Malacañang distances itself from congressmen's plans for ABS-CBN takeover, penalties

by Rachelle Siazon
Jul 22, 2020
Congressmen Mike Defensor, Rodante Marcoleta, Boying Remulla, and Dan Fernandez (counterclockwise, right) initiate moves to penalize ABS-CBN for alleged violations. President Rodrigo's (left) spokesperson says Malacañang has "no stand" on this.
PHOTO/S: Presidential Communications / Cong. Mike Defensor Facebook

Tila dumidistansiya ang Malacañang sa kumakalat na Zoom meeting ng ilang kongresista na nagpapakita ng pagpaplano nila ng karagdagang sanctions sa ABS-CBN, kasama na ang takeover ng giant network.

Prominente sa Zoom meeting sina Jesus Crispin "Boying" Remulla (7th District of Cavite), Rodante Marcoleta (Sagip Partylist), at Mike Defensor (Anakalusugan Partylist.

Maaalalang sila rin ang tatlong mambabatas na nanguna sa panggigisa sa mga kinatawan ng ABS-CBN na humarap sa committee-level hearing ng Lower House.

"Wala po tayong komento diyan," saad ni Presidential spokesperson Harry Roque sa press briefing noong Lunes, July 20.

Hindi raw nakikialam ang Palasyo sa usapan ng mga kongresista tungkol sa broadcast giant.

"Iyan po ay indibidwal na opinyon ng mga mambabatas, our policy makers. We respect their views, but we take no stand."

Kasama rin sa meeting sina Dan Fernandez (1st District of Laguna) at Yedda Romualdez (Tingog Siniringan Partylist).

Noong July 10 ibinasura ng Kongreso ang hiling ng ABS-CBN na ma-renew ang prangkisa ng network.

Continue reading below ↓

May 70 kongresista ang bumotong tuluyang mapasara ang ABS-CBN, 11 lamang ang pabor na mag-operate ito, at 3 ang nag-inhibit.

Dalawang buwan ang nakakaraan, noong May 6, sinabi ni Roque na "neutral" ang Palasyo sa franchise renewal ng ABS-CBN.

"The President will be neither angry nor happy. He is completely neutral," ani Roque.

Paalala pa niya sa mga kongresista, "Vote according to your conscience."

PRESIDENT DUTERTE ON DISMANTLING "OLIGARCHY" IN PH

Taliwas naman ang statement ng presidential spokesperson sa ipinakitang reaksiyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, na lubhang nagalak dahil, sabi niya, napabagsak niya ang oligarkiya sa Pilipinas.

At ni hindi raw siya nangailangang mag-deklara ng martial law.

Sinabi iyon ng Pangulo sa isang talumpati nang bisitahin niya ang mga tropa ng sundalo sa Jolo, Sulu, noong July 13, o tatlong araw lamang matapos pagkaitan ng prangkisa ang Kapamilya network.

Nang umere ang talumpati sa Radio Television Malacañang noong July 14, hindi malinaw kung kasali ang ABS-CBN sa pinapatamaan ng Pangulo na mga mayayamang pamilyang kumokontrol umano sa ekonomiya ng bansa.

Continue reading below ↓

Pero kinalaunan ay lumabas ang uncut version ng talumpati ng Pangulo.

Sinabi rito ng Pangulo: "Yun namang ABS-CBN, binaboy ako.

"Pero sinabi ko kapag ako ang nanalo, bubuwagin ko ang oligarchy ng Pilipinas. Ginawa ko.

"Without declaring martial law, sinira ko ang mga tao na humahawak sa ekonomiya at umiipit. At hindi nagbabayad.

"They take advantage sa kanilang political power."

Nabanggit din niya sa talumpati ang umano'y "lokohan ng mga titulo" kaugnay ng lupang kinatitirikang ng ABS-CBN compound sa Quezon City.

Ang titulo ng network ang siya ring ginawang isyu ng tatlong kongresista sa kanilang Zoom meeting para sabihing tama lang na i-take over ng gobyerno ang ABS-CBN.

Ganunpaman, sinabi ng Pangulo na Kongreso ang dapat sisihin sa pagpapasara ng ABS-CBN.

"Itong may isa pang ano, human right na regional, puti, sabi niya ako raw nagpasara sa ABS-CBN.

"Aba, malay ko. Ang nagpasara niyan Kongreso."

