Hindi maiiwasang magkaroon ng koneksiyon ang mga artista kapag nasa isang bubble sila o lock-in taping na nauso nitong kasagsagan ng pandemya.
At ilan sa mga bagong magkarelasyon ngayong taong 2022 ay nagsimula sa mga lugar ng trabaho ng mga artista at ilan pang kilalang personalidad.
Ang iba ay pilit pa ring itinatago at itinatatwa ang kanilang pagmamahalan sa kabila ng kumpirmasyon ng mga nasa paligid nila, meron namang ibang ipinagsisigawan.
Narito ang ilang bagong showbiz couples na gumawa ng ingay sa taong 2022:
ALJUR ABRENICA-AJ RAVAL

Huling bahagi ng 2021 pa umugong ang balitang may namamagitan umano kina Aljur Abrenica at AJ Raval.
Pero nitong taong 2022, lalong nag-alab ang kuwento tungkol sa diumano’y relasyon ng dalawa.
Noong February 14, 2022, Valentine’s Day, namataang magkasama ang dalawa sa isang hotel sa Tanauan, Leyte.
Dahil dito, lalong umingay ang espekulasyon na doon nagdiwang ng Araw ng mga Puso sina Aljur at AJ. Nag-viral ang larawan nila kung saan pinagpasa-pasahan ito sa social media.
Read: Aljur Abrenica, AJ Raval spend Valentine's together at a hotel in Leyte
Kasunod nito, nilinaw ni Aljur sa isang panayam na trabaho ang ipinunta nila ni AJ sa Leyte.
Read: Aljur Abrenica on Leyte trip with AJ Raval: "Trabaho po yun."
Noong March 1, 2022, natanong si AJ kung sila na ba talaga ni Aljur. Sagot ng Pandemic Breakout star sa netizen: “E, sobrang cool lang namin ni Aljur, masaya kami sa mga situation namin.
“May mga priorities at problema na dapat unahin. Huwag ka mag-aalala, pag official na, updated ka.”
Read: AJ Raval on relationship status with Aljur Abrenica: “Masaya kami sa mga situation namin.”
Sa nasabi ring buwan, kinumpirma ng ama ni AJ na si Jeric Raval na "nagmamahalan" ang sexy star at si Aljur.
Sabi pa ni Jeric tungkol kay Aljur, "Basta nasa ayos lang ang lahat. Nagkausap na naman kami. Una ko siyang nakausap sa PDEA office.
"Mayroon kaming presscon nun at the same time pictorial din. Hinatid niya ang anak ko dun, nakipag-usap naman siya sa akin.
"Lalake namang kausap yung tao, mabait naman.
"Tinanong ko lang naman sa kanya kung siya ba ay hiwalay. 'Opo.' 'Ano ba ang plano mo sa anak ko?'
"Sabi niya, nagmamahalan daw sila. 'E, di magaling,' sabi ko. Yung tipikal na tinatanong ng isang ama."
Read: Jeric Raval confirms AJ-Aljur relationship: "Tao lang ang mga iyan, nagmamahalan."
Hindi rin mamatay-matay ang isyung nabuntis daw si AJ, at ang itinuturong ama ay si Aljur. Lumitaw ang balitang ito noong June 2022.
Hulyo naman nang ilabas ng Cabinet Files ang ulat na diumano'y papabulaaanan ni AJ na siya ay buntis.
Read: AJ Raval papabulaanan ang tsismis na buntis siya
Noong July 28, tila nananadya naman si AJ na ipakita ang seksing hubog ng kanyang katawan sa kanyang Instagram Live.
Marahil tugon ito ni AJ sa mga nagdududang nabuntis talaga siya.
Read: AJ Raval flaunts sexy body on IG Live: "Huwag na kayong masyadong nagpapaniwala sa chismis."
August 2022, nagsalitang muli si Jeric tungkol sa kumakalat na buntis ang anak.
Biro pa ni Jeric ukol dito: “Tsaka kung buntis, e, di mabuti, at least hindi pala siya baog.”
September 3, 2022, umani ng iba't ibang reaksiyon ang cryptic post ni Aljur sa Instagram.
