Ngayong buwan gugunitain ang ika-37 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, kung saan napatalsik ang mga Marcos sa Palasyo ng Malacañang pagkatapos ng mahigit 20 taong nasa kapangyarihan.
Tatlong pelikula kaugnay rito ang ipapalabas sa mga sinehan — Ako Si Ninoy ni Direk Vince Tañada, Martyr Or Murderer ni Direk Darryl Yap, at Oras De Peligro ni Direk Joel Lamangan.
Pebrero 22, Ash Wednesday, ang playdate ng Ako Si Ninoy, kasabay ang showing ng The Whale.
Kasado naman sa March 1 playdate ang Martyr Or Murderer, Oras De Peligro, at Creed III.
Kasama si Joaquin Domagoso sa Ako Si Ninoy, at ang ama niyang si Isko Moreno ay nasa Martyr Or Murderer.
Read: Reason why Joaquin Domagoso was "bothered" when dad Isko Moreno starred in a rival movie
Noong Agosto 3, 2022 ay nagsalpukan sa takilya ang Maid In Malacañang ni Direk Darryll, at ang Katips ni Direk Vince. Ang isa sa mga bida ng Katips na si Jerome Ponce ay nasa cast ng MOM, ganundin ang girlfriend nitong si Sachzna Laparan.
Read: Darryl Yap at Vince Tañada, muling magtatapat ang mga pelikula sa 2023?
AKO SI NINOY
Naunang nag-presscon ang Ako Si Ninoy noong Enero 22, 2023, Linggo, first day of the Chinese New Year sa PSF Blackbox Theater, G. Tuazon St., Balic-balic, Sampaloc, Manila.
Doon na-reveal ang title ng movie, pati na ang bida na si Juan Karlos “JK” Labajo at iba pang cast members.

Facebook post ni Direk Vince noong Enero 25 (na kaarawan ng yumaong Presidente Cory Aquino), “AKO SI NINOY OFFICIAL TRAILER Panahon na Para Katotohanan Naman Ang Manaig!
“Philstagers Films proudly presents the Legitimate, Authentic and Genuine biopic of Ninoy Aquino: Ako Si Ninoy. A Film Written and Directed Multi Award Winning Vince Tañada. Juan Karlos plays Ninoy in this Multi Plot, Multi Character Musical Film that will topple Historical Distortionist Films.”
Noong Pebrero 5 na kaarawan ni JK, ang Facebook post ni Direk Vince, “Before Juan Karlos' breakdown scene inside the prison, he manifested to me his fears. He knows that this is a role of a lifetime and his interpretation of Ninoy's character can make or break him.
“I am aware of the danger of playing a person in history. People will always see inequities or superfluity and they will always have a point of comparison whether it be their personal memory of that person or available references.
“But JK was comforted with what I shared. Our Ninoy in the film is Ninoy of and in Everyman. He is not only a character, he is also a concept, a paragon of who we really are as a Filipino.
“Hence, we love Ninoy not only as a person but a model, profound as it may seem but I regard him more of a theory made pragmatic by the various characters representing sectors of society. I told JK to be himself. Though that made him relax, but only in the beginning.
“Come the prison scene, I felt the need to motivate JK again. His response to what I said is remarkable and the scene was truly magical -- the best in the film for me. JK is a legit artist and everyone will be surprised. He was Ninoy personified.
“Birthday Greetings Juan Karlos.”
Kasama sa cast ng Ako Si Ninoy sina Sarah Holmes (bilang Cory Aquino), Cassy Legaspi, Marlo Mortel, Joaquin Domagoso, Johnrey Rivas, Vean Olmedo, Nicole Laurel Asensio, JM Yosures, Bodjie Pascua, Jim Paredes, Pinky Amador, Lovely Rivero, Tuesday Vargas, Donita Nose, Sarah Javier, John Gabriel, Brylle Mondejar, Sharmaine Suarez, Lance Raymundo, at Azenith Briones.
Ang catchphrase ng Ako Si Ninoy, “There’s a hero in all of us.”
MARTYR OR MURDERER
Ang engrandeng mediacon ng Martyr or Murderer ay ginanap noong Pebrero 9, Huwebes, sa The Podium, Ortigas Center, Pasig City. Bumaha ng pagkasasarap na pagkain!
Sunud-sunod na rumampa sa red carpet in character sina Franki Russell (bilang Claudia Bermudez), Kyle Velino (Greggy Araneta), Cindy Miranda (young Imelda Marcos), Beverly Salviejo (Biday), Diego Loyzaga (Ferdinand Marcos Jr.), Cristine Reyes (Imee Marcos), Ruffa Gutierrez (Imelda Marcos), Cesar Montano (Ferdinand Marcos Sr.), at Direk Darryl Yap.
Wala sa mediacon sina Ella Cruz (Irene Marcos), Isko Moreno (Ninoy Aquino), Jerome Ponce (young Ninoy Aquino), Marco Gumabao (young Ferdinand Marcos Sr.), Elizabeth Oropesa (Lucy), Rose Van Ginkel (Maricar, kaibigan ni Imee sa Morocco), Sachzna Laparan (young Cory Aquino), at Marlon Mance.

