Nakatakdang maganap bukas, November 7, 2022, ang story conference para sa television adaptation ng Saan Nagtatago ang Pag-Ibig?, ang 1987 blockbuster movie ng Viva Films na pinangunahan nina Tonton Gutierrez, Ricky Davao, Gloria Romero, Cherie Gil, at ng Star for All Seasons na si Vilma Santos.
Sina Yassi Pressman, Ken Chan at Marco Gumabao ang mga magbibida sa television version ng Saan Nagtatago ang Pag-Ibig?
At sa mga hindi pa ipinapanganak nung ipalabas sa mga sinehan noong September 2, 1987 ang pelikula, maaari nilang panoorin sa Vivamax ang original at clear version.
Ang pelikulang ito ay pinarangalan bilang best picture sa 35th FAMAS, Film Academy of The Philippines Awards, at Star Awards for Movies noong 1988.
Magsisimula rin ngayong November ang taping ng Saan Nagtatago ang Pag-Ibig? TV remake, na comeback project ni Yassi sa kanyang dating home studio bago siya nagdesisyong lumipat sa Viva Artists Agency noong 2013.
Ito rin ang unang proyekto ni Marco, na gaya ni Yassi ay Viva artist din, sa GMA-7.
Tatlo sa cast members ng pelikula ang namayapa na—sina Alicia Vergel, Eddie Arenas at Cherie Gil, pati na ang direktor na si Eddie Garcia, na nanalo ng best director awards mula sa FAMAS at FAP Awards.
Isa pang trivia tungkol sa award-winning movie ni Vilma: Alam niyo bang si Christopher de Leon ang original choice para sa mentally-challenged character ni Val, pero tinanggihan niya ang proyekto?
Napunta ang role kay Tonton, na nanalo ng best actor trophies mula sa Catholic Mass Media Awards (CMMA), PMPC's Star Awards, at Film Academy of the Philippines (FAP)
Sa joint project na ito ng GMA-7 at Viva Television din galing ang famous movie line ni Vilma na: “Si Val, si Val, puro na lang si Val! Si Val na walang malay! Si Val na ang naging tanging kasalanan ay maging anak ng kanyang ina sa labas!"