Ibinahagi ni Aljur ang short video niya na tila kuha mula sa isang event performance. Nakasuot ang aktor ng dark brown leather top at may hawak na mic.
Pero hindi ang video ang nakaagaw ng pansin ng netizens, kundi ang caption niya.
Sabi ng aktor: “I risk a lot of shots in life and you are my greatest catch."
Kung pagbabasehan ang caption, nagpapahiwatig ang aktor na nakatagpo siya ng espesyal na tao sa kabila ng mga isinapalaran niya.
Walang inilagay na pangalan si Aljur. Pero marami ang nagsasabing baka si AJ ang tinutukoy niyang “greatest catch” dahil nung araw na iyon mismo ang kaarawan ng aktres.
Read: Is Aljur Abrenica’s “greatest catch” post alluding to AJ Raval?
Sa gitna ng mga balitang isinilang niya diumano ang love child nila ni Aljur noong nakaraang Nobyembre, isang payat at seksing AJ ang namataang dumalaw sa opisina sa Pasig City ng kanyang mother studio, ang Viva Entertainment, noong December 1, 2022.
Ang pagbisita ni AJ sa Viva office ang unang pagkakataong nagpakita siya sa publiko matapos mapabalitang nagbunga ang relasyon nila ni Aljur. Pero pinanindigan niya ang pagtanggi na wala itong katotohanan.
ATOM ARAULLO-ZEN HERNANDEZ

Naging Instagram official ang news anchors na sina Atom Araullo at Zen Hernandez nitong nakaraang October 2022 lamang.
Dating magkatrabaho sa ABS-CBN News and Current Affairs ang dalawa.
Si Atom ay 13 taong naging broadcaster sa ABS-CBN bago siya lumipat sa GMA-7 noong 2017.
Si Zen ay nasa bakuran ng ABS-CBN hanggang sa kasalukuyan.
Sa kauna-unahang pagkakataon, nag-post si Atom ng sweet photo nila ni Zen sa kanyang personal Instagram account.
Hawak niya sa kanyang kamay ang printed copy ng candid shots nila ng dalaga mula sa isang photo booth.
"Happy 28th birthday po," simpleng mensahe ni Atom para kay Zen.
Bihirang ipakita ni Atom ang pribadong buhay niya sa kanyang social media account.
Kaya marami sa mga humahanga sa Kapuso broadcaster ang napa-react na "Tapos na ang pila!" dahil may napupusuan na ito.
Ang kapwa broadcasters nina Atom at Zen na sina Karen Davila, Nina Corpuz, Pia Arcangel, Pinky Webb, at Steve Dailisan ay halatang natuwa sa "jowa reveal" ni Atom.
Read: Jowa reveal! Kapuso Atom Araullo posts couple photo with Kapamilya Zen Hernandez
Hindi naman kaila sa showbiz insiders na tila matagal na ang relasyon nina Atom at Zen.
Matatadaang noong 2021 ay pasimpleng tinukso ni Pinky ang dalawa nang magkita sila at sabay na nagbakasyon sa Balesin.
Sadyang low-key lamang sina Zen at Atom.
Read: Are news anchors Atom Araullo and Zen Hernandez in a relationship?
Pero sa mga pagtitipon kasama ng kanilang mga malapit na katrabaho ay kapansin-pansing magkasama ang dalawa.
Tulad na lamang noong June 2022, kunsaan kasama nilang nag-lunch ang mga kaibigan nila sa news industry mula sa iba-ibang istasyon.
Read: News anchors Atom Araullo, Zen Hernandez spotted together anew
JOHN LLOYD CRUZ-ISABEL SANTOS

October 2022 din naging Instagram official ang aktor na si John Lloyd Cruz at ang artist na si Isabel Santos dahil sa cozy photos nila sa kanilang bakasyon sa Italy.
Sa Instagram noong October 6, 2022, sunud-sunod ang pagsi-share ni Isabel ng mga kuha niyang larawan sa mga lugar na pinupuntahan nila doon.
Sa unang post, ibinahagi ni Isabel ang tourist attractions sa Venice, Italy. Sa dulo nito ay makikita ang sweet na larawan nila ni John Lloyd.
