Totoo ang madalas sabihing “may dalawang mukha ang showbiz – isang masaya at isang malungkot.”
Ito ay dahil sa likod ng kadalasang masaya at maniningning na kaganapan sa showbiz, may mga pagkakataong nagiging malungkot ito dahil sa pagpanaw ng ilan sa hinahangaan at tinitingala nating mga bituin.
At hindi naiiba ang taong 2022.
Marami sa mga iniidolo at minsang naghatid ng aliw sa atin ang nagpaalam ngayong taon.
Sa pamamagitan ng pahinang ito, balikan natin ang mga showbiz personality na pumanaw ngayong 2022…
LEGENDARY ACTRESSES
SUSAN ROCES

Binawian ng buhay ang Queen of Philippine Movies na si Susan Roces noong May 20, 2022. Siya ay 80.
Read: Queen of Philippine Movies Susan Roces dies
Si Susan ang maybahay ng pumanaw na ring King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr. at ina ni Senator Grace Poe.
Ngunit mas nakilala siya bilang isa sa pinakamahusay na aktres at may pinakamagandang mukha sa local showbiz.
Nagsimula ang showbiz career ni Susan — Jesusa Purificacion Levy Sonora-Poe sa tunay na buhay — bilang child actress nang gampanan niya ang karakter ng labing-isang taong ulila sa Mga Bituin ng Kinabukasan, ang 1952 movie ng Nepomuceno Productions.
Noong taon ding iyon, nagbida siya sa Boksingera ng Sampaguita Pictures.
Mula noon, nagtuluy-tuloy na ang acting career ni Susan na naging isang matagumpay na award-winning actress, movie queen, at movie producer.
Ilan sa maraming pelikula ni Susan na tumatak sa publiko ay Ang Daigdig Ko'y Ikaw (1965), Zamboanga (1966), Maruja (1967), Perlas Ng Silangan (1969), Divina Gracia (1970), Florinda (1973), Patayin Mo sa Sindak si Barbara (1974), Maligno (1977), at Gumising Ka Maruja (1978).
Nariyan din ang Mahal, Saan Ka Nanggaling Kagabi? (1979), Nasaan Ka Nang Kailangan Kita? (1986), Mundo Man Ay Magunaw (1990), Isinakdal Ko Ang Aking Ina (1997), at Mano Po: My Family (2002).
Para sa bagong henerasyon, nakilala si Susan bilang Lola Flora, ang kanyang karakter sa FPJ's Ang Probinsyano, ang longest-running primetime series ng ABS-CBN na pinagbidahan ni Coco Martin.
Read: Susan Roces, bibigyan ng magandang pamamaalam sa pagwawakas ng Ang Probinsyano
CHERIE GIL

Tinaguriang “Primera Kontrabida,” pumanaw ang award-winning actress na si Cherie Gil dahil sa endometrial cancer sa New York, noong August 5, 2022. Siya ay 59.
Read: Award-winning actress and primera contravida Cherie Gil dies at 59
Si Cherie ay mula sa pamosong Eigenmann showbiz clan.
Anak siya ng mga artistang sina Rosemarie Gil at Eddie Mesa. Kapatid niya ang mga aktor na sina Mark Gil (pumanaw noong 2014) at Michael de Mesa.
Mga pamangkin ni Cherie sina Ryan Eigenmann, Gabby Eigenmann, Sid Lucero, Geoff Eigenmann, Andi Eigenmann, at Max Eigenmann.
Read: Michael de Mesa leads Eigenmann clan's tribute to Cherie Gil
Nagsimula ang film career ni Cherie noong 1977 sa pamamagitan ng Beerhouse.
Kabilang pa sa mga tumatak na pelikula ni Cherie ay Problem Child (1980), Manila By Night (1980), Oro Plata Mata (1982), Gaano Kadalas Ang Minsan (1982), Sana Bukas Pa Ang Kahapon (1984), God... Save Me! (1985), Sana'y Wala Nang Wakas (1986), Saan Nagtatago Ang Pag-ibig (1987), Kahit Wala Ka Na (1989), Ang Bukas Ay Akin (1989), Imortal (1984).
Napanood din siya sa Ngayon at Kailanman (1992), Sana Ay Ikaw Na Nga (1994), Wating (1994), Darna: Ang Pagbabalik (1994), Sugatang Puso (2000), Working Girls (2010), Sonata (2013), Mana (2014), Kasal (2018), at Citizen Jake (2018).
Naging iconic ang linya niyang "You're nothing but a second-rate, trying hard, copycat!" mula sa confrontation scene nila ni Sharon Cuneta sa pelikulang Bituing Walang Ningning (1985).
Gumawa rin siya ng mga teleserye sa ABS-CBN at GMA-7.
Huling napanood si Cherie sa Kapuso teleseryeng Legal Wives noong 2021, at sa pelikulang Elehiya na ipinalabas nito lamang November 2022 bilang bahagi ng QCinema International Film Festival.
SYLVIA LA TORRE

