Fake news ang mga kumalat na social-media posts na binabanggit ang Star Cinema bilang producer ng Philippine adaptation ng 2018 South Korean drama comedy movie na Keys to the Heart.
Nitong weekend, iba't ibang Facebook pages ang gumawa ng art cards para sa Keys to the Heart.
Tama ang nakalagay sa main cast.
Sina Zanjoe Marudo at Elijah Canlas ang mga bida sa Pinoy version ng blockbuster South Korean movie na ang kuwento ay tungkol sa relasyon ng isang nalaos na boksingero sa kanyang kapatid na gifted pianist.
Pero nag-react sa Cabinet Files ang mismong producer, ang Reality MM Studios ni Dondon Monteverde at ng direktor na si Erik Matti.
Nag-umpisa noong nakaraang buwan ang shooting nina Zanjoe at Elijah para sa Keys to the Heart, na tinatampukan din nina Michelle Dee, Tirso Cruz III, at Dolly De Leon.
Ang shooting ng Keys to the Heart, bukod sa pangungulila sa kanyang mga anak, ang dahilan ng pagbabalik ni Dolly sa Pilipinas matapos ang campaign tour para sa nominasyon niya sa best supporting actress category ng 95th Academy Awards dahil sa kanyang mahusay na pagganap sa Triangle of Sadness.
Tinanggap ni Dolly ang bagong proyekto ng Reality MM Studios dahil komportableng-komportable siyang magtrabaho sa movie company na nag-produce ng kanyang mga nakaraang pelikula: On The Job: The Missing 8 at Folklore.
Si Kerwin Go ang direktor ng Keys to the Heart, at isa siya sa limang direktor na protegee nina Dondon at Erik.
Ang Mina-anud na pinagbidahan nina Dennis Trillo at Jerald Napoles ang isa sa mga pelikulang ginawa ni Kerwin noong 2019 na umani ng papuri mula sa mga film critic at manonood kaya inaasahang mabibigyan niya ng hustisya at magandang bersiyon ang Tagalog adaptation ng Keys to the Heart.