Pangalawang post ni Isabel ay larawan nilang dalawa na tila nagpapahinga sa isang coffee shop.
Caption niya, “It has been decided, onesies arent for adults [people with bunny ears [partying emoji] Also i like my profile better [bird emoji]”
Sa ikatlong post naman ni Isabel, makikitang tila nakataas ang kilay ni John Lloyd habang nasa isang yate o bangka sila.
Mababasa sa caption na tila nakatuon ang buhay niya ngayon sa aktor.
Aniya, “My favorite picture—the composition, the view, the lighting! and the subject [see no evil monkey, two hearts emojis] 5 stars! 10 yums!”
Ayon sa emojipedia.org, ang two hearts emojis ay nangangahulugan ding “love is in the air.”
Magka-holding hands naman ang dalawa nang dumalo sa 15th Asia Pacific Screen Awards (APSA).
Nominado si John Lloyd sa nasabing award-giving body sa kategoryang Best Performance para sa kanyang pagganap sa pelikulang When The Waves Are Gone ni Lav Diaz. Ang local title nito ay Kapag Wala Na Ang Mga Alon.
Ginanap ang awards night noong November 11, 2022 sa Home of the Arts sa Gold Coast, Australia.
November 17 ng gabi naman ibinahagi ni Isabel ang tatlong larawan sa kanyang Instagram feed kung saan makikita sa isang picture na magka-holding hands silang dalawa.
Read: Isabel Santos posts holding hands photo with rumored boyfriend John Lloyd Cruz
Mula noong September 2021, usap-usapan ng netizens ang napansin nilang ugnayan nina John Lloyd at Isabel.
Hindi nakaligtas sa netizens ang ilang pagkakataong nag-post si Isabel ng mga litrato ni John Lloyd.
Minsan na ring nag-post si Isabel ng litrato nina John Lloyd at Elias na namamasyal sa tabing-dagat.
Si Elias ang anak ni John Lloyd sa dating partner na si Ellen Adarna.
At noong June 24, 2022, sa kaarawan ni John Lloyd, unang pagkakataong nasilayan ang sweet moments sa pagitan ng rumored couple.
Read: John Lloyd Cruz kisses Isabel Santos in front of Happy ToGetHer co-stars
PAULO AVELINO-JANINE GUTIERREZ

Huling bahagi ng 2021, parehong naging single sina Janine Gutierrez at Paulo Avelino.
Nag-break si Janine at longtime boyfriend na si Rayver Cruz noong October 2021.
Ang huling napabalitang karelasyon ni Paulo ay ang Australian model na si Jodie Tarasek, pero hiwalay na rin sila.
Noong November 10, 2021, isiniwalat ni Paulo na dalawang beses silang nag-date ni Janine noong panahong walang nobyo ang aktres.
Sinabi rin ng aktor na bukas siya sa posibilidad na maging sila ni Janine.
"Kasi, parang… kumbaga… alam ko, itatanggi na naman ako ni Janine, lumabas na kami dati, hindi lang…
"Kung mangyayari ngayon, kung ngayon ang pagkakataon na ito na single siya and single din ako, e, di… Ok.”
Read: Paulo Avelino, Janine Gutierrez reveal going on a date twice
January 2022, nalagay sa hot seat sina Janine at Paulo — kilala rin sa tawag na PauNine ng kanilang mga tagahanga — na napababalitang totohanan na ang pagsinta sa isa't isa.
Gumaganap sila noon bilang mag-asawa sa Kapamilya prime-time series na Marry Me, Marry You, na nagsimulang umere noong September 2021 at natapos naman noong February 2022.
Nang tanungin sila sa virtual mediacon ng serye tungkol sa estado ng kanilang relasyon, umiwas si Janine at ibinaling ang topic sa co-stars na sina Cherry Pie Picache at Edu Manzano na naging magkasintahan habang nagtatrabaho sa serye.
"Hahaha! Gusto ko lang sumagot na lahat kami naiinggit kay Miss Pie at kay Tito Edu pag nakikita namin sila magkasama.