Pumanaw ang tinaguriang Queen of Kundiman at First Lady of Philippine Television na si Sylvia La Torre noong December 1, 2022. Siya ay 89.
Read: Legendary singer-actress Sylvia La Torre passes away
Literal na lumaki sa mundo ng showbiz si Sylvia dahil pitong taong gulang lamang siya nang ginawa niya ang kanyang unang pelikula, ang Maestra.
Bukod sa pagiging aktres ay nakilala rin si Sylvia bilang isang mang-aawit, kung saan nakapag-record siya ng mahigit 300 awitin.
Ilan sa mga di malilimutang kanta na pinasikat ni Sylvia ay ang “Sa Kabukiran,” “Galawgaw,” “Waray Waray,” at walang kamatayang “Maalaala Mo Kaya.”
Bumida siya sa classic TV shows na Tang Tarang Tang at Oras ng Ligaya.
Huli siyang napanood sa pelikulang Biyudo si Daddy, Biyuda Si Mommy, kunsaan bida sina Vic Sotto at Coney Reyes, noong 1997.
Pinili ni Sylvia na manirahan sa Amerika kasama ang pamilya niya hanggang sa doon na siya binawian ng buhay.
GLORIA SEVILLA

Tinaguriang Queen of Visayan Movies, pumanaw ang beteranang aktres na si Gloria Sevilla sa Oakland, California, noong April 16, 2022. Siya ay 90.
Read: Queen of Visayan Movies Gloria Sevilla passes away at 90
Kilala si Gloria bilang tagapagtaguyod ng Visayan films noong ’50 hanggang ‘70s. Kabilang sa Visayan movies niyang naging box-office hit ay Paradista, Prinsesa Tirana, Leonora, Pailub Lang, Gloria Akong Anak, Handumanan, Gimingaw Ako, at Mapait Ang Bulaod.
Pero ang phenomenal success ng kanyang 1969 classic film na Badlis sa Kinabuhi ang talagang nagbigay-atensiyon sa Visayan movies dahil kinilala ito ng mainstream cinema sa pamamagitan ng pagwawagi nito sa FAMAS Awards kabilang na ang Best Picture at Best Actress para kay Gloria.
Ang kanyang huling full-length Visayan feature film ay ang 2019 family drama na Pagbalik.
Kabilang naman sa Tagalog movies na ginawa ni Gloria ay ang Ifugao, May Bakas ang Lumipas, Kaming Kaawaan, Nasaan ka, Inay, Ito Ang Pilipino, Tatlong Mukha ni Pandora, Dodong Ko, Ito Ang Aming Daigdig, Madugong Paghihiganti, Tatlong Baraha, Sapang Palay, Banaue, Minsa'y Isang Gamu-Gamo, Maestra, M: Mother's Maiden Name, at Boy Golden.
Napanood din si Gloria sa mga TV drama na Mommy Ko Si Mayor, Ang Biyenan Kong Mangkukulam, Bida Si Mister, Bida Si Misis, Esperanza, Captain Barbell, Kailangan Ko'y Ikaw, Budoy, Doble Cara, Asintado, at Be Careful With My Heart.
Si Gloria ay ina ng mga artista ring sina Mat Ranillo III, Suzette Ranillo, at Dandin Ranillo.
Nagsilbi rin siya bilang board member ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
VETERAN STARS
RUSTICA CARPIO

