PEP Ka-Loveteam Quiz Banner
×

Perla Bautista on Inactive Peers

Perla Bautista reveals conversations with Caridad Sanzhez
by Jerry Olea
Published May 10, 2023
perla bautista veteran actress
Perla Bautista: “Ganun pala pag tumatanda. Bumabalik lahat iyung mga ginagawa mo, mga kanta ko noong araw, noong mga ‘50s. Meron nga akong kanta na pag kinanta ko ngayon, baka makulong ako… kinakanta ko yun. E, bata e! Bata kang ganun, puro kalokohan ang kanta namin… panay kalokohan, bumabalik sa akin!”
PHOTO/S: Jerry Olea

Pagkatapos ng lockdown, titigil na sana sa pag-aartista ang veteran actress na si Perla Bautista.

“Eighty-three [83] years old na ho ako, puwede nang mag-retire,” sambit ng aktres sa storycon ng pelikulang Lola Magdalena noong Abril 30, 2023, Linggo, sa Max’s-Sct. Tuason, Quezon City.

“Pero may magic word na sinabi ho sa akin si Dennis, e. Si Direk. Kaya napa-oo na ho ako. Balik na ho ako uli, nagtatrabaho na uli ako.

“Humihinga pa naman, e, hindi pa ano. Kaya pa naman siguro, ‘no?”

Ang "Dennis" na tinutukoy ni Perla ay ang scriptwriter at line producer ng Lola Magdalena na si Dennis Evangelista. Ang direktor ng pelikula ay ang 68-anyos na si Joel Lamangan.

Ang papel dito ni Perla ay conservative na pokpok, at gumanap na kasamahan niya sa trabaho sina Gloria Diaz, Liza Lorena, Pia Moran, at Sunshine Cruz.

Love interest niya sa movie ang 87-anyos na si Joonee Gamboa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

CONTEMPORARIES

Maraming kasabayan si Perla na tumigil na sa pag-aartista. May mga yumao na, at ang iba ay nag-deteriorate ang kalusugan.

“Naisip ko na rin yan. E, pag tumigil naman ako, baka mag-deteriorate daw ako, sabi ng mga kaibigan ko,” saad ng octogenarian actress.

“Madadali daw ang ano ko. Kaya lang, huwag lang masyadong magpagod. Pero kaya pa rin!”

Nakukumusta ba niya ang mga kaedarang artista niya, partikular sina Gloria Romero at Caridad Sanchez?

Tumango si Perla, “Oo, nakukumusta ko sila. Meron kaming samahan, e. Meron kaming grupo. Doon nagkukumustahan kami.

“Si Glo, meron kaming event na magkikita kami muli.

“Kaya lang, marami rin sa amin ang nalagas na, sa aming Balik Samahan. Gloria Sevilla, namatay sa Amerika.”

Ano ang nararamdaman niya sa ganoong pangyayari, na ang iba ay nanahimik na, pero siya ay kaya pang magtrabaho?

“Laban lang, awa ng Diyos, kapit lang sa Itaas. Iyun lang naman ang panlaban ko, e,” mabining saad ni Perla.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Pag may medyo masama akong nararamdaman, dasal lang. Dasal lang.”

LAST LEAD ROLE IN MOVIES

Ang huling pelikulang pinagbidahan ni Perla ay ang Cinemalaya 2018 entry na Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon (Waiting for Sunset), sa direksiyon ni Carlo Enciso Catu.

Ang leading men niya roon ay sina Menggie Cobarrubias at Dante Rivero.

Read: Veteran actress Perla Bautista wishes her Cinemalaya 2018 film entry will win Best Picture award

Si Menggie ang unang artista sa local showbiz na pumanaw dahil sa COVID-19. Namatay siya noong Marso 26, 2020 sa edad na 68.

Tumigil na rin sa pag-aartista ang 76-anyos na si Dante. Sabi-sabi, mahina na rin ang pakiramdam nito.

“Alam mo, ako ang pinakamatanda sa aming tatlo nina Menggie at Dante,” salaysay ni Perla.

“Yung dalawa, mas bata sa akin, laking bata! E, ako yung… awa ng Diyos, alam mo, kapit lang sa Itaas.

“Pagkagising ko, salamat po.”

