JERRY OLEA
Nag-agam-agam ako noon pa man sa titulong Love. Die. Repeat. para sa unang Kapuso teleserye ni Xian Lim, kung saan katambal niya si Jennylyn Mercado.
Pakiwari ko ay may negatron vibes ang “Death” sa title.
Natigil ang taping ng nasabing teleserye noong Setyembre 2021 dahil sa pagdadalantao ng Ultimate Star. Nag-alala ako na baka mabantilawan kapagkuwan ang palabas.
Read: Love. Die. Repeat. on hold dahil sa pagbubuntis ni Jennylyn Mercado
Super-blockbuster sa MMFF 2023 ang pelikulang Rewind nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.
Iyong istorya ng Love. Die. Repeat. na nasa time loop ay rewind lang nang rewind, di ba?
Nag-pilot ang Love. Die. Repeat. noong Enero 15, 2024, katapat ang DonBelle series na Can’t Buy Me Love. Wagi ito sa ratings sa unang tatlong gabi.
Read: Kumusta ang pilot episodes ng Love. Die. Repeat. at Asawa Ng Asawa Ko?
Noong Enero 18, Huwebes, ay nakaungos ang teleserye nina Donny Pangilinan at Belle Mariano, pero nakabawi ang Love. Die. Repeat. noong Biyernes, Enero 19.
Nitong Enero 22, Lunes, ang katapat na ng Love. Die. Repeat. ay ang teleserye version ng Linlang nina Kim Chiu, Paulo Avelino, JM de Guzman, Maricel Soriano, at Anji Salvacion.
Read: Linlang: Trending scenes with quotes
Kasalpukan ng Love. Die. Repeat. ni Xian ang Linlang ng ex-girlfriend niyang si Kim. Naka-7.9% ang Love. Die. Repeat., kontra sa 8.8% ng Linlang.
Opo! Talo ang primetime shows ng Kapuso Network.
Ang Black Rider ni Ruru Madrid ay hindi nakaporma sa FPJ’s Batang Quiapo ni Coco Martin.
Kasabay ng Love. Die. Repeat. na nag-umpisa noong Enero 15 ang Asawa Ng Asawa Ko (ANAK) nina Jasmine Curtis-Smith at Rayver Cruz.
Taob ang pilot week ng ANAK sa finale week ng Senior High.
Kabog pa rin ang ANAK nang tapatan ito ng Can’t Buy Me Love noong Enero 22, Lunes.
Sa pananghalian, wagi ang Eat Bulaga! ng TV5 over Tahanang Pinakamasaya ng GMA-7.
Mabuti na lang, patuloy ang pamamayagpag ng mga panghapong programa ng Kapuso Network, sa pangunguna ng Abot-Kamay Na Pangarap, followed by Stolen Life and Makiling.
Bonggacious ang pilot ng Jose & Maria’s Bonggang Villa 2.0 nina Dingdong at Marian noong Enero 20, Sabado ng gabi. Naka-8.8% ito.
NOEL FERRER
Sabi-sabi, masuwerte ang numero 8.
Hayan ang pilot ng Jose & Maria’s Bonggang Villa 2.0 at Linlang: The Teleserye Version, parehong 8.8%!
Subaybayan natin kung patuloy na magwawagi ang Linlang over Love. Die. Repeat.
Interesting din kung ano ang kahihinatnan ng Asawa Ng Asawa Ko ngayong katapat na ito ng Can’t Buy Me Love.
Originally ay panghapon sana ang Asawa Ng Asawa Ko. Tumpak ba na sa primetime ito ipuwesto?
Maaaring slowburn ito, at eventually ay pusuan nang lubos ng televiewers.
GORGY RULA
Challenge din ito sa writers ng GMA-7 kung paano nila pagagandahin lalo ang mga kuwentong ipinapalabas sa GMA Prime.
Pang-afternoon drama ba ang forte nila?
Swak na swak kasi sa mga manonood ang mga kuwentong inilalahad ng Abot-Kamay Na Pangarap, Stolen Life, at Makiling na gumaganda lalo ang ratings.
Napag-aralan naman siguro nila kung ano ang audience ng panggabi. Kasi, pinag-usapan naman talaga itong ginawa ng Kapamilya channel sa Linlang.
Napapanood ko naman sa Netflix ang Can’t Buy Me Love, maganda ang takbo ng kuwento, kahit may mga kakornihan pa ang ilang eksena na tipong pang-Star Cinema Films ang dating.
Pero ang maganda kasi rito sa Can’t Buy Me Love, ang gagaling ng karamihan ng mga artista, lalo na sina Donny Pangilinan, Maris Racal, Agot Isidro, Anthony Jennings, na talaga namang nakakatuwa; pati sina Nova Villa at Ketchup Eusebio.
May ilang episodes na rin lately na ang galing ni Belle Mariano.
Exciting na rin ngayon dahil bumabalik si Bettina, ang karakter ni Kaila Estrada. Kasali rin si Kaila sa Linlang bilang Sylvia.
Ang napapansin ko naman sa drama ng GMA-7, nagugustuhan ng mga tao ang homegrown talents talaga ng Kapuso network na sina Barbie Forteza, Dennis Trillo, pati sina Alden Richards, Jennylyn Mercado, at higit sa lahat si Dingdong Dantes.
Pero kapag sinasamahan sila ng nanggaling sa ibang network, sumasabit na.
So far, medyo okay na yung False Postive ni Xian Lim with Glaiza de Castro dahil hindi naman natalo iyon ng katapat na programa. Puwede na rin yung Hearts on Ice nila ni Ashley Ortega.
Pero mas mataas yung expectations namin dito sa Love. Die. Repeat. nila ni Jennylyn. Hindi kaya parang nabantilawan ito dahil alam ng mga taong sinimulan nila ito tatlong taon na ang nakararaan?
Pero ang wala pa talagang napatunayang nag-hit na drama series sa GMA-7 ay sina Bea Alonzo at Jasmine Curtis-Smith. Baka hindi pa rin sanay ang mga taong napapanood sila sa Kapuso network.
Samantala, okay na rin yung pilot episode ng Jose & Maria’s Bonggang Villa nina Dingdong at Marian.
Pero after the super success of Rewind, inaasahang mas bobongga pa ito. Sana tumaas pa lalo, dahil comedy naman talaga ang isa sa forte ng GMA-7.
Kaya nga siguro mas gumanda ang takbo ng career ni Pokwang na galing din ng ABS-CBN.
Ngayon ay inaabangan naman itong Season 2 ng Walang Matigas na Pulis Sa Matinik na Misis ni Senator Bong Revilla Jr. dahil ang ganda ng trailer at ang kaibahan nito, mas matindi ang action scenes.
Inaasahan naming mas tataasan nito o kahit pantayan man lang magandang record ni Senator Bong sa Agimat at ang season one ng sitcom ni Tolome!
