Tila umiinit ang hidwaan sa pagitan ng two-time Olympic gold medalist Carlos Yulo at ng kanyang inang si Angelica Poquiz Yulo.
Nadawit na rin sa isyu ng mag-ina ang girlfriend ni Carlos, ang content creator na si Chloe San Jose.
Ito'y matapos ipahiwatig ni Angelica na si Chloe ang mitsa ng hindi nila pagkakaunawaan ni Carlos.
Mula pa noong Sabado, August 3, 2024, laman na ng balita si Carlos, matapos nitong masungkit ang unang gintong medalya para sa Pilipinas sa Paris Olympics, nang hirangin siyang champion sa men's gymnastics floor exercise.
Read: Carlos Yulo takes home the gold in Olympic men's floor exercise
Nasundan pa ito nang muling nagkamit ng gold medal si Carlos sa men's vault finals, Linggo ng gabi, August 4.
Read: Carlos Yulo wins back-to-back gold medals for the Philippines
Kasabay ng kanyang magkasunod na tagumpay, naungkat naman ang hidwaan nila ng kanyang pamilya, partikular na ang hindi nila pagkakaunawaan ng inang si Angelica.
CARLOS YULO AND ANGELICA YULO: FAMILY FEUD
Ayon sa haka-haka, hindi maayos ang relasyon ng mag-inang Carlos at Angelica dahil sa usapin ng pera.
May mga netizen na nag-akusang "mukhang pera" si Angelica at naghahabol umano sa perang kinikita ng anak bilang atleta para sa national team.
May mga nagsabi pang winaldas umano ng pamilya ni Carlos ang perang galing sa mga kumpetisyong sinalihan nito nang walang pahintulot, dahilan para sumama ang kanyang loob.
Bagay na mariin namang itinanggi ni Angelica nang makapanayam siya ng Bombo Radyo nitong Linggo, August 4.
Read: Carlos Yulo's mother speaks up about "mukhang pera" accusations
Tingin daw ni Angelica ay hindi sa usaping pera nagsimula ang hidwaan nila ni Carlos, kundi dahil sa relasyon nito sa girlfriend na si Chloe.
Saad niya sa panayam, "Ang naging mitsa lang naman talaga ever since yung babae [Chloe] talaga. Lalong lumaki [ang hidwaan]."
Read: Carlos Yulo, may hidwaan sa kanyang sariling ina?
Rebelasyon ni Angelica, nagsimula ang lahat ng hindi nila pagkakaunawaan ni Carlos nang magpunta si Carlos kamakailan sa Japan para sa training.
Sumunod daw ang nakababata nitong kapatid na si Eldrew at isa nitong teammate na si Miguel sa Japan para mag-ensayo.
Ang usapan daw nila ay makikituloy sina Eldrew at Miguel, na pareho ring gymnasts, sa apartment na tinutuluyan ni Carlos.
Ngunit bago pa man makarating ang dalawa sa Japan, nalaman daw ni Angelica na sa apartment ng kanyang anak tumutuloy si Chloe nang walang pasabi sa kanila.
Lahad ni Angelica: "Nagkaroon kasi ng training camp si Caloy [palayaw ni Carlos], kasama ko yung asawa ko, naghatid kami sa Terminal 3.
"Ang sabi nung coach niya, 'Tita, alam mo na ba ang nangyari?' Sabi ko, 'No idea at all.' Kasi hind naman kami nag-uusap ni Caloy, e.
"Pagdating pala dun, ang sabi ni Coach, pagdating ni Eldrew at ng teammate niya, yung babae wala dun sa apartment niya. [Nasa] bahay na tinitirhan niya [Carlos] na binabayaran ng JOC [Japan Olympic Committee] na nire-reimburse ng PSC [Philippine Sports Commission] every end of the year.
"So, dapat bahay lang siya ng mga atleta, parang dorm. So, yung mga outsiders dapat wala dun, especially yung walang kinalaman sa training.
"Pinakita ni Caloy, tinanggap niya [sina Eldrew at Miguel], nandun yung maleta ng mga bata [sa apartment]."

Read: Carlos Yulo, GF charm netizens with post-victory celebration
Dahil menor de edad noon si Eldrew, hindi raw pumayag si Angelica na manatili si Chloe sa apartment na tinutuluyan ng kanyang mga anak.
Aniya, "Sa tingin mo, yung anak ko, fifteen years old, patutulugin ko sa para lang siyang studio type? Patutulugin ko yung anak ko na menor de edad kasama siya [Carlos] at yung babae [Chloe]?
"Mahirap, e, siyempre mga lalaki, anything na mapatingin.
"Actually, ayun din yung sabi ni Coach... na baka mapatingin si Miguel sa puwet dahil nakakalat, e, maging masama yung bata."
ANGELICA ON CARLOS'S GIRLFRIEND
Wala naman daw problema kay Angelica noong unang silang magkita ni Chloe, nang ipakilala ito sa kanya ni Carlos bilang kanyang girlfriend.
Ngunit nang tumagal, pakiramdam daw ni Angelica ay inilalayo ni Chloe si Carlos sa pamilya nito.
Saad ng ina ni Carlos: "Una, medyo okay pa [kami] kasi tumatawag-tawag naman sila dito ni [Carlos]. Hindi ko rin naman siya masyadong pinapansin nun.
"Noong nagkita kami dito, parang feeling ko inilalayo niya sa amin si Caloy.
"Oo, alam ko, gusto nilang magkasama. Gusto niyang makasama si Caloy, gusto rin siyang makasama ni Caloy.
"Pero siyempre, kasi pamilya kami. Kumbaga, parang matagal din namin siyang hindi nakasama. Because of pandemic, di ba?
"So siyempre, kung siya gusto rin siyang makasama nung girl, how much more kami na pamilya niya na gusto rin siyang makasama?
"Even yung mga kapatid niya kasi talagang medyo nalulungkot lang kasi sobrang close silang magkakapatid.
"Pero after nung nangyari, yung ano namin ni Caloy, parang [dumistansiya] even yung youngest ko, yung eldest ko.
"Sobrang malalim yung galit na nararamdaman ng youngest ko kay Caloy."
CHLOE REACTS TO angelica's interview
Sa Facebook nitong Linggo, August 4, nagbigay ng reaksiyon si Chloe sa mga pahayag ng ina ni Carlos tungkol sa kanya.
Read: Hidilyn Diaz congratulates Carlos Yulo on gold medal win
Ibinahagi ni Chloe sa kanyang post ang video ng panayam ni Angelica.
Sa caption, tila binalaan niya itong maghintay rin sa ilalabas niyang pahayag.
Mensahe ni Chloe (published as is): "mother dear i'm gonna hold your hand when i say this... pero wait ka lang, tapusin lang po namin yung vault finals—paki-on na your comment section po ah, di yung nag dedelete ka pa + off com sec [kiss emoji]."
Pinasaringan din niya ito nang sabihing (published as is): "japan pa din talaga.. lakas! but malakas din naman si Carlos Edriel Yulo, GOD IS WITH HIM."

Ang tinutukoy ni Chloe ay ang Facebook post ni Angelica noong Sabado, August 3, kunsaan mas pinaboran niya ang kalaban ni Carlos mula sa Japan nang mag-post ito ng (published as is): "Japan pa din Talaga...lakas."

Hindi rin ito nagustuhan ng netizens kung kaya't katakut-takot na batikos ang ipinupukol sa ina ni Carlos.
Read: Nanay ni Carlos Yulo, biktima ng fake Facebook accounts