Binawian ng buhay ang veteran actress na si Rustica Carpio noong February 1, 2022. Siya ay 91.
Read: Veteran actress, educator Rustica Carpio dies at 91
Forty-five years old na si Rustica nang ginawa niya ang kanyang unang pelikula, ang Nunal sa Tubig, ang 1975 critically-acclaimed movie ng direktor at National Artist for Cinema na si Ishmael Bernal.
Simula noon, nagkasunud-sunod na ang mga movie at TV assignment ni Carpio. Kabilang sa mga makabuluhang pelikulang nagawa niya ay ang Aliw (1979), Bona (1980), T-Bird At Ako (1981), Moral (1982), Rizal In Dapitan (1997), Lola (2009), at Captive (2012).
Ang huli niyang pelikula ay ang Circa na ipinalabas noong 2019.
Sa kabila ng kanyang estado bilang aktres ay ipinagpatuloy pa rin ni Rustica ang kanyang pagiging guro. Naging dean siya ng College of Communication ng Polytechnic University of the Philippines (PUP), at nagturo rin siya sa Far Eastern University (FEU) at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM).
LUZ FERNANDEZ

Sumakabilang buhay ang veteran actress at radio talent na si Luz Fernandez noong March 5, 2022. Siya ay 86.
Read: Paalam, Lola Torya: Luz Fernandez dies at 86
Sa telebisyon, higit na kilala siya bilang Lola Torya, ang host ng Ora Engkantada, na isang top-rating children’s fantasy television show noong 1986.
Hindi rin siya makakalimutan ng mga Okay Ka Fairy fans sa pagganap niya bilang Luka, ang Reyna ng Kadiliman sa popular sitcom ni Vic Sotto.
FANNY SERRANO

Binawian ang buhay ang popular make-up artist, stylist, fashion designer, at aktor na si Fanny Serrano noong May 10, 2022. Siya ay 74.
Read: Fanny Serrano, actor and make-up artist, dies at 74
Felix Mariano Fausto Jr. sa totoong buhay, nagkaroon siya ng massive stroke noong March 2021. Inilagay siya sa life support ngunit nakauwi siya ng bahay para roon magpagaling.
Hindi lamang isang mahusay na make-up artist si Fanny, na nakilala sa mga amazing make-up transformation niya, dahil kilala rin siyang artista.
Nagsimula ang acting career ni Fanny noong dekada ’70 bilang isang gay impersonator na miyembro ng The Paperdolls na nagtatanghal sa mga show ng Girard Peter Models sa Mirador Hotel.
Kabilang sa mga pelikulang ginawa niya ay ang Star!(1979), Alaga (1980), Sinasamba Kita (1982), Laruan (1983), Tarima (2010), at Jesusa (2019). Ang huli niyang pelikula ay ang Isa Pang Bahaghari (2020).
Umani rin siya ng mga papuri sa kanyang pagganap sa ilang episodes ng ABS-CBN drama anthology na Maalaala Mo Kaya.
MIGUEL FAUSTMANN

Ang veteran theater actor na si Miguel Faustmann ay mapayapang pumanaw habang natutulog noong May 15, 2022. Siya ay 67.
Nagsimula ang mahabang career ni Miguel sa teatro sa murang edad, kung saan gumaganap at nagsusulat siya sa plays noong estudyante pa siya sa La Salle Greenhills at Adamson University.
Naging regular performer siya ng Repertory Philippines noong dekada ’70. Kabilang sa mga nilabasan niyang stage plays ay Hello Dolly!, Camelot, Evita, Man of La Mancha, The Sound of Music, Equus, at Oliver!.
Bukod sa teatro, lumabas din sa ilang pelikula at teleserye si Miguel. Ang huli niyang pelikula ay ang Elehiya, na ipinalabas sa QCinema International Film Festival nito lamang Nobyembre 2022. Co-star niya rito ang namayapa na ring si Cherie Gil.
SUSAN HENSON

