Bagong Vivamax project ng mahusay at beteranong direktor na si Joel Lamangan ang Sisid Marino.
Isa sa natanong kay Joel ay kung ano ang kaibahan na gumawa ng pelikula noong dekada '90 kumpara sa panahong kasalukuyan.
“Parang gusto niyong gumawa ako ng libro,” ang kuwelang umpisang hirit ni Joel.
“Napakalaki ng diperensiya. Iba ang pelikula noong mga unang panahon.
“Noong unang panahon, gumagawa ka ng pelikula na nagre-reflect ng isang partikular na katotohanan, ngayon gumagawa ka ng pelikula na nagre-reflect ng ka-L-an ng mga tao.
“L, mga ka-L-an, mga L, sa Vivamax, walang ganoon noong araw.
“Kaya ang mga pelikulang nagawa ko noong araw ay sinasabi nilang socially oriented because they depicted the truth of that particular time.
“Well, ito namang Vivamax it also reflected the truth of particular characters of our society kaya lang, mayroong tendency to show intimate scenes na kailangang-kailangang sa isang konsepto ng Vivamax.“
Read:
Joel Lamangan recalls fond memories with Ishmael Bernal
Joel Lamangan recalls fondest memories working with Lino Brocka
Joel Lamangan, galit sa artistang "nagkukunwa-kunwaring alam niya pero tanga"
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Joel sa back-to-back mediacon ng Linya, na available na via streaming, at ng Sisid Marino, na magsisimulang mag-stream sa Vivamax sa June 14, 2024.
Nangyari ang interview sa Viva Boardroom sa Tektite East Tower, Ortigas Center, Pasig City, nitong Biyernes, June 7.

JOEL LAMANGAN ON LONGEVITY IN SHOWBIZ
Natanong ang premyadong direktor kung ano ang sekreto niya na sa kabila ng maraming panahon ay nananatili siyang aktibo at tinitingalang direktor sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Pakli ni Joel sa nagtanong na member ng media, “Parang sinasabi mo ang tanda-tanda ko na.
“Ano ba ang sekreto? Wala namang sekreto. Ang sekreto, e, kumapit ka lang nang kumapit.
"Kumapit ka, lasapin mo ang lahat ng karanasan at matuto ka sa lahat ng karanasang nasapit mo.
“At huwag mo nang gagawin ulit ang karumal-dumal na ginawa mo, ayusin mo ang propesyon mo.
"Tingnan mo ang pelikula bilang isang kultura, bilang isang sining, at bilang isang repleksiyon ng ating society, hindi lamang upang kumita ng pera."
Pero prangkang pagtukoy ni Joel sa Sisid Marino, “Pero ito, kinuha ko dahil sa pera.
“Kailangan ko datung, kailangan talaga! Pero iyan naman kasi ang pamantayan ng panahon.
"Mahirap kasi ang pera ngayon, wala nang nagpoprodyus talaga. Wala nang nanonood ng sine, di ba? So ang Vivamax ang nandiyan, di kakapitan mo rin iyon.
"Pero dapat pag-aaralan mo kung ano ang mga ibinibigay sa iyo ng Vivamax na leksiyon para magamit mo sa buhay mo.
“Bakit ako nagtatagal? Dahil kailangan pa ako. Siguro pag hindi na ako kailangan mawawala na ako, di ba? E, may kumukuha pa rin sa akin, ano?
“Kahit saan ako pumunta may kumukuha pa rin sa akin, so alangang tanggihan ko nang tanggihan.
"Hindi ako kumawala, kumapit ako nang mahigpit dito at hanggang ngayon nandito pa rin ako.
“Karamihan ng mga kasabay ko… ay, huwag na lang natin silang pag-usapan!”
ARTIST AND DIRECTOR
Dating artista sa teatro si Joel bago kinuhang direktor ng Viva Films.
Lahad ni Joel, “Nag-umpisa ako sa PETA, nag-training ako kay Lino Brocka, hanggang sa naging direktor ako sa PETA, naging direktor ako sa TV, kinuha ako ng Viva.
“Kasi ako ang unang direktor ng Viva Drama noong araw saka Viva Spotlight. Okay?
"So nung nagkaroon ng pagkakataon na gumawa ako ng pelikula… sabi ni Boss Vic," pagtukoy ni Joel kay Vic del Rosario ng Viva Films, "‘sino ang makakagawa ng Darna?’
“October na iyon na tatapusin mo by first week of December, taas-kamay ako. Iyon pala tinanggihan na ng lahat ng direktor!
“Kasi baka hindi makuha, e, ang lakas ng loob ko. Natapos ko, doon ako nag-umpisa.”
Kung papipiliin siya, kung artista o direktor, ano si Joel Lamangan?
“Artista’t direktor,” ang mabilis na sambit ni Joel. “Puwede mo namang pagsabayin yung dalawa. Kaya sa Batang Quiapo artista lang ako, hindi ako nakikialam.”
Mga artista ni Joel sa Sisid Marino sina Julia Victoria, Ataska, Jhon Mark Marcia, Cariz Manzano, at Yda Manzano.
Read:
Cariz Manzano opens up about sexual fantasy, video scandal
Ataska, nag-transition from child actress to Vivamax star
Vivamax sexy actor Jhon Mark Marcia confident sa frontal nudity sa Sisid Marino