"Walang tatalo sa ka-sweet-an nila kasi. Tsaka talagang tinakasan nila today," saad ni Janine.
Absent sa presscon sina Cherry Pie at Edu.
Nang ibalik ang tanong kina Janine at Paulo, na marami ang umaasang magkatuluyan, tanging ngiti lamang ang isinagot ng dalaga.
Kaya si Paulo ang inusisa tungkol sa real score sa kanila.
Sabi naman ni Paulo, "Ako po, si Janine lang hinihintay lagi.
"So, tingnan natin kung di kami masyadong busy for this year. May sari-sarili kaming gagawin for this year."
Read: Janine Gutierrez, Paulo Avelino grilled about rumored romance
Kasunod nito ay ang bakasyon nilang dalawa sa Palawan kasama sina Edu at Cherry Pie.
Read: Janine Gutierrez, Paulo Avelino spotted in Palawan with Cherry Pie Picache, Edu Manzano
Noong March, natanong muli ang dalawa tungkol sa estado ng kanilang relasyon.
Nakangiting sagot ni Janine, "Sa masayang level. I’m happy."
Read: Janine Gutierrez at Paulo Avelino, nasa "masayang level" na ang relasyon; aamin na ba?
Nasundan pa ito ng U.S. vacation photos posts ng dalawa sa kaparehong buwan.
Read: Paulo Avelino, Janine Gutierrez post photos from their U.S. trip
Noong Hunyo naman ay napabalitang naipakilala na kay Janine ang anak ni Paulo kay LJ Reyes na si Aki.
Read: Paano ipinakilala ni Paulo Avelino sa anak nitong si Aki si Janine Gutierrez?
Noong Hulyo, naipakilala na rin ni Paulo si Janine sa kanyang ina.
Read: Paulo Avelino lets it slip Janine Gutierrez met his mom in the U.S.
Nitong August, inamin ni Janine na patuloy pa rin silang nagkikita ni Paulo.
Sabi ni Janine sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal): "Nakikita ko naman siya. Go out? Yeah, oo. Yes, always naman I'm happy. I'm happy that he is in my life.
"But aside from that, ang daming magandang trabaho. Parang yung mga matagal ko ng minimithi na mga projects tulad nitong Sleep With Me, Dirty Linen, yung Ngayon Kaya, marami lang blessings kaya nagpapasalamat ako."
Read: What Janine Gutierrez finds endearing about Paulo Avelino
Hanggang ngayon ay wala pa ring tuwirang pag-amin ang dalawa sa totoong estado ng relasyon nila.
RAYVER CRUZ-JULIE ANNE SAN JOSE

Kung medyo paiwas pa si Janine Gutierrez sa pag-amin ng kanyang relasyon kay Paulo Avelino, taliwas naman ito sa ex-boyfriend niyang si Rayver Cruz.
Nitong nakaraang November 26, 2022, nagkaaminan sa "#JulieVerse" concert ng totoong nararamdaman ni Rayver sa kasama niya sa show na si Julie Anne San Jose.
Hindi magkamayaw sa pagtili ang fans nang magpahayag si Rayver ng nararamdaman niya kay Julie Anne.
Sabi niya, "Nung birthday mo, di ba? Sinabi ko na sa iyo ang nararamdaman ko. Kasi, nandito tayo sa Newport, sa concert. Gusto ko na lang din ipadinig sa kanila, Julie Anne San Jose, I love you. I love you so much."
Ang lakas ng tilian, pero natahimik sila nang sumagot na si Julie Anne. Sabi ng Limitless Star, "Hindi. Gusto ko lang sabihin na sobrang grateful ako sa iyo na dumating ka sa buhay ko. Ang daming nabago sa buhay ko simula nang dumating ka.
"Kaya gusto kong sabihin, I love you too."
Read: Julie Anne San Jose at Rayver Cruz, pinakilig ang JulieVer fans sa kanilang aminan ng feelings
Nagsimulang mapansin ang pagiging malapit nina Rayver at Julie Anne nang maging single ang aktor.
October 2021 nang maghiwalay sina Rayver at girlfriend na si Janine.