PRESIDENT'S PREVIOUS TIRADES VERSUS ABS-CBN

May ilang beses naiulat sa mga pahayagan, telebisyon, at online news sites ang pagbitiw ng maaanghang na salita ng Pangulo laban sa umano'y panloloko sa kanya ng ABS-CBN.

Continue reading below ↓

April 2017 nang unang inihayag ng Pangulo na hindi inere ng ABS-CBN ang kanyang political ads noong 2016 elections, gayong nagbayad siya ng airtime para sa mga ito.

Sa isang appearance sa Bukidnon noong August 2018, binanggit ng Pangulo ang isinusulong na franchise renewal ng ABS-CBN.

Hindi raw siya makikialam, pero kung siya lang ang masusunod, hindi niya papayagang ma-renew pa ang prangkisa ng network.

Noong December 2019, may dalawang okasyong sinabi ng Pangulo na sisiguraduhin niyang hindi mabibigyan ng prangkisa ang ABS-CBN.

"If you expect ma-renew 'yan, I'm sorry. I will see to it that you’re out," saad ng Pangulo sa kanyang speech sa Malacañang noong December 3, 2019.

Nang bumisita ang Pangulo sa Cotabato noong December 30, 2019, binanggit niya muli ang mapapasong prangkisa ng ABS-CBN.

Dito tahasang sinabi ng Pangulo na mas mabuting ibenta na lang ng mga may-ari ng ABS-CBN ang kumpanya.

THE PRESIDENT STAYS AWAY FROM ABS-CBN WOES

Nitong pagpasok ng taong 2020, dumistansiya ang Pangulo sa usaping prangkisa ng ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Noong February 24, 2020, humingi sa kanya ng dispensa si ABS-CBN President and CEO Carlo Lopez Katigbak.

Humarap si Katigbak sa pagdinig sa Senado at doon niya ipinaliwanag na hindi naiere ng network ang "PHP7 million" worth of local ads na binayaran ng noo'y Davao mayor.

Ayon kay Katigbak, limitado ang airtime slots, at dahil first-come-first-served basis ang panuntunan ng network, hindi umabot sa pag-ere ang natirang paid ads ng dating alkalde.

"We’re sorry if we offended the President. That was not the intention of the network," bahagi ng pahayag noon ni Katigbak.

Naibalik daw ng ABS-CBN sa Pangulo ang aabot sa PHP4 million worth of ads na binayaran nito.

Ang natirang PHP2.6 million ay hindi raw tinanggap ng Pangulo makaraang hindi agad ito ma-refund ng network.

Makalipas ang dalawang araw, noong February 26, 2020, inulat sa CNN Philippines na tinanggap ng Pangulo ang public apology ni Katigbak.

Tiniyak noon ni Pangulong Duterte na hindi siya makikialam sa pagtalakay ng Kongreso sa pending bills kaugnay ng franchise renewal ng ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Pero paglilinaw ng Pangulo, hindi niya hawak ang Office of the Solicitor General (OSG)—ang abogado ng gobyerno—na naghain ng petisyon para makansela ang prankisa ng ABS-CBN.

Hindi naman kapani-paniwala ito dahil ang Pangulo lamang ang namimili ng gagawing solicitor general, at kinikilalang boss ng nakaupong SolGen ang nakaupong Pangulo.

Ang petisyon ng OSG—na kumuwestiyon sa diumano'y patung-patong na violations ng ABS-CBN—ang naging basehan ng NTC para ipasara ang broadcast giant noong May 5.

May 4 nang mapaso ang prangkisa ng network.

Mula November 2016 hanggang February 2020, umabot ng 14 bills ang nai-file ng mga kongresistang humiling na mabigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN.

Pero nabasura ang mga ito nang magbotohan sa Kongreso nitong July 10, 2020.

HOT STORIES

ISSUE ON ABS-CBN'S LAND TITLE

Hindi pa pala roon nagtatapos ang kalbaryo ng ABS-CBN.

Desidido sina Marcoleta, Defensor, at Remulla na gumawa ng mga hakbang para harapin ng ABS-CBN ang diumano'y malalaking violations nito.

Continue reading below ↓

Makikita ito sa kanilang Zoom meeting noong Linggo, July 19, na tumagal ng isang oras.

Dito sinabi ni Marcoleta na dapat mabawi ng gobyerno ang lupang kinatatayuan ng ABS-CBN headquarters sa Quezon City.