Cervical cancer ang ikinamatay ng ‘70s actress na si Susan Henson noong September 21, 2022. Siya ay 64.
Read: Former actress Susan Henson dies at 64
Si Susan ay nakilala bilang isa sa mga aktres na nagtataglay ng pinakamagandang mukha.
Nakapasok sa showbiz si Susan matapos manalo bilang Miss Young Republic of the Philippines noong 1975.
Ipinakilala siya sa pelikulang Diwang Kayumanggi: Prinsesang Mandirigma noong 1975. Naging paborito siyang leading lady ng action stars gaya nina Ramon Revilla, Jun Aristorenas, at Bernard Bonnin.
CARLOS SALAZAR

Pumanaw ang dating LVN star na si Carlos Salazar noong April 7, 2022. Siya ay 90.
Read: LVN star Carlos Salazar passes away at 90
Nagsimula ang movie career ni Carlos noong 1952 nang maging contract star siya ng LVN Pictures.
Ipinakilala siya sa comedy movie na Tia Loleng na pinagbidahan nina Armando Goyena, Tessie Agana, Tessie Quintana, at Nida Blanca.
Ang Be Careful with my Heart (July 2012-November 2014) ng ABS-CBN ang huling television appearance at acting assignment ni Carlos.
SINGERS
DANNY JAVIER

Pumanaw ang singer-songwriter na si Danny Javier dahil sa matagal na niyang karamdaman noong October 31, 2022. Siya ay 75.
Read: APO Hiking Society member Danny Javier dies at 75
Si Danny ay one third ng pamosong singing trio na APO Hiking Society, na kinabibilangan din nina Jim Paredes at Boboy Garrovillo.
Karamihan ng mga sumikat na kanta ng APO ay si Danny ang nagsulat. Kabilang dito ang “Pag-ibig,” "Pumapatak ang Ulan,” "Doo Bidoo,” "Kabilugan ng Buwan,” "Di Na Natuto,” “Kumot At Unan,” "Awit ng Barkada," at “Lumang Tugtugin.”
Nang magretiro ang grupong APO Hiking Society, pagkatapos ng 40 taon, noong 2010, nagpatuloy sa kanilang career sina Jim at Boboy, habang si Danny ay piniling maging inactive sa showbiz dahil na rin sa kanyang karamdaman.
JOVIT BALDIVINO

Pumanaw ang singer na si Jovit Baldivino noong December 9, 2022 sa edad na 29.
Read: Singer Jovit Baldivino dies at 29
Aneurysm o pagkakaroon ng blood clot sa utak ang sanhi ng kanyang pagkamatay.
Limang araw na-comatose si Jovit matapos mag-collapse sa isang Christmas party na dinaluhan niya sa Batangas City.
Si Jovit ang kauna-unahang grand champion ng ABS-CBN reality talent search na Pilipinas Got Talent noong 2010.
Read: Former siomai vendor Jovit Baldivino is Pilipinas Got Talent's grand prize winner
KEITH MARTIN

Natagpuan ang bangkay ng American singer na si Keith Martin sa condo unit na tinitirhan nito noong March 25, 2022. Pero pinaniniwalaang ilang araw nang patay ang singer bago natagpuan ang bangkay nito.
Read: "Because of You" singer Keith Martin found dead in Quezon City condo
Huli siyang namataang buhay noong March 20.
Ayon sa resulta ng autopsy sa kanyang bangkay, heart attack o myocardial infarction ang ikinamatay ni Keith.
Si Keith ang umawit ng hit song na “Because of You,” at pinili niyang manirahan dito sa Pilipinas matapos sumikat ng kanyang kanta.
EVA CASTILLO