Kumusta ang buhay niya noong kasagsagan ng pandemya?

CONTINUE READING BELOW ↓
NOOD KA MUNA!

“Noong lockdown, wala akong ginawa, hindi ako lumabas maski saan!” sagot ng beteranang aktres.

“Maraming offers sa akin na trabaho. Unang-unang offer, dadalhin ako sa Bicol. Iyong isa, Quezon. Mga location.

“E, ito lang huli, may nag-aano sa akin, apat na araw raw sa Cebu. Sabi ko, ‘Huwag na muna.’

“E, ito, nagtaka nga ako. Sabi ko, bakit ako umoo? Hindi! Bakit ako umoo?! Siguro may magic word na sinabi. Ang magic word, si Joel [Lamangan].”

SENIOR STARS

Iilan na lamang ang aktibong senior stars.

Dahil sa vertigo, tumigil ang 89-anyos nang si Gloria Romero sa top-rating Daig Kayo ng Lola Ko, at pinalitan ng 76-anyos pa lang na si Nova Villa.

“Physically baka siguro hindi na kaya ni Glo. E, ako naman, OK lang.”

Nakikilala pa ba siya ng 87-anyos na si Caridad Sanchez?

“Minsan, tinatawagan ko. Hindi naman siya ang sumasagot. Minsan naman, tinatawagan ako,” kuwento ni Perla.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Pagka nag-usap naman kami, sabi ng asawa ko, ‘Bakit paulit-ulit iyang sinasabi mo?’ Nadidinig ako, ‘Bakit paulit-ulit?’ sabi sa akin.

“Sabi ko, ‘E paulit-ulit din yung kausap ko.’ Minsan, tinawagan ako. Bakit daw ako tumawag?

“Sasakyan ko yon. ‘Alam mo, kasi may ikukuwento ako sa yo,’ gaganun ako, alam ko na yun. ‘Saan ka nakatira?’ sabi sa akin.

“Lagi akong tinatanong kung saan ako nakatira. Kasi, kaibigan ko yan, e! Noong hindi pa siya na-Alzheimer, sa Balik Samahan namin, may declaration yan.

“Sabi niya, ‘Kami ni Perla, 50 years na kaming magkaibigan. Ni minsan, hindi kami nag-away!’

“Sumigaw ako, ‘MALI!’ Akala ng iba, nag-away kami. ‘60 YEARS! 60 years na tayong magkaibigan, ano ka?!’

“Totoo, sa showbiz, 65 years na ako sa showbiz.”

BALIK-SAMAHAN

Sa Balik Samahan nilang veteran stars, sinu-sino pa ang nakakasama niya at nakakahuntahan?

“Barbara Perez, Nova Villa, Marita Zobel. Luz Valdez, nung kailan lang,” pagsisiwalat ni Perla.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW ↓

“Alam mo, sinabihan ako ng isang artista na… si Luz Valdez ba iyon? Sinabihan ako na, ‘Hindi ka naman dating ganyan, e!’

“Kasi daw ang daldal ko ngayon, at saka makuwento ako, at saka kinakantahan ko sila ng mga kalokohang mga kanta ko noong unang panahon.

“Ganun pala pag tumatanda. Bumabalik lahat iyung mga ginagawa mo, mga kanta ko noong araw, noong mga ‘50s.

“Meron nga akong kanta na pag kinanta ko ngayon, baka makulong ako… kinakanta ko yun. E, bata e!

“Bata kang ganun, puro kalokohan ang kanta namin… panay kalokohan, bumabalik sa akin!”

Read Next
PEP Live
Featured
Latest Stories
Trending in Summit Media Network

Featured Searches:

Read the Story →
Perla Bautista: “Ganun pala pag tumatanda. Bumabalik lahat iyung mga ginagawa mo, mga kanta ko noong araw, noong mga ‘50s. Meron nga akong kanta na pag kinanta ko ngayon, baka makulong ako… kinakanta ko yun. E, bata e! Bata kang ganun, puro kalokohan ang kanta namin… panay kalokohan, bumabalik sa akin!”
PHOTO/S: Jerry Olea
  • This article was created by . Edits have been made by the PEP.ph editors.
    Poll

    View Results
    Total Votes: 12,184
  • 50%
  • View Results