JERRY OLEA:
Gaganapin ang 6th The EDDYS o Entertainment Editors' Choice ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) sa Nobyembre 26, Linggo, sa Aliw Theater, CCP Complex, Pasay City.
Si Piolo Pascual pa rin ang magho-host, at si Eric Quizon pa rin ang magdidirek. Ihahatid ito ng Airtime Marketing Philippines ni Tessie Celestino-Howard, at ang delayed telecast ay sa A2Z channel.
Noong Oktubre 22 sana ang nasabing awards ceremony.
Sa inilabas na official statement ng SPEEd, sinabi ni Eugene Asis, presidente ng samahan ng mga entertainment editors sa bansa, na ipinagpaliban iyon dahil sa ilang hindi inaasahang pangyayari na hindi kontrolado ng organizer at producer. Dahil dito, minabuting ilipat ng petsa at venue ang gabi ng parangal.
Lubos na humihingi ng paumanhin ang organizer at producer ng naturang event sa mga nominees, honorees, at iba pang sangkot sa produksyon, at sa publikong nag-aabang nito.
Ang event na ito na mula sa samahan ng mga entertainment editors sa Pilipinas ay nagbibigay ng pagkilala at pagpapahalaga sa mga pelikula at personalidad na itinuturing na "best of the best" sa Philippine Cinema.
Ang EDDYS ay isang paraan din upang hikayatin, lalong pataasin ang morale, at patuloy na magbigay-inspirasyon sa Filipino filmmakers, producers, writers, actors, at iba pang kasama sa pagbuo ng matino at de kalibreng pelikula.
Read: Lalaki naagawan ng cellphone worth P10K; motor ng snatcher naitakbo ng biktima, dinala sa presinto
GORGY RULA:
Magtatapat ang mga taga-SPEEd at mga Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP) sa pamamahagi ng award.
Kung sa Aliw Theater ang Eddys, sa UP Film Institute naman ng UP Diliman, Quezon City, naman ang Gawad Urian.
Dulo't dulo, mahirap maglagare, unlike noong nakarang Agosto 13 na sabay rin ang awards ceremony ng Cinemalaya Film Festival sa PICC, at FAMAS sa Manila Hotel. Magkalapit ang dalawang venue kaya may mga nakapaglagare.
Wala pang inilabas na nominees ang Urian, pero susubukan daw nilang tapusin ngayong linggong ito para ma-release na ang mga nominees.
Read: Teacher diagnosed with "most aggressive" brain cancer four months after wedding
Samantala, sa Eddys ng SPEEd, ang Best Actress nominees ay sina Kim Chiu (Always), Max Eigenmann (12 Weeks), Janine Guttierez (Bakit ‘Di Mo Sabihin), Nadine Lustre (Greed), Heaven Peralejo (Nanahimik ang Gabi), at Rose Van Ginkel (Kitty K-7).
Ang Best Actor nominees ay sina Elijah Canlas (Blue Room), Baron Geisler (Doll House), Noel Trinidad (Family Matters), Ian Veneracion (Nanahimik ang Gabi), at JC de Vera, (Bakit ‘Di Mo Sabihin).
Ang Best Supporting Actress nominees ay sina Mylene Dizon (Family Matters), Matet de Leon (An Inconvenient Love), Althea Ruedas (Doll House), Ruby Ruiz (Ginhawa), Nikki Valdez (Family Matters).
Ang Best Supporting Actor nominees ay sina Nonie Buencamino (Family Matters), Mon Confiado (Nanahimik ang Gabi), Soliman Cruz (Blue Room), Sid Lucero (Reroute), at Dido dela Paz (Ginhawa).
Ang Best Film nominees ay ang Bakit ‘Di Mo Sabihin ng Firestarters at Viva Films, Blue Room mula sa Heaven's Best Entertainment, Eyepoppers Multimedia Service, at Fusee, Doll House ng MavX Productions, Family Matters ng CineKo Productions, at Nanahimik ang Gabi mula sa Rein Entertainment.
Ang Best Director nominees sina Marla Ancheta (Doll House), Ma-an L. Asuncion-Dagñalan (Blue Room), Real S. Florido (Bakit ‘Di Mo Sabihin), Nuel Crisostomo Naval (Family Matters), at Shugo Praico (Nanahimik ang Gabi).
Ang walong EDDYS Icon honorees ngayong taon ay sina Aga Muhlach, Richard Gomez, Gabby Concepcion, Niño Muhlach, Snooky Serna, Jaclyn Jose, Barbara Perez, at Nova Villa.
Gagawaran ng Isah V. Red Award sina Piolo Pascual, Herbert Bautista, at Coco Martin. Meron ding special awards kina Aster Amoyo, Ed de Leon, sa Viva Films, at sa MavX Productions.
NOEL FERRER:
Owwww, sabay talaga ang magiging awards ceremonies nila.
Imbes na pagkumparahin ang kalidad ng kanilang pagbibigay ng gawad, sana na lang talaga, makatulong ito sa pagbabalik ng interes ng mga tao na manood ng sine sa pelikula, at buhayin talaga ang ating industriya.
Ang sikip ng mga araw na iyan sa mga live events at concerts —November 24 & 25 ang Repeat ng 40th Anniversary Concert ni Odette Quesada na sold out na sa Samsung Performing Arts Theater.
November 25 din ang much-awaited at siguradong (Standing-Room-Only) SRO ding Regine Rocks ni Regine Velasquez-Alcasid sa SM MOA Arena.
Iyan din ang weekend bago ipalabas sa local cinemas ang Asian Persuasion nina Dante Basco at KC Concepcion, ang bagong obra ni Hayao Miyazaki na The Boy and the Heron, Shake, Rattle and Roll Extreme, at In His Mother’s Eyes nina L.A. Santos, Maricel Soriano, at Roderick Paulate.
Read: Regal, may Plan B matapos di pumasok sa MMFF 2023 ang 'Shake, Rattle & Roll Extreme'
So, aabangan natin pareho ang Eddys ng SPEED at Urian ng mga Manunuri sa November 26. All the best!!!