Binawian ng buhay ang singer na si Eva Castillo dahil sa matagal na niyang karamdaman sa kidney noong March 20, 2022. Siya ay 52.
Read: Eva Castillo, Regine Velasquez's former rival, dies at 52
Si Eva ay pumalaot sa showbiz noong 2009 matapos siyang ipahanap ng GMA-7 dahil nabanggit ni Regine Velasquez ang pangalan niya sa docu-musical ng Asia’s Songbird na Regine: Roots To Riches.
Si Eva ang tumalo kay Regine sa mga amateur singing contest na sinasalihan nila noon.
Mula noon, nagkasunud-sunod na ang mga TV guesting ni Eva sa Kapuso Network. Ngunit bigla ring naglaho sa limelight si Eva.
Noong 2014 ay na-diagnose si Eva na may tumor sa kidney, na naging dahilan kaya hindi na siya nakapagtrabaho.
Noong 2017 ay sumali siya sa "Tawag ng Tanghalan," ang singing contest ng ABS-CBN noontime program na It's Showtime.
FILMMAKERS
ROMY SUZARA

Pumanaw ang veteran director na si Romy Suzara sa edad na 84 noong August 22, 2022.
Read: Veteran director Romy Suzara dies at 84
Itinanghal siyang Best Director sa FAP Awards 1982 para sa Mga Uod at Rosas, na pinagbidahan nina Nora Aunor, Johnny Delgado, at Lorna Tolentino.
Si Suzara ang paboritong direktor ng yumao na ring action star na si Rudy Fernandez kaya maraming pelikula silang ginawa tulad ng Pepeng Shotgun, Babalik Ka Rin, Lagalag: The Eddie Fernandez Story, Somewhere, Ginto’t Pilak, Bingbong: The Vincent Crisologo Story, Laban Kung Laban, Guillermo Soliman, Vigilante, Salonga, Sa Init ng Apoy, at Idol.
Marami rin siyang pelikulang ginawa na si Vilma Santos ang bida, gaya ng Tatlong Mukha Ni Rosa Vilma, Anak ng Asuang, Vilma and the Beep Beep Minica, at Medalyang Ginto.
Siya rin ang direktor ng pambatang Star Cinema movies na Sarah... Ang Munting Prinsesa, Cedie, at Kokey.
EDUARDO ROY JR.

Pumanaw na ang award-winning director na si Eduardo "Edong" Roy Jr. dahil sa lymphoma o cancer sa lymphatic system noong February 21, 2022. Siya ay 41.
Read: Award-winning director Eduardo Roy Jr. dies at 41
Ang unang pelikula ni Roy bilang film director ay ang Cinemalaya 2011 entry na Bahay Bata.
Ang iba pa niyang critically acclaimed films ay Pamilya Ordinaryo (2016), Fuccbois, at Lola Igna (2019). Si Roy ang itinanghal na Best Director sa Cinemalaya 2019 para sa Fuccbois.
Sa TV naman ay nakapagdirek siya ng ilang episodes sa mga drama anthology na Wagas, Ipaglaban Mo, at Maalaala Mo Kaya; at ang BL series na Oh, Mando!.
SHANDII BACOLOD

Sumakabilang buhay ang indie director, producer, at talent manager na si Mark Shandii Bacolod dahil sa cardiac arrest sa Bangkok, Thailand noong June 9, 2022. Siya ay 39.
Read: Love At The End of the World director Shandii Bacolod dead at 39
Ilan sa mga indie movie at original series na proyekto ni Shandii bilang producer at direktor ay Culion, Ben & Sam, Detektib, Pendong, Sponsor, Fidel, Papa, What is Love?, at Love at the End of the World.
KIDLAT DE GUIA

Biglaan naman ang pagkamatay ng filmmaker at cinematographer na si Kidlat de Guia sa Spain noong March 8, 2022. Siya ay 46.
Si Kidlat ay anak ng National Artist na si Kidlat Tahimik.
Naging cinematographer siya ng 2015 film ng kanyang ama na Balikbayan #1 at ng documentary film na Ang Lakaran ni Kabunyan: Kabunyan’s Journey to Liwanag.
Nagkaroon din siya ng video projects para sa Cartoon Network at Discovery Channel.
COMEDIANS / ACTORS
FLORA GASSER

