Naglabas ng show cause order ang Korte Suprema laban kina Quezon City Fourth District Representative Jesus "Bong" Suntay at Atty. Ferdinand Topacio kaugnay ng kanilang mga pahayag tungkol sa magkapatid na Anne Curtis at Jasmine Curtis-Smith, at kay Gabriela Party-list Representative Sarah Elago.
Ngayong Miyerkules, July 8, 2026, ibinahagi ni Atty. Joji Alonso sa kanyang Facebook account ang anim na pahinang kopya ng resolusyon ng Supreme Court.
Batay sa resolusyon, itinuring ng Korte Suprema ang usapin bilang isang pormal na reklamong administratibo para sa disbarment.
Inatasan ang dalawa na magpaliwanag kung bakit hindi sila dapat patawan ng disbarment o pagtanggal ng lisensya bilang abogado.
Read: Bong Suntay found guilty of improper remarks about Anne Curtis
Ang disbarment ang pinakamabigat na parusang administratibo na maaaring ipataw sa isang abogado sa Pilipinas kapag napatunayang lumabag siya sa batas, tuntunin, o sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA).
Sa kaso nina Suntay at Topacio, na parehong mga abogado, nahaharap sila sa reklamong paglabag sa gender-based misconduct in the legal profession.
Read: Anne Curtis wraps BuyBust, eyes return to It's Showtime
Binigyan sila ng Korte Suprema ng sampung araw mula sa araw ng pagtanggap ng resolusyon para magpaliwanag.

Ang gender-based misconduct in the legal profession ay tumutukoy sa anumang asal o pag-uugali ng isang abogado na nakabatay sa kasarian o gender at lumalabag sa dignidad, karapatan, o kaligtasan ng ibang tao.
Kabilang dito ang sexual harassment, sexist remarks, misogyny, gender discrimination, at iba pang uri ng pang-aabuso batay sa kasarian.
Sa ilalim ng CPRA, inaasahang igagalang ng mga abogado ang dignidad at pagkakapantay-pantay ng lahat ng tao at iiwas sa anumang uri ng gender-based harassment o diskriminasyon.
Kaugnay nito, idiniin ng Supreme Court na ang pagiging abogado ay isang pribilehiyong may kaakibat na mataas na pamantayan ng asal at moralidad.
Inaasahan umano na ang bawat miyembro ng bar ay kumikilos nang may dignidad, maging sa publiko man o pribadong buhay.

Gayunman, ang paglalabas ng show cause order at ang pagsisimula ng administrative complaint ay hindi nangangahulugang napatunayang nagkasala na sina Suntay at Topacio.
Dadaan pa rin ang kaso sa masusing imbestigasyon at sa itinakdang proseso bago magpasya ang korte kung may pananagutan ang dalawa at kung nararapat silang patawan ng disbarment o iba pang administratibong parusa.
BONG SUNTAY's sexist REMARKS AGAINST ANNE CURTIS
Nag-ugat ang pinagsamang kaso sa pahayag ni Suntay noong March 3, kaugnay ng pangatlong impeachment complaint laban kay Vice-President Sara Duterte.
Sa nasabing pagdinig, ipinipilit ni Suntay na wala umanong sedition o political destabilization sa naging pahayag ni VP Duterte tungkol sa pagiging “designated survivor” nito.
Pagtatanggol pa ng kongresista, bahagi lamang ito ng imahinasyon ni VP Duterte at hindi dapat kasuhan.
Bilang halimbawa, ibinahagi ni Suntay ang insidente kung saan nakita niya umano si Anne sa isang hotel.
Ayon kay Suntay, dahil sa kagandahan ng aktres, naramdaman daw niyang may "nag-init" sa damdamin niya at "na-imagine kung ano ang puwedeng mangyari."
Read: Celebrities call out Bong Suntay over remarks about Anne Curtis
Ngunit depensa ng kongresista, gaya ni VP Duterte, hindi siya puwedeng kasuhan dahil “imagination” lamang umano ito.
Buong pahayag niya tungkol sa aktres: “Alam mo minsan, nasa Shangri-La ako, nakita ko si Anne Curtis, ang ganda-ganda pala niya.
"May desire sa loob ko na nag-init talaga at na-imagine ko na lang ang puwedeng mangyari.
"Siyempre hanggang imagination ko na lang yun. Siyempre, hindi ako puwedeng kasuhan dahil kung anu-ano ang na-imagine ko."
Read: Bong Suntay apologizes; insists there was no "malice intended"
Kalaunan, ikinatuwiran ni Suntay sa isang panayam na hindi totoo ang senaryong binanggit niya tungkol kay Anne.
Sa katunayan, hindi pa raw niya nakikita sa personal ang TV host-actress.
Read: Asawa ni Bong Suntay, nag-apologize kay Anne Curtis
FERDINAND TOPACIO'S REMARKS ON JASMINE CURTIS-SMITH AND SARAH ELAGO
Samantala, binanggit din sa nasabing resolusyon ang ginawang pagtatanggol ni Topacio kay Suntay sa kanyang programang Yes… Yes… Yo! Topacio noong March 5, 2026.
Giit ni Topacio, walang mali sa mga sinabi ni Suntay patungkol kay Anne.
Gayunman, sa gitna ng kanyang pagtatanggol ay pinuntirya niya ang nakababatang kapatid ni Anne na si Jasmine Curtis-Smith, na noo'y hayagang kumondena sa mga naging pahayag ng kongresista.
Read: Anne Curtis’ mother, sister condemn Rep. Suntay's lewd remarks
Pahayag ni Topacio: "Ayan yung kapatid na bumanat pa, si Jasmine Curtis na parang binabatikos daw yung kapatid niya, hindi raw tama.
"Kayong mga artista ha, yung mga ganyan, ikaw, Jasmine, bakit ka nagpo-post ng mga bikini pictures mo sa social media?
"Para ikaw ay sumikat? Huwag mong sabihing art yon. Huwag mong sabihing ini-endorse mo yung brand ng bikini o yung resort.
"Hindi kami mga ungas dito para maniwala sa iyo."
Diin pa ng abogado, likas umano sa mga lalaki ang makaramdam ng pagnanasa.
Kasunod nito ay sinabi niyang minsan na rin niyang "pinagnasaan" si Gabriela Party-list Representative Sarah Elago.
Saad niya: "Lalaki yan, e. Huwag na tayong magplastikan. Ang mga lalaki nagnanasa yan talaga.
"We are wired for that. Let's not be hypocrites.
"Ako nga dati, pinagnasaan ko rin si Sarah Elago. E, naamoy ko nung hearing namin sa DOJ.
"Magalit na kayo kung magalit sa akin. I don't care.
"Kasi talagang ako, suklam na suklam ako sa hypocrisy, kaplastikan. Kasi, I always say what I mean, and I mean what to say."
Read: Anne Curtis rejects Bong Suntay’s "non-apology"
Ang mga naturang pahayag nina Suntay at Topacio ang naging batayan ng Korte Suprema upang simulan ang pormal na administrative proceedings at pag-aralan kung lumabag ang dalawa sa mga pamantayang etikal na inaasahan sa mga miyembro ng Philippine Bar.
Dagdag pa rito, inatasan na rin ng korte ang Office of the Bar Confidant at Integrated Bar of the Philippines na magsumite ng ulat hinggil sa iba pang pending cases laban sa dalawa.
Read: Anjo Yllana appeals ruling ordering him to pay TVJ PHP3.5 million