Read: Janine Gutierrez, Rayver Cruz have not been a couple for a month now — PEP source
Sa kaso ni Julie Anne, bukas siya sa pagsasabing close sila ni Rayver na co-host niya sa Kapuso reality search na The Clash. Co-hosts din sila sa Sunday noontime show na All-Out Sundays.
Maging si Rayver ay bukas din sa pagsasabi na noong una pa lang niya nakasama si Julie sa defunct Kapuso variety show na Studio 7 ay magkasundo na sila.
Tinuturuan daw siya ni Julie Anne sa performances nila.
"Parang nadadala ako kapag kasama ko siya, e. Kailangan mo ring galingan kapag kasama si Juls pati sa paghu-host, e," dagdag ni Rayver sa mediacon ng The Clash noong September 2021.
Pati ang The Clash judge na si Ai-Ai delas Alas ay tinutukso sila, pero nilinaw ng dalawa na sadyang may chemistry lang sila.
"I love Janine," sabi pa noon ni Julie Anne upang idiin na walang malisya sa kanya ang pagiging malapit nila ni Rayver.
Read: Rayver Cruz, Julie Anne San Jose trade sweet messages on IG; are they an item?
Noong April 2022, naitanong muli kay Julie Anne ang real score nila ni Rayver.
Natatawang sagot ni Julie Anne, "Sa tingin ko po, mas maganda kung siya na lang ang tatanungin niyo. Parang mas okay po kung sa kanya manggagaling."
Read: Julie Anne San Jose has kilig answer to question about real score with Rayver Cruz
May 2022, sinabi naman ni Julie Anne na aprubado ng kanyang magulang si Rayver para sa kanya.
Read: Julie Anne San Jose confirms her parents approve of Rayver Cruz
At nitong huling bahagi ng December 2022 lamang, sinabi ng kuya ni Rayver na si Rodjun Cruz na naniniwala siyang mauuwi sa pagpapakasal ang relasyon ng nakakabatang kapatid at ni Julie Anne.
Ayon kay Rodjun, nakikita niyang magkasundung-magkasundo ang dalawa.
"Praying ako kasi si Rayver sobrang buting bata, si Julie sobrang buti din.
"And baka si Lord talaga ang naglaan para sa kanilang dalawa. Sila talaga ang nakatadhana para sa bawat isa."
Read: Rodjun Cruz believes brother Rayver Cruz will end up marrying Julie Anne San Jose
JOAQUIN DOMAGOSO-RAFFA CASTRO

Tamang panahon ang hinintay ni Raffa Castro upang ibahagi sa publiko kung paano nagsimula ang pagmamahalan nila ng boyfriend at ama ng kanyang anak na si Joaquin Domagoso.
Si Raffa ay anak ng newscaster na si Diego Castro at kapatid ng Kapuso actress na si Claire Castro.
Si Joaquin, na isa ring aktor, ay panganay na anak ni dating Manila Mayor Isko Moreno at ng misis nitong si Dynee Domagoso.
Sa Instagram noong September 27, 2022, nagbahagi si Raffa ng Reels ng mga larawan at pangyayari na iniuugnay niya kay Joaquin.
Sa lagpas isang minutong video, may mga rebelasyon siya tungkol sa boyfriend.
Ibinahagi na rin ni Raffa kung paano nagsimula ang kanilang ugnayan ni Joaquin.
Nagsimula raw sila bilang best friends noong taong 2017.
At ang pinakapaboritong regalo raw na natanggap niya mula kay Joaquin ay ang kanilang anak na si Scott Angelo Domagoso.
Ayon sa caption ni Raffa, ipinagdiwang nila ni Joaquin ang dagdag na isang buwan sa kanilang pagmamahalan noong buwang iyon.
Hindi rin daw niya lubos maisip na ang kanyang best friend ang magiging “end game” niya sa buhay.
Buong caption ni Raffa: “Here’s to celebrating another month of our love. Who knew that my best friend of 5 years would be my end game. You know the rest. I love you with all my heart.”
Read: Jowa reveal: Raffa Castro opens up about love story with Joaquin Domagoso
Noong August 22, 2022, ibinahagi ni Raffa ang kanyang maternity photo shoot may limang buwan matapos siyang makapanganak.
Read: Raffa Castro finally admits she got pregnant; shows maternity photo
Kasunod ito ng ulat ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) noong June 27, 2022, na isinilang ni Raffa ang anak nila ni Joaquin sa FEU Medical Center, sa Quezon City, noong April 28, 2022.
Pinangalanan nila ito sunod sa Scott na dating palayaw ng ama ni Joaquin na si Isko.
Read: Joaquin Domagoso, may two-month-old son na sa kapatid ni Claire Castro
PAUL SALAS-MIKEE QUINTOS

Nitong kalagitnaan ng 2022, isinapubliko nina Paul Salas, 24, at Mikee Quintos, 25, na isang taon na silang magkarelasyon.
Sa YouTube vlog ni Paul noong July 20, 2022, ipinakita niya ang masayang bakasyon nila ni Mikee sa Boracay kamakailan.
Dito isinagawa ni Paul ang surprise dinner date nila ni Mikee by the pool para sa celebration ng kanilang "anniversary."
Niyaya rin ni Paul ang dalaga na maka-date sa GMA Gala Night na naganap sa Shangri-La BGC noong July 30, 2022.
Dahil umuulan noong gabi ng kanilang romantic date sa Boracay, lumipat pa sila ng puwesto sa resort bago ibinigay ni Paul ang bouquet of roses para kay Mikee.
Sabi ni Paul, "Happy anniversary! Siyempre may roses din. Another invitation... Puwede ba kita maging GMA Gala date?"
Halatang kinilig si Mikee na todong napangiti, "Aww... May pag-ask pa sa akin. So, tayo na yung date?"
Aminado rin si Paul na kinikilig siya sa date nila ni Mikee.
Sa sumunod na cut ng video ay pa-baby talk sabi ni Mikee, "Love yoh!"
Bukod sa kanilang dinner date, naging bukas din si Mikee sa pagsasabing nag-enjoy siya sa paraw sailing nila ni Paul.
"Masaya ako ikaw kasama ko," pag-amin ni Mikee.
Sabay tili ni Mikee, "Yuck! Kadiri! Wag mo isama!"
Pero kilig na sabi uli ni Mikee kung bakit bagay sa "couples" ang paraw sailing, "Masaya. Puwede mag-cuddle over the water..."
Read: Paul Salas marks "anniversary" with Mikee Quintos
Noong May 23, 2022, inamin ni Paul sa GMA News na "dating" ang relationship status nila ni Mikee.
Nanligaw raw siya sa aktres pagkatapos nilang magkatrabaho sa The Lost Recipe ng GTV, na umere mula January-March 2021.
Read: Paul Salas reveals dating Mikee Quintos: “Gusto ko ito na yung last.”
Nitong nakaraang December 22, 2022, ika-25 na kaarawan ni Mikee, isang makabagbag-damdaming mensahe ang ibinahagi ng boyfriend nitong si Paul.
Ayon kay Paul, deserve ni Mikee na maging masaya sa kaarawan nito.
Hindi raw alam ng binata kung ano ang ika-caption niya sa kanyang post kaya medyo napahaba ito.
Mensahe ng Kapuso actor (published as is), “Happy birthday to my Partner, Bestfriend, Best opponent, Commander, Boss, Amo [squinting face with tongue emoji]!
“Babe deserve mong maging masaya at celebrate ang birthday mo dahil sa na achieve mo ngayon year, di lang dahil dyan, kundi dahil pa sa growth mo din this year.
“Salamat sa pagiging the best partner, sa pagmamahal, gabay, pag iintindi.
“Di ko alam kung ano ang gusto kong sabihin sa caption ko ngayon, dahil kapag punong puno ang puso ko ng saya at pag mamahal di ko talaga alam paano sabihin lahat ng nararamdaman ko para sayo, alam mo yan!”
Pangako pa niya kay Mikee, ipaglalaban sa kahit anumang pagsubok sa buhay.
Nangako rin siyang magiging mabuting tao para sa nobya.
Masuwerte raw si Paul na naging girlfriend niya ang aktres.