Nagpaalam ang beteranang comedienne na si Flora Gasser noong November 19, 2022. Siya ay 89.
Read: Veteran TV and movie actress Flora Gasser passes away
Si Flora ay asawa ng pumanaw na ring newscaster na si Harry Gasser.
Nakilala si Flora sa pagganap bilang yaya o di kaya’y kasambahay sa di na mabilang na pelikula at TV shows.
BOY ALANO

Pumanaw ang dating Sampaguita Pictures star at direktor na si Boy Alano noong July 23, 2022. Siya ay 81.
Read: Sampaguita actor Boy Alano passes away at 81
Nagsimula ang acting career ni Boy bilang child actor. Matatandaan siya bilang co-star ni Tessie Agana sa 1951 drama movie na Roberta.
Isa siya sa itinuturing na pinakasikat na artista noong ‘50s hanggang ‘60s, kung saan naging tampok siya sa di mabilang na pelikula.
Nakagawa siya ng ilang proyekto kasama ang King of Philippine Movies na si Fernando Poe Jr. at King of Comedy na si Dolphy.
Ngunit hindi naging maganda ang pagtatapos ng kanyang showbiz career dahil sa karamdaman at kahirapan.
DON PEPOT

Pumanaw ang veteran comedian na si Don Pepot, Ernesto Fajardo sa tunay na buhay, noong January 18, 2022. Siya ay 88.
Read: Veteran comedian Don Pepot dies at 88
Nagsimula ang acting career ni Don Pepot noong 1964, at mahigit sa isandaang pelikula ang nagawa niya noong aktibo pa siya sa showbiz.
Si Agimat,Si Enteng Kabisote at Si Ako, official entry sa Metro Manila Film Festival 2012, ang huling proyekto ni Don Pepot.
CALOY ALDE

Namatay ang dating sikat na comedian na si Caloy Alde dahil sa massive heart attack noong July 22, 2022. Siya ay 60.
Read: Comedian Caloy "Ogag" Alde dead at 60
Si Caloy ang tinaguriang “Mr. Bean of the Philippines” dahil sa kanyang pinasikat na karakter na Ogag, na siya ring titulo ng kanyang comedy show noon sa TV5.
Huling napanood si Caloy sa telebisyon sa pamamagitan ng Ang Probinsyano, at ang Mang Kepweng ni Vhong Navarro naman ang huling pelikula na ginawa niya.
PHILLIP LAZARO

Pumanaw ang comedian-director na si Phillip Lazaro dahil sa multiple organ failure noong July 11, 2022. Siya ay 52.
Read: Comedian-director Phillip Lazaro dies; celebrities, co-workers mourn his passing
Unang nakilala si Phillip bilang stand-up comedian, hanggang sa mapanood siya sa mga dating drama shows ng GMA-7 na Villa Quintana at Anna Karenina.
Kabilang din sa mga programang nilabasan niya sa Kapuso network ay ang Beautiful Justice, Contessa, Haplos, I Heart Davao, at Meant To Be.
Ilan naman sa GMA-7 shows kung saan naging direktor siya ay Full House Tonight, Widow’s Web, Prima Donnas, at Nagbabagang Luha.
ROMANO VASQUEZ

Pumanaw ang actor-singer na si Romano Vasquez noong January 23, 2022. Siya ay 51.
Read: Former That's Entertainment member Romano Vasquez dies at 51
Si Romano ay naging miyembro ng That’s Entertainment, ang dating youth-oriented show ni German Moreno sa GMA-7.
Kabilang sa mga pelikulang tinampukan niya ay Noel Juico, 16: Batang Kriminal (1991), First Time… Like A Virgin! (1992), Dark Tide (1994), Epimaco Velasco: NBI (1994), Suicide Rangers (1996), Mariano Mison: NBI (1997), The Secret Of Katrina Salazar (1997).
Napasabak din siya sa pagpapaseksi sa ilang roles niya sa pelikula gay ng Alipin Ng Aliw (1998), Hiram (2003), Night Job (2005), Astig (2009), Mainit (2011), Sexventure (2011), at Pikit-Mata (2012).
HECTOR GOMEZ

