers" ang ABS-CBN sa GMA-7 at TV5 sakaling interesado ang alinman sa dalawa na bilhin ang rights para gawing serye ang Darna.
Sa ngayon, hindi pa malinaw kung nagkaroon na ng pag-uusap sa pagitan ng ABS-CBN at alinman sa rival networks nito.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika