Maayos na nga ang kung anumang sigalot na namagitan sa mag-inang Annabelle Rama at Ruffa Gutierrez at kay Gretchen Barretto.
Patunay nito ang pagbabahagi ni Ruffa sa Facebook ngayong Huwebes, November 3, 2022, ng video ng birthday message ni Gretchen kay Annabelle.
Si Annabelle ay nagdiwang ng kanyang ika-70 kaarawan noong October 31, 2022.
Bago ito ay nagkaroon siya ng magarbong party sa isang exclusive events place noong October 26.
Sa nasabing okasyon, nagpalabas ng VTR kung saan binati ng mga kilalang personalidad si Annabelle sa kaarawan nito. Kabilang sa mga bumati sa celebrity mom/talent manager ay si Gretchen.
Pero maiksing bahagi lang ang naipakita sa mensahe ni Gretchen kaya naman ibinahagi ni Ruffa ang buong mensahe nito sa kanyang Facebook account.
Buong mensahe ni Gretchen: “Hi Tita Annabelle. I just want to say thank you for all the years that we spent together, especially my growing up years, my teenage years, my very critical years.
“And I will never forget those times you will come to my home whenever I had scandals, when I had any bad publicity or anything that would really cause me sadness, you're always there.
“I will never forget the kindness that you have shown. I just want to say I celebrate your birthday with you even if I’m not there at your party.
“I want you to know that you are always in my thoughts and in my heart. Thank you.”
Caption ni Ruffa, “Full video of La Greta Gretchen Barretto’s greetings for Mom’s milestone birthday. We love you and miss you, Greta!”
THE RIFT IN 2019
Nagkaroon ng patutsadahan sa pagitan nina Ruffa, Annabelle, at Gretchen noong October 2019 dahil kay Julia Barretto.
Si Julia ay anak ng nakababatang kapatid ni Gretchen na si Marjorie Barretto.
October 23, 2019, ibinahagi ni Gretchen sa kanyang Instagram Stories (IG Stories) ang screenshot ng larawan ni Julia na nai-post ng nakababatang Barretto noong araw na iyon.
Nakalagay sa caption ni Julia: “Goodmorning selfies.”
Isa sa mga nagkomento sa post na ito ni Julia ay si Ruffa.
Mensahe ng actress-beauty queen: "Freshhhhhh (starstruck emojis)"

Hindi nakaligtas ang komentong ito ni Ruffa sa paningin ni Gretchen.
Sa post ni Gretchen sa kanyang IG Stories, binilugan niya ng pula ang komento ni Ruffa.
Pinasaringan pa ni Gretchen si Ruffa na nakikisawsaw umano.
Mensahe ni Gretchen: “sawsaw pa more
“Ruffy!! take it take it
“WOW!!”