Ito ay sa dahilang wala umanong mapakita ang ABS-CBN na "original title" ng property, liban sa "duplicate owner's copy" na iniharap daw ng ABS-CBN sa Congress hearings.

Ayon kay Marcoleta, kataka-taka raw na sa titulong ipinakita ng network ay hindi nagtugma ang sukat ng lugar na kinatitirakan ng ABS-CBN sa na-check daw niya sa Register of Deeds.

"Ang conclusion lamang dito, yung dala-dala nilang titulo, pinagawa lang sa Claro M. Recto, 'yan," ani Marcoleta sa Zoom meeting.

Suhestiyon niya, "i-eject" na ang ABS-CBN dahil lumalabas daw na property ng gobyerno ang ABS-CBN compound sa Mother Ignacia Street, Quezon City.

Sabi ni Marcoleta patungkol sa "takeover" ng gobyerno sa lupa ng ABS-CBN:

"Dapat makuha natin agad yun. Kasi komo yung principal nila, yung lupa, wala silang mabubuhat dun.

Continue reading below ↓

"Lahat ng improvements dun pag-aari ng gobyerno yun, sapagkat ang lupa ay sa gobyerno yun."

Ang usapin hinggil sa isyu ng land title ng ABS-CBN ay bahagi ng "findings and recommendations" na naka-attach sa resolusyon ng Kongreso noong July 10.

"WORKERS' TAKEOVER"

Ang isinusulong naman ni Defensor ay ang "workers' takover" ng ABS-CBN.

Continue reading below ↓

Dapat daw pangunahan ng ABS-CBN workers ang pag-file ng petition sa National Telecommunications Commission para sila ang magpatakbo ng network.

"Ako kasi, kaya ko inuuna yung workers' takeover, kung magkakaisa yung mga mangggagawa, ang union, ang supervisors, i-petition nila ang NTC at payagan sila— bukas, gawin na nila yung kanilang pagpapatakbo ng ABS-CBN.

"Ngayon, ang problema, yung mismong equipment, kasi hindi kanila yung equipment, sa korporasyon pa ng ABS."

Meron din solusyon si Defensor dito. Gumawa raw ng "lease to own" agreement para agad magamit ang equipment ng network.

Continue reading below ↓

PENALTY WORTH "PHP1.97 TRILLION"?

Isa pang gustong sanction ni Marcoleta laban sa ABS-CBN ay ang pagmultahin ito sa diumano'y paglabag ng network sa panuntunan ng National Telecommunications Commission (NTC).

Kaugnay ito ng pagbebenta ng digital box para sa ABS-CBN TVplus—kunsaan umeere ang ABS-CBN at ibang ABS-CBN-affiliated channels tulad ng Cine Mo!, Yey! dzMM Teleradyo, at Kapamilya Box Office.

Mahigit nine million digital box devices ang naibenta ng ABS-CBN, na ayon kay Marcoleta ay napatunayan daw na walang pahintulot ng NTC.

Aniya, "PHP200 ang multa sa bawat araw ng paglabag. E, five years and four months, kaya nung kompyutin ko, 1.97 trillion pesos."

Ipinaabot na rin daw ni Marcoleta sa NTC na kailangang pagmultahin ang ABS-CBN.

Dagdag ng kongresista, "Kinakailangan natin pilitin na magbayad sila ng multa.

"Saka na lang tayo gagawa ng batas na ang pagmumulta na yun, malaking bahagi siguro ay pangtulong natin sa mga manggagawa na naapektuhan ng kawalan nila ng prankisa."

Continue reading below ↓

"FOLLOW-THROUGH ACTION"

Sa huli, sinabi ni Remulla na kailangang mag-meeting sila uli para pag-usapan ang mga aksiyon para panagutin ang ABS-CBN.

Ayon kay Remulla: "Guys, I think we have to meet next week, yung grupo natin tsaka mga chairman ng mga committee.

"Para lahat ng follow-through action magawa natin.

"Kasi marami pa tayo nakabitin na dapat gawin, para we can do justice to our jobs. Kasi kapag hindi natin tinapos ito, sayang naman."

HOT STORIES


Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika.

Read Next
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Congressmen Mike Defensor, Rodante Marcoleta, Boying Remulla, and Dan Fernandez (counterclockwise, right) initiate moves to penalize ABS-CBN for alleged violations. President Rodrigo's (left) spokesperson says Malacañang has "no stand" on this.
PHOTO/S: Presidential Communications / Cong. Mike Defensor Facebook
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results