Nag-host si Giselle Sanchez (Cory Aquino sa Maid In Malacañang) sa red carpet, pero ang nag-host na lang sa open forum ay si Billy Jake Cortez na kasama sa cast.
Ang Martyr Or Murderer (MOM) ay pangalawa sa trilogy ni Direk Darryl. Nauna iyong Maid In Malacañang (MIM), at ang pangatlo ay Mabuhay, Aloha, Mabuhay (MAM).
Pahayag ni Direk Darryl, “I would like to reiterate that the trilogy is not about politics. For me, it’s more of a family drama.
“Though some people would find it very funny, Maid In Malacañang is a dramedy actually.
“But when people color it as a political movie, I would correct them that it’s a family story, no?
“Only those people who will appreciate it politically are those people who are not family, you know.
“Sa tingin ko, sa dami ng nakapanood ng pelikula, hindi sila nanonood dahil naka-relate sila ng politikong sinusubaybayan, kung hindi dahil nanood sila dahil naka-relate sila dahil at some point in their lives, they also had a crisis inside of their family.
“So when you watch Martyr or Murderer, you will come across yourself thinking, holding your own family picture, and asking yourself, ‘Ang nanay ko ba, ang tatay ko, ang kapatid ko, ako… perpekto ba ako?
“‘Sa buhay namin bilang isang pamilya, nagkaroon ba kami ng pagkakataon na nagtitiis kami para sa isa’t isa, o gumawa kami ng mga bagay na maaaring makasakit sa ibang tao dahil sa pagmamahal namin sa pamilya namin?’
“You know, Martyr or Murderer is not a question you ask ahhh weak-hearted people.
“But you know the Filipino nation is no longer weak. Ahhh the Filipino audience is no longer faking its innocence.
“We are in the age of social media where sources of information is rampant and very much accessible.
“Hindi natin pwedeng itanggi na minsan sa buhay natin, nagpakamartir na tayo. At minsan sa buhay natin, kung hindi lang krimen, baka nakapatay na tayo ng tao.”
Ang tagline ng MOM, “Limang Tagpo sa Kasaysayan. Apat na Dekadang Katahimikan. Tatlong Bansang Pinangyarihan. Dalawang bersyon ng Katotohanan. Nag-iisang Inang Bayan.”
ORAS DE PELIGRO
Nag-presscon ang Oras de Peligro nitong Pebrero 12, Linggo, sa Max’s Restaurant, Sct. Tuason St., Brgy. Laging Handa, Quezon City.
Ang battlecry ng ODP na sinabi agad ni Elora Espano sa umpisa ng open forum, “Huwag Pagtakpan ang Katotohanan. Igalang ang Kasaysayan.”
Nagkaproblema ang projector kaya hindi agad naipalabas ang official trailer. Later on, iyong sound system naman ang problema. Biru-biruan tuloy na sinasabotahe ang pelikula.

Pahayag ni Direk Joel Lamangan, “Sinasabi ng Oras de Peligro ang katotohanang nangyari apat na araw bago umalis si Marcos sa Malacañang.
“Iyon ang pinupunto ng kasaysayan na iyon. At yung buhay ng pamilya ni Cherry Pie Picache noong panahong nangyayari ang nangyayari sa EDSA, at bago umalis si Marcos.
“Makabuluhan ito dahil ito ang nangyari at dapat itong malaman ng mga tao, lalung-lalo na yung hindi nakaranas nito.
“Na ang mga taong nagpunta sa EDSA, napakaraming tao ang dahilan kung bakit umalis si Marcos, pinalayas si Marcos, at galit sila sa diktadurya.
“Kaya yun ang dapat maging malinaw. Hindi dapat kaawaan! Kasi, may mga pelikula na sinasabi at kinaaawaan sila dahil pinalayas sila.
“Bakit kaaawaan?! Ipinakikita rin sa pelikula namin ang karamihan ng kayamanan na ninakaw nila.
“Nasa pelikula yun. Kung gaano kadami ang kayamanang kinuha nila, dinala nila, at hinold ng Custom ng Amerika.
“Nasa pelikula yun. Yun ang katotohanan na dapat malaman ng tao.”
Paano iyong mga taong ayaw pa ring maniwala sa pinupunto ng Oras de Peligro, at piniling magbulag-bulagan at magbingi-bingihan?
“Ay di mananatili silang bulag! Hayaan mo silang mabulag. Hindi maganda ang taong bulag!” bulalas ng multi-awarded director.
“Ano ang makikita mo kung bulag ka? Wala kang makikitang katotohanan. Kung gusto mong magbulag-bulagan ay di magbulag-bulagan ka.
“Ito naman ay demokrasya. Kung gusto mong maging bulag ka, maging instrumento ka rin ng pagsisinungaling, ay bahala ka!
“Ako naman, kami naman ay sinasabi lang namin yung totoong nangyari tatlong araw, apat na araw bago mawala si Marcos sa Malacañang.”
Maliban kina Elora at Direk, present sa presscon ang mga bidang sina Cherry Picache at Allen Dizon, ganoon din ang co-stars na sina Therese Malvar, Dave Bornea, Jim Pebanco, Marcus Madrigal, Crysten Dizon, Rico Barrera, Timothy Castillo, at Apollo Abraham.
Dumalo rin ang producers na sina Alvi Siongco at Atty. Howard Calleja, at scriptwriter na si Eric Ramos.
Ang cast members na absent ay sina Mae Paner, Nanding Josef, Gerald Santos, at Alan Paule.
