Mariing itinanggi ni AJ Raval na nagkaroon sila ng relasyon ni Diego Loyzaga, ang nobyo ng Kapamilya actress na si Barbie Imperial.
Sa panayam ni Anna Pingol ng pikapika.ph na lumabas noong December 4, Sabado, pinabulaanan ni AJ ang mga paratang na nagkaroon sila ng sabay na relasyon ni Barbie kay Diego.
Napanood na rin daw niya ang panayam ni Boy Abunda kay Barbie noong November 28 kung saan may mga pinakawalang rebelasyon ang Kapamilya actress tungkol sa kanya.
Saad ni AJ, “Pinapanood po sa akin ng personal assistant ko kasi po wala na po akong update sa social media.
"Nag-detox po talaga ako ngayon kaya hindi ko po alam yung mga nangyayari. Tapos pinapanood lang sa akin yung video.
“Nung oras po na yun, parang nagtaka rin po ako saan po galing yung ganung issue. Hindi naman din po ako nagalit.
"Parang wala lang po. Wala po akong reaction.
“Tapos parang gusto din po niya akong magsalita. Para saan po? Parang ganun.
"Alam naman po nilang dalawa na hindi totoo yun.”
“NEVER PO NANLIGAW SI DIEGO”
Sa panayam ni Boy kay Barbie, hinamon ng Kapamilya actress na magsalita ang Viva star tungkol sa isyung ikinakabit sa kanya at sa nobyo ni Barbie na si Diego.
Pasaring ni Barbie kay AJ: “Kasi andami ko na ring naririnig, pero hindi ko na kinakaya na.
“Alam mo na ganoon ang lumalabas na isyu, bakit hindi na ikaw mismo ang magpatahimik?
“Alam mo naman na hindi ka gusto ng boyfriend ko.
“Ang tagal ko nang nananahimik, yung boyfriend ko na yung kawawa, na pinagbibintangan na ano, nagtsi-cheat sa akin.”
Pero para kay AJ, wala siyang dapat linawin dahil walang katotohanan ang paratang sa kanya.
Aniya: “I think my peace of mind comes from the fact that I did nothing wrong.”
Sa interview ni Boy kay Barbie, tahasang sinabi ng aktres na magkasabwat si AJ at ang social media personality at self-proclaimed lalaking Marites (tsismoso) na si Xian Gaza sa pagpapakalat ng tsismis tungkol kina Barbie at Diego.
Nag-ugat ang isyu sa blind item ni Xian tungkol sa social media couple na naghiwalay dahil umano sa isang “Star Magic artist.”
Hinulaan ng netizens na sina Alodia Gosiengfiao at Wil Dasovich ang social media couple, at si Barbie ang pinagbibintangang “Star Magic artist” sa blind item.
May post din si Xian na inakusahan si Diego na pinuntahan umano si AJ sa Pampanga, habang naghihintay sa kanya si Barbie sa Manila.
May pruweba rin umano si Barbie na pakana nina AJ at Xian ang paggawa ng isyu.
Paratang ni Barbie: “And I heard. I have a proof na AJ and Xian Gaza are friends, and they really talk about… she feeds him mga info, na mga chismis…
“So, parang [sa] akin, ‘O, gusto mo pala ‘to,’ parang ganoon.”
Pero ayon kay AJ, haka-haka lamang ito at walang katotohanan.
Diin ng Taya star: “Hindi ko po alam. Wala po akong idea sa'n po galing yun kasi ba’t naman ako magpi-feed kay Xian ng tungkol sa akin, e, di parang pinahamak ko po yung sarili ko?”
Muling inungkat ni Anna kay AJ ang tungkol sa intrigang niligawan umano siya ni Diego.
Pagtanggi ni AJ: “Si Diego po, hindi po, never po nanligaw si Diego sa akin.
"Wala po kaming naging relationship ni Diego.
"One time ko lang po siyang nakasama, sa set pa po ng Death of a Girlfriend. Ayun lang po.
“Hindi po totoo na pumunta siya ng Pampanga. Last kita ko pa po sa kanya sa set pa ng Death of a Girlfriend.
“Sa totoo lang, wala po akong contact sa kanila... kay Diego. Hindi po kami nag-uusap.
"Parang one year ago huling usap ko po kina Barbie at saka isang beses ko lang din po nakita si Barbie. Parang 'Hi, hello' lang po. So, wala po talaga kaming connection.”
“LAST STATEMENT”
Ibinahagi ni AJ ang artikulo sa kanyang verified Facebook account noon ding araw na yun.
Sabi niya, iyon na ang huling pagkakataong magsalita siya sa isyu.
Buong caption niya: “Last statement about all the issue, I’ll stop clearing my name in front of these people who spread false rumors and lies, it’s a waste of time. just let people think what ever they want to think. I don’t have to win every situation to prove my worth. [heart emoji]”
Nauugnay ngayon si AJ kay Aljur Abrenica ngunit tahimik ang magkabilang kampo sa progreso ng kanilang relasyon.