Saad niya, “Ang masasabi ko lang, nandito ako para sayo lagi, handang lumaban sa kahit anong challenges na maharap natin.
“Handang harapin lahat ng mga kailangan ko pang harapin para maging better person para sayo, Handang ipaglaban ka sa kahit anong situation.
“Oh tapos sa videocall natin ngayon nahuli mo akong nag ta type at seryoso at sinabi mong ‘ano yan para sa birthday caption ko na ba yan’ ayan na nga kitang kita mo kung gaano ako ka seryoso sa phone ko. hayy kilalang kilala mo talaga ako!
“I’m Blessed to have you my baby, salamat sa lahat. Mahal na mahal kita HAPPY BIRTHDAY MATCH [heart emoji]”
Read: Paul Salas pens heartwarming birthday message for girlfriend Mikee Quintos: “Handang ipaglaban ka.”
Kamakailan ay nagbakasyon ang magkasintahan sa Paris, France.
Read: Paul Salas, Mikee Quintos exchange sweet letters in Paris
MAVY LEGASPI-KYLINE ALCANTARA

Hindi maitago ang kilig sa pagitan nina Mavy Legaspi, 21, at Kyline Alcantara, 19, na kumpirmadong magkarelasyon bukod sa pagiging Kapuso love team.
Mayroon silang uniname na MavLine.
Na-capture sa camera ang ilan sa sweet moments ng dalawa sa GMA Thanksgiving Gala Night sa Shangri-La sa Bonifacio Global City, Taguig City, noong July 30, 2022.
Pagpasok sa cocktails area, waring may ibinulong si Mavy kay Kyline at kita ang mega-watt smile nilang dalawa.
Sweet na hinawi pa ni Mavy ang straight long hair ni Kyline habang magkausap sila.
Parehong all-black ensemble ang pinili nilang outfit para sa event na old Hollywood ang theme at may black-and-white motif.
Pagdaan ng Summit Photo Wall sa cocktails area, sinubukang alamin ng PEP.ph kung paano niyaya ni Mavy si Kyline na maka-date sa ball.
"It's a private moment when that happened," sabi ni Kyline, na ayaw idetalye ang sweet moment nilang iyon ni Mavy.
Saad ni Mavy, "But one thing's for certain, it was very, very happy."
Ikinuwento naman ni Kyline na sorpresa para sa kanilang dalawa ni Mavy ang kanilang attire sa gala night.
Ani Kyline, "Kasi super tago. Actually, matagal ko na gusto ipakita sa kanya."
Nakangiting dagdag ni Mavy, "I don't wanna see it. I wanna see it sa actual day mismo."
Read: Real-life couple Mavy Legaspi and Kyline Alcantara's sweet moments at the GMA Gala Night
Kahit wala man silang tuwirang pag-amin sa publiko tungkol sa estado ng kanilang relasyon, napag-alaman ng PEP.ph na totohanan ang pag-iibigan nina Mavy at Kyline.
Patunay nito ang pagsunod ni Mavy sa South Korea nang magtungo roon si Kyline para sa isang work engagement.
Una nang naiulat ng PEP.ph na ipinakilala ni Kyline si Mavy bilang "boyfriend" sa mga kasama ng dalaga.
Masaya ang pagkikita ng couple sa Korea, pero hindi nila ito inilabas sa kanilang social media accounts.
Read: Kyline Alcantara, "my boyfriend" na ang pakilala kay Mavy Legaspi
Inilunsad sina Mavy at Kyline bilang isa sa love teams ng GMA talent management arm na Sparkle noong February 17, 2022.
Magkatambal sila sa defunct Kapuso prime-time series na I Left My Heart In Sorsogon na umere mula November 2021 hanggang February 2022.
Pero bago pa man sila nagkatrabaho ay malapit na sila sa isa't isa dahil humigit-kumulang limang taon na silang makaibigan at magkabarkada.
Read: Is Mavy Legaspi in relationship with Kyline Alcantara?
MICHELLE MADRIGAL-KYLE

August 22, 2022 nang ipakilala ni Michelle Madrigal ang bago niyang boyfriend sa Instagram.