Read: Gretchen Barretto throws shade at Ruffa Gutierrez over comment on Julia's IG post
Makalipas ang ilang minuto, nag-post naman si Ruffa ng cryptic message sa kanyang Instagram account, kalakip ang glamorosa niyang larawan.
Mensahe niya: “The next time they try to put you down, just remember that confidence is silent but insecurities are loud AF.”
Sinamahan niya ito ng glowing star at sparkle emojis, na may hashtags na “#HappyLife #HappyGirl #PositiveVibes”
Base sa comments section, tila alam ng mga kaibigan at followers ni Ruffa ang tungkol sa “Freshhhhhh” comment niya sa post ni Julia.
May ilan kasi sa kanila ang nagkomento ng kahalintulad na salita.
Pinayuhan naman si Ruffa ng kanyang ina na si Annabelle na huwag nang pumatol dahil nagsasayang lamang daw siya ng kanyang “precious time.”
Payo pa ni Annabelle sa panganay na anak, “Tama, huwag mo na patulan ‘yan.
"Don’t waste your precious time! Basta mahal ka namin ng family mo, ‘yon ang importante!”
Tugon ni Ruffa sa ina, “@annabelleramaig is this really you mother dear? I love you too awwww? THANK YOU. #family"
Hindi lingid sa karamihan ang away-bati na relasyon ni Ruffa sa kanyang inang si Annabelle.
Ngunit, nagkakabati naman sila kalaunan.
Sa kabilang banda, matagal nang may alitan ang Barretto family, partikular na ang magkakapatid na sina Gretchen, Marjorie, at Claudine.
Para sa mga sumusubaybay sa away ng pamilya Barretto, ikinagulat ng marami na biglang idinamay ni Gretchen sa eksena si Ruffa sa post nito sa kanyang Instagram Stories (IG Stories) noong October 23, 2019.
Ito ay bunsod ng komentong "freshhhhhh" ni Ruffa sa selfie post ni Julia, anak ni Marjorie, na parehong kagalit noon nina Gretchen at Claudine.
Dahil sa pagtawag ni Gretchen kay Ruffa na “sawsawera,” ipinagtanggol ni Annabelle ang anak.
Read: Ruffa Gutierrez denies mocking Gretchen Barretto on IG post about family
ANNABELLE TO GRETCHEN: "KAWAWA KA NAMAN..."
Pagkatapos sabihan ni Annabelle ang anak na si Ruffa na huwag pansinin ang patutsada ni Gretchen, mismong ang Gutierrez matriarch ang bumuwelta kay Gretchen.
Hindi napigilan ni Annabelle ang sarili na idepensa si Ruffa dahil sa pagdawit ni Gretchen sa kanyang panganay at kaisa-isang anak na babae sa sumisiklab na away ng pamilya Barretto.
Sa kanyang Instagram account kinagabihan ng October 23, 2019, binuweltahan ni Annabelle si Gretchen kaugnay ng patutsada nito kay Ruffa.
Kalakip ang larawan ng Annabelle doll mula sa horror film na The Conjuring (2013), nagparinig si Annabelle tungkol sa isang tao na wala na diumanong kakampi, na isinusumpa na ng buong mundo.
Bahagi ng caption ni Annabelle sa hindi pinangalanang tao: “Kawawa ka naman. Halos wala ka ng kakampi. Halos buong mundo, isinusumpa ka.”
Sa sumunod niyang pahayag, malinaw na si Gretchen ang pinatatamaan ni Annabelle dahil binanggit niya rito ang "comment ng anak ko" na dahilan ng pagwawala ng taong tinutukoy niya.
Mensahe ni Annabelle: “Nananahimik kami, bakit galit ka sa comment ng anak ko, masama bang magcomment ng positive?
"Bakit ka ba nagwawala, hindi naman tungkol sa’yo ang comment?!"
Dagdag pa ni Annabelle, dapat magalit si Gretchen sa mga taong nag-upload ng larawan nila ng “boyfriend” nito mula sa airport hanggang sa eroplano.
Tugma namang nag-viral noong October 22, 2019 ang lumang larawan ni Gretchen at ang diumano’y karelasyon nitong negosyanteng si Atong Ang na kuha sa loob ng eroplano, kung saan magka-holding hands sila habang natutulog.
Read: Gretchen Barretto speaks up about viral photo with Atong Ang
Saad pa ni Annabelle: “Dapat kang magalit sa mga nagpost ng pictures n’yong dalawa ng boyfriend mo na nasa airport kayo hanggang sa airplane.
“Ayaw kong pahabain pa itong sagot ko sa’yo. Magbasa ka na lang ng bad comments ng netizens about you at doon ka mag-react!”

Binura ni Annabelle ang kanyang post makalipas ang ilang segundo.
Read: Annabelle Rama hits back at Gretchen Barretto for calling Ruffa Gutierrez "sawsawera"
Ngunit may ilang netizens na ang naka-screenshot ng kanyang post at ibinahagi sa social media.
THE RECONCILIATION
Pero agad ding naayos ang gusot sa pagitan ng dalawang kampo.
Patunay nito ang video na nakunan ng entertainment columnist na si Jun Lalin ng aksidenteng pagkikita nina Annabelle at Gretchen sa isang restaurant noong December 2019.
Kasama ni Annabelle noon ang mister niyang si Eddie Gutierrez, ang Regal matriarch na si Lily Monteverde, at si Jun.
Doon ay nagkapaliwanagan at nagkapatawaran ang magkabilang panig.
1994 MANILA FILM FEST SCANDAL
Halos magkakontemporaryo sina Gretchen, 52, at Ruffa, 48, na pumasok sa showbiz noong 1980s.
Nasangkot ang dalawa sa itinuturing na isa sa pinakamalaking eskandalo sa Philippine showbiz—ang 1994 Manila Film Festival scandal.
Sa awards night noong June 1994, minanipula ng talent manager na si Lolit Solis ang resulta ng Best Actor at Best Actress categories.
Sa halip na si Aiko Melendez ang nanalo sa Best Actress category, si Ruffa ang binasa ng presentor na si Miss Mauritius 1993 Viveka Babajee.
Kasama ni Viveka na nag-present ng award ang kapatid ni Ruffa na si Rocky Gutierrez at si Gretchen, na kitang-kita sa camera ang pagkagulat nang ibang winner ang inanunsiyo.
Sa Best Actor naman, imbes na si Edu Manzano ay si Gabby Concepcion ang idineklarang nanalo.
Prized talent noon ni Lolit si Gabby.
Nagkaroon ng imbestigasyon sa nangyaring scam, at naging star witness pa si Gretchen.
Kalaunan, isinoli nina Ruffa at Gabby ang kanilang awards.
Read: Manila Film Festival 1994: The Scandal that Rocked Showbiz
