Daan-daang fans nina Alden Richards at Maine Mendoza ang hindi napigilang kiligin sa simpleng palitan ng komento sa Instagram ng dating loveteam partners.
Kasunod ito ng pagko-comment ni Maine, 25, sa Instagram post ni Alden, 29, nitong January 21.
Ipinost ni Alden ang bagong bili niyang handcrafted display collectibles ng X-Men vs Sentinel diorama statues.
Tipid na nakangiti ang Kapuso star sa pagkaka-pose sa harap ng Marvel Comics characters, na kinabibilangan ng isang dambuhalang Sentinel action figure at ng X-Men mutants na sina Arcangel, Beast, Psylocke, at Colossus.
Ayon sa website ng Singapore-based XM Studios, ang nabanggit na X-Men diorama collectibles ni Alden ay may "prestige price" na SG$5,400 (PHP195,804).
Caption ni Alden: “Let’s hunt for mutants [smiling with sunglasses emoji].”
Kilala si Alden sa pagkakaroon ng mamahaling toy collection.
MAINE COMMENTS ON ALDEN’S PHOTO
Tatlong money with wings emojis ang ikinomento ni Maine sa post ng co-host sa GMA-7 noontime show na Eat Bulaga.
Ipinahihiwatig ni Maine na malaki ang nagastos ni Alden sa bagong dagdag sa toy collection nito.
Tinag ni Alden si Maine sa kanyang reply: “@mainedcm kasi naman…”
Tatlong magkakaparehong emojis lang ang comment ni Maine, at dalawang salita lang ang isinagot ni Alden sa aktres pero hindi na magkamayaw ang reaksiyon ng kanilang fans.
At press time, halos 800 ang nagkomento sa thread na nalikha ng comment ni Maine.
Halos lahat ay nagpapahayag ng sobrang kilig kahit pa simple lang naman ang naging palitan ng komento nina Alden at Maine.
Pabirong pag-amin pa ng fans, sadyang “marupok” lang sila pagdating kina Alden at Maine kaya hindi nila napigilang kuyugin ng comments ang thread na nilikha ni Maine.





Anila, “many years” na rin daw kasi ang lumipas nang huling beses na nagkomento si Maine sa post ni Alden.
“Miss” na raw talaga nila iyong nagre-react si Maine sa social media updates ng dating ka-love team.

FANS REMEMBER KALYESERYE, ALDUB
Ang isang fan, sa sobrang “tuwa ng puso” ay bigla raw nagbalik-alaala sa "Kalyeserye," na kapwa nagpasikat kina Alden at Maine.
Ang "Kalyeserye" ay dating segment sa Eat Bulaga! noong 2015 kung saan unang nakilala si Maine bilang “Yaya Dub,” ang alalay ng matandang babaeng mayaman na si Lola Nidora (Wally Bayola).
Pumatok noon ang karakter ni Yaya Dub, na sa halip na magsalita ay dina-Dubsmash ang mga gustong sabihin.
Nang mga panahong iyon, patok na patok ang Dubsmash app, kung saan ibini-video ng user ang pagsabay niya sa musika o movie dialogues na available sa app.
Sa katunayan, na-discover si Maine dahil sa agaw-eksena niyang Dubsmash videos sa YouTube.
Sa "Kalyeserye" umusbong ang hindi sinasadyang tambalan nina Alden at Maine na binansagang “AlDub’’—pinagsamang pangalan nina Alden at Yaya Dub.
Sa pamamagitan ng "Kalyeserye," araw-araw noong pinakikilig ng mga karakter nina Alden at Maine ang Eat Bulaga! viewers, na naging saksi kung paanong ipinaglaban ng AlDub ang kanilang pagmamahalan sa kabila ng maraming hadlang.
Dahil sa nakakalulang popularidad noon ng AlDub at "Kalyeserye," consistent na mataas ang ratings ng Eat Bulaga!.
Bukod dito, halos araw-araw ring top-trending sa Twitter ang AlDub at "Kalyeserye."
FANS WANT AN “ALDUB COMEBACK”
At dahil sa palitan ng komento nina Alden at Maine nitong Huwebes, humiling ang fans na magkaroon daw sana ng “comeback” ang AlDub.


Wala nang follow-up comment ang sinuman kina Alden at Maine sa nabanggit na thread.
Sa kasalukuyan, bagamat nananatili pa ring co-hosts ng Eat Bulaga! sina Alden at Maine, matagal nang nabuwag ang kanilang AlDub loveteam.
Single pa rin si Alden, habang ang Kapamilya actor na si Arjo Atayde ang boyfriend ngayon ni Maine.