Ginawa niya ito apat na buwan matapos masapinal ang divorce nila ng dating asawang si Troy Woolfolk.
Ibinahagi ni Michelle noong araw na iyon ang sweet nilang larawan ng banyagang lalake, na hindi niya pinangalanan, kung saan ini-enjoy nila ang beach sa Canyon Lake, Texas.
Caption lang ng dating aktres, “Him. [smiling face emoji]”
Read: Michelle Madrigal introduces new boyfriend four months after divorce
Nito namang nakaraang December 2022, labing-isang araw na nagbakasyon si Michelle kasama ang hindi pa rin niya pinapangalanang foreigner boyfriend sa Thailand at dito sa Pilipinas.
Sa Instagram noong December 15, 2022, nagbahagi si Michelle ng ilang larawan nila na kuha sa Thailand at dito sa bansa.
Makikita sa ilang larawan na tila naipakilala na ng dating aktres sa kanyang mga kamag-anak at kaibigan ang bago nitong nobyo.
Mukha ring ini-enjoy ng magkasintahan ang isa't isa sa kanilang bakasyon kung saan hindi nila kasama ang kani-kanilang mga anak.
May pahiwatig naman si Michelle sa unang letra ng pangalan ng boyfriend na tinawag niyang “K.”
Sabi ng dating aktres sa caption: “11 days with you. It was a short but sweet vacation in Thailand and Philippines.
“I enjoyed being disconnected from the world and not having a phone during this trip.
“Thanks K for being the best travel partner.
“I can’t wait to take the kids with us next time.”
Read: Michelle Madrigal tours boyfriend “K” in Thailand and the Philippines
At nitong nakaraang December 17, 2022, binanggit na sa wakas ni Michelle ang pangalan ng bago niyang boyfriend — Kyle.
Pero hindi pa rin niya sinasabi ang apelyido nito sa kanyang bagong vlog, kung saan sinabi ng aktres kung paano sila nagkakilala.
Aniya, “We met through Hinge, so it's a dating app. Obviously, hindi ako masyadong lumalabas being a single mom. And nag-swipe siya at ako rin, and then we started chatting.”
Ang Hinge ay isang dating app ng mga nais magkaroon ng long-term relationship.
Isa raw sa traits na nagustuhan ni Michelle kay Kyle ang pagiging wholesome nito sa kanyang profile sa dating app.
Lahad niya, "Nandun yung pictures ng kids niya. I also had my daughter sa profile ko.
"You could really tell kung ano yung character ng lalaki the way they are sa kids nila.
"When I saw how he is around his kids — the way he talks to them, the way niyang i-treat sila — I was like, 'Oh my gosh, lagot.’”
Sa panayam ni Michelle sa PEP Spotlight noong November 2022, nauna nang sinabi ng aktres na nakilala niya ang bagong boyfriend sa pamamagitan ng dating app pero hindi nito sinabi kung anong app ito.
Saad niya, "Here, pag gumigimik ako, a lot of the guys are in their late 20s. Ayoko naman ng sobrang bata, ayoko rin naman ng sobrang older than me rin.
"I want someone na at least yung close to my age pero mature enough to be open sa concept na I'm a single mom.
"Siyempre some are interested. But when you're gonna date, especially kay Anika, di ko siya in-expose kahit kanino."
Hanggang sa nakilala raw ni Michelle sa dating app ang boyfriend niya na ngayon.
Read: Michelle Madrigal reveals how she met new boyfriend in Texas
Marami naman ang nagsasabing si Michelle na ang patron ng mga dating apps.
Ang kanya rin kasing ex-husband na si Troy ay nakilala naman niya sa Tinder, isa ring dating app.
Read: Michelle Madrigal finds love on dating apps twice: ex-husband on Tinder, new boyfriend on Hinge
OTHER NEW COUPLES
Ang iba pang mga bagong namuong relasyon ngayong taon ay kinabibilangan ng model-actress Maureen Wroblewitz at isang foreigner, volleyball stars na sina Deanna Wong at Ivy Lacsina, basketball player Kobe Paras at Erika Poturnak, at actress-dancer Dawn Chang at Atty. Ralph Calinisan.
