Nagpahayag ng inggit ang aktres na si Kim Chiu sa mga bansang nagawang makontrol ang COVID-19 pandemic dahil sa mahusay na pamumuno ng lider ng mga ito.
Ramdam ito sa komento ng 30-year-old Kapamilya actress sa isang artikulo ng Forbes magazine tungkol sa epektibong coronavirus response ng kababaihang world leaders.
Ibinahagi ni Kim ang screenshot ng article sa kanyang Instagram Stories ngayong Martes, July 28.
Ang artikulo ay may titulong “What Do Countries With The Best Coronavirus Responses Have In Common? Women Leaders.”
Mababasa rito ang seryoso, maagap, matalino, at makabagong paraan na ginawa ng kababaihang leaders upang makontrol ang pandemic sa kani-kanilang bansa.
Sa katunayan, tatlo sa pitong bansang itinampok sa artikulo ay hindi pa umabot sa sampu ang naitalang nasawi sa COVID-19.
Pinuri ng Forbes article ang estratehiya kontra pandemic nina Chancellor Angela Merkel ng Germany, Taiwan President Tsai Ing-wen, New Zealand Prime Minister Jacinda Ardern, Iceland Prime Minister Katrín Jakobsdóttir, Finland Prime Minister Sanna Marin, Norwegian Prime Minister Erna Solberg, at Prime Minister Mette Frederiksen ng Denmark.
#SONAALL
Malinaw na naikumpara ni Kim ang COVID-19 response ng mga nabanggit na bansa sa pagtugon ng ating gobyerno sa pandemic.
Napa-“#SonaAll,” kasi si Kim sa caption ng post niyang ito.
“Sana all” ang ibig ipakahulugan ng aktres; sana raw lahat ng bansa ay nagtatagumpay na makontrol ang pandemic.
Sinadya niyang palitan ng “Sona” ang “Sana” upang tukuyin ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, July 27.
Ilang araw bago ang SONA, iniulat ng Malacañang na ilalatag ng Presidente sa SONA nito ang recovery plan ng bansa kaugnay ng pandemya.
Pero marami ang nakulangan sa mga naging pahayag ng Pangulo sa SONA tungkol sa kinakaharap nating health crisis.
A TAXPAYER’S OPINION
Sa caption, hiniling ni Kim na maging prayoridad sa bansa ang kapakanan ng taumbayan, anuman ang estado nito sa buhay.
Sana raw, ayon sa aktres, ay interes ng publiko ang unahin bago ang “sariling agenda.”
Mababasa sa caption ni Kim: (published as is): “#SonaAll welfare ng tao ang iniisip mahirap man, middle class man or mayaman man. [pensive face emoji]
“mga tao muna bago ang sariling agenda. [pensive face emoji]”
Naging maagap naman si Kim sa pagpapaliwanag sa inaasahan niyang magkokomento ng negatibo sa post niyang ito.
Sinabi lang daw niya ang kanyang opinyon bilang taxpayer na “nalulungkot” sa mga nangyayari sa bansa sa nakalipas na mga buwan.
“Hep! Before kayo mag bad comment, this is just my opinion as a TAX payer and isang mamamayan na nalulungkot sa nangyayari sa ating bayan,” ani Kim.
Bukod sa COVID-19 pandemic, ang tinukoy ni Kim ay ang pagpapasara sa broadcasting unit ng kanyang home network, ang ABS-CBN, noong May 5.
Matapos kasing mapagkaitan ng Kamara ng prangkisa, napilitan ang network na magtanggal ng libu-libong empleyado nito.
Ito ay sa kabila ng milyun-milyong Pilipino na ang walang trabaho ngayong may pandemic.
KIM WANTS TO PRIORITIZE EDUCATION, HEALTH
Dagdag ni Kim, napakaraming kailangang bayarang buwis sa Pilipinas, tulad ng ITR o income tax return.
Sana raw, ayon sa aktres, nakakapili ang taxpayer kung aling sektor ang popondohan ng perang ibinabayad nito sa gobyerno.
Kung uubrang gawin ito, sinabi ni Kim na direkta niyang ilalaan sa education at health funds ang kanyang tax.
“Bayaran na nanaman ng Monthly tax, ITR and more.
“Sana may option kung saan mo ilalagay ang ibabayad mo.
“If I have a choice, EDUCATION AND HEALTH fund. Kung may ganun man,” mababasa pa sa caption ni Kim.

COVID-19 CRISIS IN THE PHILIPPINES
Sa kasalukuyan, patuloy na lumolobo ang bilang ng COVID-19 cases sa bansa.
Nagsimulang dumami ang nagpopositibo sa virus nang bahagyang magluwag sa quarantine restrictions ang gobyerno nitong June.
As of July 28, pumalo na sa 83,673 ang tinamaan ng coronavirus sa Pilipinas, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa bilang na ito, 26,617 ang gumaling, habang 1,947 na ang nasawi.
Sa nakalipas na mga araw, laman ng mga balita ang kaawa-awang sitwasyon ng mga taga-probinsiya at mga nagsiuwing overseas Filipino workers (OFWs) na stranded sa Metro Manila.
Kung pagbabatayan ito, mahihinuhang walang malinaw na sistema ang gobyerno sa pagbibiyahe sa kanila.
Una nang nabahiran ng kontrobersiya at nababatikos ang pagpapatupad ng Philippine National Police (PNP) sa quarantine protocols sa bansa.
Bukod dito, marami ang pumupuna sa pagbibigay-atensiyon ng pamahalaan sa ibang usapin, sa halip na tutukan ang pandemya.
Ang mga halimbawa nito ay ang pagpapasara sa ABS-CBN, pagsasabatas sa kontrobersiyal na Anti-Terrorism Act of 2020, pagbuhay sa issue ng Charter Change o pagre-revise sa 1987 Constitution, at pagbabalik sa death penalty para sa matitinding drug cases.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