Sumakabilang buhay ang dating sexy actor na si Hector Gomez dahil sa lung cancer noong December 7, 2022. Siya ay 48.
Si Hector ay ipinakilala sa pelikula ng Regal Films na Nights of Serafina noong 1996.
Hindi nagtagal sa showbiz si Hector, ngunit nakilala siya bilang look-alike ni Richard Gomez.
POLITICIANS / SPORTS PERSONALITIES / NATIONAL ARTIST
FIDEL V. RAMOS

Binawian ng buhay si former Philippine President Fidel V. Ramos noong July 31, 2022. Siya ay 94.
Read: Former President Fidel V. Ramos dead at 94
Bago umupo bilang Pangulo ng Pilipinas mula June 30,1992 hanggang June 30, 1998, naglingkod si Ramos bilang Chief ng Philippine Constabulary (1972-1986) sa ilalim ng administrasyon ni former President Ferdinand Marcos Sr.; at Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (February 25, 1986-January 21, 1988), at Secretary of National Defense (January 22, 1988-July 18, 1991) sa administrasyon ni former Philippine President Corazon Aquino.
Isa si Ramos sa mga itinuturing na bayani ng People Power Revolution sa EDSA noong February 1986 dahil sa partisipasyon niya sa pagpapatalsik kay Marcos mula sa puwesto na hinawakan nito sa loob ng halos dalawampu’t isang taon.
LYDIA DE VEGA

Namayapa ang Philippine track and field legend na si Lydia de Vega pagkatapos ng pakikipaglaban sa cancer noong August 10, 2022. Siya ay 57.
Read: Asia’s fastest woman Lydia de Vega passes away at 57
Si Lydia ay tinaguriang "Asia's fastest woman" nung kasikatan niya noong dekada '80.
Nakapag-uwi siya ng samu't saring mga medalya mula sa iba't ibang kumpetisyon—Asian Athletics Championships, Asian Games, at Southeast Asian (SEA) Games.
Isa si Lydia sa naging flag bearers sa idinaos na 2019 SEA Games dito sa Pilipinas.
Minsan ding nagbida sa pelikula si Lydia sa pamamagitan ng Medalyang Ginto, ang bio film niya na ipinalabas noong 1982.
F. SIONIL JOSE

Sumakabilang buhay ang National Artist for Literature na si F. Sionil Jose noong January 6, 2022. Siya ay 97.
Read: National Artist for Literature F. Sionil Jose passes away at 97
Dahil sa kanyang hindi matatawarang body of work, si Jose ay iniluklok ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang National Artist for Literature noong April 20, 2001.
Kabilang sa kanyang mga obra ang short stories na The God Stealer (1959), Waywaya (1979), at Arbol de Fuego (1980); ang nobelang Mass (1981); at ang essay na A Scenario for Philippine Resistance (1979), na pawang nagkamit ng Carlos Palanca Memorial Awards for Literature.
Ginawaran din siya ng Ramon Magsaysay Award for Journalism, Literature, and Creative Communication Arts noong 1980.
CHARLIE COJUANGCO

Yumao si dating Tarlac Representative Charlie Cojuangco noong February 22, 2022. Siya ay 58.
Read: Tarlac congressman Charlie Cojuangco dies at 58
Noong October 2021 ay sumailalim sa emergency surgery si Charlie dahil sa brain aneurysm habang nagmamaneho sa Clark Speedway race track.
Si Charlie ay bunsong anak ng yumaong bilyonaryong negosyante na si Danding Cojuangco.
Noong October 10, 2021, idinaos ang pag-iisang dibdib ni Charlie at ng misis niyang si China Joscon sa San Sebastian Tarlac Cathedral.
Ang unang asawa ni Charlie ay ang yumaong TV personality na si Rio Diaz. Naugnay rin siya noon sa Megastar na si Sharon Cuneta.
Read: Sharon Cuneta mourns death of ex-fiancé Charlie Cojuangco
RICKY RECTO

Binawian ng buhay si former Batangas Vice Governor Ricky Recto noong December 1, 2022. Pero noong December 5 na natagpuan ang kanyang bangkay. Siya ay 59.
Natagpuang may tama ng bala sa dibdib ang walang buhay na katawan ni Ricky sa kanyang tahanan sa Pasig City noong December 5.
Si Ricky ay kapatid ni Batangas Representative Ralph Recto at ng dating TV host na si Plinky Recto, at bayaw ng Star For All Seasons na si Vilma Santos.
MAOI ROCA

