Hindi na nakapagtimpi pa si Asia's Songbird Regine Velasquez na buweltahan ang mga nagpapakalat ng balita na hiwalay na sila ng asawang si Ogie Alcasid.
Martes, August 20, 2024, nang magsimulang pag-usapan sa social media ang mag-asawa dahil sa post ng isang Facebook page sa umano'y paghahain ng "divorce" ni Regine.
Gusto diumano ng singer-actress-host na mapawalang-bisa ang kasal nila ng asawa, dahil sa "pagtataksil" nito sa kanya.
Read: Ogie Alcasid, may payo sa celebrity couples na naghiwalay
Malinaw na fake news ang post ng netizen dahil hindi pa aprubado ang divorce sa Pilipinas.
Caption ng post, "Regine Velasquez Pinaasikaso na Divorce Papers nila ni Ogie Alcasid matapos ng Pagtataksil!"

Bagay na agad namang itinanggi ni Regine.
Nangyari ito sa episode ng It's Showtime ngayong Sabado, August 24, araw kung saan nag-celebrate si Ogie ng ika-57th birthday sa pamamagitan ng isang production number.
Ito'y kahit na sa August 27 pa ang kanyang mismong kaarawan.
REGINE sweet BIRTHDAY MESSAGES TO OGIE
Matapos ang espesyal na production number ni Ogie ay tinawag at pinapanhik sa stage ng kanyang co-hosts ang misis niyang si Regine at anak na si Nate, para magbigay ang mga ito ng birthday message sa kanya.

Unang nagbigay ng mensahe si Nate na sinundan naman ni Regine.
Read: Ogie Alcasid, ayaw maging showbiz ang anak na si Nate
Ayon sa Asia's Songbird, wala siyang ibang hiling kundi ang tagumpay ng kanyang mister sa lahat ng ginagawa nitong proyekto bilang producer.
Mensahe ni Regine kay Ogie: "Gusto ko lang maging successful yung ginagawa niyang project with other people, kasi as a producer siya.
"Ang prayers ko ay sana hindi siya mapagod dahil ang dami niyang ginagawa. Meron siya every day, nagpo-produce pa siya, then he continues to write songs, he continues to reinvent his song, he continues to reinvent himself.
"In this business, it's hard to be relevant, and I think my husband can do that kasi nga he's not afraid to reinvent himself.
"So honey, I'm very, very proud of you and I'm very proud of the work you do. Congratulations, mahal. I love you very much."
Read: Ogie Alcasid, ipo-produce ang reunion concert ng Streetboys
REGINE DENIES DIVORCE RUMORS
Matapos ang kanyang sweet message, hindi na nakapagtimpi pa si Regine na soplahin ang maling ispekulasyon sa relasyon nila ni Ogie.
Aniya, hindi niya mawari kung bakit ang relasyon nilang mag-asawa ang ngayo'y pinupuntirya.
Aminado si Regine na minsan ay nagkakaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ni Ogie na agad naman nilang naaayos na hindi naghihiwalay.
Saad niya: "By the way, gusto ko lang semplakin yung nagsasabi na naghiwalay kami. Maghintay ka diyan, ha. Maghintay ka.
"Kasi alam niyo, mga kaibigan, marriage is difficult. Marriage is already difficult the way it is.
"Pero meron pang mga tao na, who's trying to make it more difficult for us, hindi po yun maganda. Parang pinapanalangin niyo na magkahiwalay kami.
"Hindi po kami maghihiwalay, ever, because we love each other."
Mariin ding itinanggi ni Regine ang haka-hakang nagtaksil sa kanya si Ogie.
Depensa ng Kapamilya singer, naniniwala siyang hindi ito kayang gawin ng kanyang mister dahil kilala niya itong mabait, marespeto, at may takot sa Diyos.
Read: Ogie Alcasid on being husband to "THE" Regine Velasquez
Ramdam na ramdam din daw niya na mahal na mahal siya nito kasama ang kanilang mga anak—si Nate, maging sina Leila at Sarah, mga anak ni Ogie sa dati niyang asawa na si Michelle van Eimeren.
Read: Ogie Alcasid, Regine Velasquez reunite with Michelle van Eimeren “after 3 long years”
Ani Regine: "Our marriage is not perfect, but for me, it is really. It's not perfect, siyempre may mga issue-issue naman pero gusto ko pong sabihin na napakabait po ng asawa ko.
"Alam niyo kung paano ko alam na mabait siya, because he is God-centered. Ang focus niya ay kay God kahit marami siyang ginagawa.
"Hence, ako po yung nagbe-benefit doon kasi dahil mahal na mahal niya ang Panginoon, mabait at mabuti siyang asawa [sa akin] at tatay sa aming mga anak.
So please kung mayroon kayong makita na anything na writeups [tungkol sa paghihiwalay namin] huwag niyong paniwalaan."
Pakiusap pa ni Regine, huwag agad-agad maniniwala sa mga nakikita at nababasa online. Mas mabuti na raw na siyasatin muna kung may katotohanan ang mga nakukuhang impormasyon.
Sabi niya, "Nakikita niyo naman kami sa aming mga social media, we are very close, he's my best friend."
Ikinasal sina Ogie at Regine sa Peak, Terrazas De Punta Fuego, sa Nasugbu, Batangas, noong December 22, 2010.
OGIE: "I report po natin ito."
Samantala, bago pa man ang pagsasalita ni Regine sa It's Showtime ay nauna nang pinabulaanan ni Ogie ang kumakalat na tsismis tungkol sa kanilang relasyon.
Sa Threads noong August 21, nag-post ang singer-songwriter ng pahayag sa aniya'y mapanirang alegasyon sa kanila ni Regine.
Read: Ogie Alcasid denies marital problems with Regine Velasquez: “Wifey and I are so much in love.”
Ikinalulungkot daw ni Ogie ang ganitong mga post lalo na kung tungkol sa kanilang pagsasama ng asawang si Regine.
Sagrado raw kasi sa kanila ito, pero pilit ginagawan ng gawa-gawang istorya kahit wala naman ni katiting na katotohanan.
Buong post ni Ogie, "This post was sent to me. It is so sad that the owner would spread rumors about our marriage that is so sacred to both me and my wife and fabricate stories about our supposed separation. I report po natin ito."
Read: Ogie Alcasid shuts down fake news about his marriage to Regine
