Hindi lamang si Eddie Gutierrez ang nagbigay ng madamdaming parangal para kay Susan Roces sa ika-apat na gabi ng lamay para sa yumaong Queen of Philippine Movies nitong Martes, May 24, 2022.
Read: Eddie Gutierrez tears up in eulogy for perennial leading lady Susan Roces
Sinariwa rin nina Maricel Soriano, Eric Quizon, Roderick Paulate, at Helen Gamboa sa kanilang eulogy ang mga hindi makakalimutang karanasan at mga aral na natutunan nila mula sa 80-year-old actress na sumakabilang-buhay noong May 20, 2022.
Read: Senator Grace Poe on passing of mother Susan Roces: “Nabigla rin kami.”
Ang mga anekdota nina Eddie at Helen tungkol kay Susan ang nagpaluha kina Pops Fernandez, Ruffa Gutierrez, Annabelle Rama, at sa halos lahat ng mga taong nagpunta sa Heritage Park kagabi para magbigay ng huling respeto sa namayapang beteranang aktres.
Nakiramay rin sa mga naulila ni Susan sina president-elect Bongbong Marcos at ang misis nito, si incoming First Lady Liza Araneta-Marcos.
Si Pops ang umawit ng "Wind Beneath My Wings" at si Ciara Sotto ang kumanta ng "Memory" bilang tribute kay Susan.
Pops Fernandez (left) and Ciara Sotto
MARICEL SORIANO
Unang nakilala ni Maricel Soriano si Susan nang magkasama sila sa Inday, Inday sa Balitaw, ang 1986 movie ng Regal Films.
Naging panauhin din niya ang veteran actress sa kanyang drama anthology sa ABS-CBN na The Maricel Drama Special (1989-1997).
Pero lumalim ang kanilang relasyon sa set ng John En Shirley, ang sitcom ng ABS-CBN noong 2006.
Lahad ni Maricel, “Na-bless na naman ako na makasama si Tita Susan sa Maricel Drama Special at pinaunlakan niya kami kaya pinuntahan ko siya kasi may munti kaming regalo para sa kanya.
“Naku, ang pagkakahindi dun sa regalo, ganoon na lang. Nakita ko kung gaano ka-humble si Tita Susan. Napaka-humble na tao.
"Wala akong masabi sa kanya kundi saludo ako. Bow ako dahil ibang klase talagang babae," bahagi ng kuwento ni Maricel.
Hindi raw nakakalimutan ng Diamond Star ang mga pangaral sa kanya ni Susan sa John En Shirley.
“Ang sabi niya sa akin, ‘Marya, ito ang tandaan mo. Kapag may humuhusgang tao sa 'yo, tahimik ka lang. Huwag ka nang magsasalita kasi ang Diyos na ang magdedepensa para sa 'yo. Tandaan mo ‘yan, ha?
“'Marya, alam mo ba na pareho tayo ng mama? Ang mama ko, isa lang din ang mata kagaya ng mama mo, si Linda.
“'Pareho nga tayong dalawa kaya tatandaan mo, palagi kang magtitira para sa sarili mo. Tandaan mo ‘yang sinabi ko na ‘yan.'
“Sabi ko, 'Hindi ko po makakalimutan ‘yan, Tita, dahil sinasabi ho ‘yan sa akin ng nanay ko palagi.'"
Mensahe pa ni Maricel: "Tita Susan, maraming-maraming salamat po sa pagyakap at sa pagmamahal. Maraming salamat, mahal na mahal na mahal kita Tita Susan."
ERIC QUIZON
Mapalad ang pakiramdam ni Eric Quizon dahil isa siya sa mga huling nakatrabaho ni Susan noong February 2022 sa event ng Philippine Postal Corporation.
Si Susan ang isa sa Living Legends na pinarangalan ng PhilPost sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang larawan sa selyo at si Eric ang direktor ng programa.
Ang kanyang ama, ang yumaong Comedy King na si Dolphy, ang naalaala ni Eric nang magkita at mag-usap sila noon ni Susan.
Kuwento ng actor-director, “'How are you, Tita? I haven’t seen you in a while, how are you?'
“And then she said, ‘I’m okay, but most of the time, I’m not.’
“I remember when I visited my dad before yung ordeal niya sa Makati Medical Center, it’s the same question I asked my dad. 'How are you dad?' And my dad said, 'I’m okay but I’m not.’
“And then after twenty minutes, in-intubate na namin siya."
Dagdag ni Eric tungkol kay Susan, “I’m very lucky na nakasama ko siya in her last project, her last event.”
May fun fact din si Eric tungkol sa veteran actress.
“Marami ang hindi nakakaalam na ang totoo talagang pangalan ni Tita Susan, Maria Teresa. In short, Marites,” pabirong sabi niya.
“Si Tita Susan po, siguro parang siya po talaga yung original Marites kasi ganito po ‘yan, six o'clock pa lang ng umaga, tatawag na ‘yan kay Dolor [Guevarra, Eric and Susan’s manager].
“'Dolor, anong latest? Dolor, anong bagong balita? Dolor, sino yung blind item ni Ricky Lo? Dolor, sino na naman itong naghiwalay?'"
RODERICK PAULATE
Ayon kay Roderick Paulate, natuto siyang maging mabuti sa kapwa dahil sa kabutihang ipinakita at ipinaramdam sa kanya ni Susan sa set ng Bandana, ang pelikulang pinagsamahan nila noong 1968.
Inilahad ni Roderick na nakita ni Susan ang kalungkutan niya matapos makipaglaro ng badminton sa mga kapwa bata dahil sa pagbawi sa badminton racket na ipinahiram sa kanya.
Salaysay ng aktor, “Paglingon ko, si Tita Swanie nakaupo sa isang bonbon [chair]. Ngumiti lang siya sa akin, ‘O, tapos ka nang maglaro?'
"Nag-take muna kami after that nag-lunch break. Basta ang naalaala ko lang po na sinabi ni Tita Swanie, 'Direk, mabilis lang kami.'
“'Tapos, dinala niya ako, isinakay niya ako sa beige Mercedes Benz, dinala niya po ako sa Arcega’s.
“Ibinili ako ni Tita Swanie ng laruan. Hindi ko na nakalimutan yun,” pagbabalik-tanaw ni Roderick sa isang mahalagang parte ng buhay niya.
Dagdag niya, “Talagang napakaimportante po na kung ano yung ginawa ng isang matanda at nakita ng bata, hindi po makakalimutan, kasi dun po ako natuto ng kindness.
“Ipinakita ni Tita Swanie na itong mundong pinasok mo, kahit bata ka pa, may mga mabubuting tao dito.
"Dun po ako nakakita ng ehemplo na okay naman po. Bagong mundo, pero Mamang [Roderick’s mother], mababait pala ang tao dito sa showbiz. May mga mababait na nagreregalo saka inaalagaan ka.
"At si Tita Swanie po, malaki yung impact sa akin.
“Dala-dala ko po ngayon ang pagiging kind. As much as possible, it’s not easy, but I try to be kind kahit sino ang makaharap ko mula sa itaas ng producer hanggang ibaba.
“‘Yan po ang natutunan ko, learnings ko, lessons ko from the veteran actresses, especially si Tita Swanie.”
HELEN GAMBOA
Tumibay ang pagkakaibigan nina Susan at Helen Gamboa sa set ng Walang Hanggan, ang primetime drama series ng ABS-CBN noong 2012, kaya ang mga pangalan ng kanilang karakter ang tawag nila sa isa’t isa—Margaret (Helen) at Henya (Susan).
Kuwento ni Helen, “In between takes, she would ask me to take naps with her. 'Halika, Margaret, tabi tayo. Ang laki naman ng kama.'
"We would then talk about anything and everything hanggang hindi na kami makatulog dahil sa kuwentuhan namin.
“Ate Sue, how I miss you. I miss her already. I miss her gentleness, kindness, and graciousness.
"I miss her contagious laughter. Natatawa ako lalo whenever I hear her laugh...” umiiyak na sabi ni Helen, na inihingi ng paumanhin ang kanyang pagluha.
Mensahe pa niya sa namayapang kaibigan at kasamahan sa industriya: “For one… more than a year, I think we were together three times a week.
“I love you, Ate Sue, salamat at naging malapit na magkaibigan tayo.
"Ibabalik ko sa 'yo ang palagi mong sinasabi sa akin, isang mahigpit na yakap para sa 'yo, Ate Henya.
"I will forever treasure our friendship. I love you, Ate Sue."
Related Stories
- Queen of Philippine Movies Susan Roces dies
- Alex Gonzaga, Kim Chiu, Bela Padilla, Bianca Gonzalez mourn death of Susan Roces
- Vilma, Maricel, Lorna, Judy Ann, Ai-Ai pay tribute to fellow queen Susan Roces
- Lovi Poe nagparating ng pakikiramay sa pagpanaw ni Susan Roces
- Rosemarie Sonora, hindi makakauwi para sa burol at libing ng kapatid na si Susan Roces
- Mga ARTISTA at iba pang KILALANG TAO sa unang gabi ng BUROL ni SUSAN ROCES
- Boots Anson Roa-Rodrigo likens passing of Susan Roces to movie queen's "French leaves" at events
- Senator Grace Poe on passing of mother Susan Roces: “Nabigla rin kami.”
- Julia Montes vows to remember life lessons from Queen of Philippine Movies Susan Roces
- Ang Probinsyano cast and crew, nagbigay-pugay sa Queen of Philippine Movies na si Susan Roces
- Sheryl Cruz, daughter Ashley pay tribute to Susan Roces
- Coco Martin recalls fond memories with late Queen of Philippine Movies Susan Roces
- Mga labi ni Susan Roces, ililibing sa tabi ng puntod ni FPJ sa Manila North Cemetery
- Pepe Herrera posts emotional tribute to late movie queen Susan Roces
- Eddie Gutierrez tears up in eulogy for perennial leading lady Susan Roces
- Maricel Soriano, Eric Quizon, Roderick Paulate, Helen Gamboa honor the late Susan Roces
- Sheryl Cruz, ibinahagi ang mga huling sandali ng tita niyang si Susan Roces sa ospital
- Senator Grace Poe recalls most memorable real-life lines from late mom Susan Roces
- Sheryl Cruz, nag-record ng sariling eulogy para sa kanyang Auntie Susan Roces
- Brian Poe-Llamanzares inalala ang mga payo ng kanyang Lola Susan Roces