Pumanaw ang dating basketball player at aktor na si Maoi Roca dahil sa kumplikasyon sa diabetes noong January 13, 2022. Siya ay 47.
Si Maoi ay naging varsity player ng De La Salle University mula 1994 hanggang 1998. Naging bahagi siya ng koponang nanalo ng men’s championship laban sa FEU noong UAAP Season 61.
Dahil sa angking kaguwapuhan ay pinasok rin niya ang mundo ng showbiz, at naging bahagi ng top-rating gag show ng TV5, ang Tropang Trumpo, noong mid-90s.
BROADCASTERS
DONG PUNO

Pumanaw ang veteran at award-winning broadcast journalist na si Dong Puno dahil sa kumplikasyon dulot ng Parkinson’s disease noong February 15, 2022. Siya ay 76.
Read: Veteran broadcaster Dong Puno dies at 76
Naging household name si Puno noong mid-'80s dahil sa kanyang news and public affairs talk show na Viewpoint na umere sa GMA-7 sa loob ng sampung taon.
Noong 1994 ay lumipat siya sa bakuran ng ABS-CBN, kung saan naging host siya ng programang Dong Puno Live. Nanungkulan siyang senior vice president ng ABS-CBN News and Current Affairs mula October 1994 hanggang April 2000.
Iniwan niya ang mundo ng telebisyon nang itinalaga siya ni dating Pangulong Joseph Estrada bilang press secretary. Napatalsik sa puwesto si Estrada noong January 2001.
Sinubukan pasukin ni Puno ang mundo ng pulitika nang tumakbo siyang senador sa ilalim ng tiket ni Estrada noong May 2021, ngunit nabigo siya.
Pagkatapos nito ay bumalik siya sa ABS-CBN para sa programang Dong Puno Nightly, at sa short-lived na Insider.
Muli niyang sinubukan ang kapalaran sa pulitika nang tumakbo siyang representative ng Muntinlupa City nang dalawang beses, noong 2007 at 2010, ngunit nabigo siya pareho.
Bumalik si Dong sa media noong 2011 sa pamamagitan TV5 at Aksyon TV, kung saan napanood siya sa mga programang Kalibre 41 (2011), News5 Debates: Hamon Sa Pagbabago (2011-2013), at Dong Puno De Kalibre (2011-2013).
BOYET SISON

Pumanaw ang veteran sports broadcaster na si Jose “Boyet” Javelona Sison noong April 16, 2022. Siya ay 58.
Read: Veteran sportscaster Boyet Sison passes away at 58
Nagkaroon siya ng cardiac arrest matapos sumailalim sa operasyon noong Abril.
Bago ipinasara ng Kongreso ang ABS-CBN noong 2020, regular host si Sison ng sports news shows ng network. Naging co-host siya sa programang Fastbreak sa DZMM ni dating Senador Freddie Webb sa loob ng 13 taon.
Siya rin ang anchor sa programang Hardball ng ANC sa loob ng 14 na taon kasama ang sports commentator na si Bill Velasco. Naging coliseum announcer din siya sa Philippine Basketball Association (PBA) mula 2005 at 2012.
Isa rin siyang professional disc jockey at naging aktibo sa livestreaming noong kasagsagan ng COVID
Huli siyang napanood sa kanyang segment na “Alam N'yo Ba?” sa TV Patrol.
PERCY LAPID

Namatay ang beteranong radio broadcaster at komentarista si Percy Lapid — Percy Mabasa sa tunay na buhay — matapos barilin ng mga salaring nakamotorsiklo sa may gate ng BF Resort Village sa Talon Dos, Las Piñas City, noong October 3, 2022. Siya ay pumanaw sa edad na 63.
Read: Radio veteran broadcaster Percy Lapid shot dead in an ambush
Kilala si Lapid sahil sa kanyang maaanhang na komentaryo tungkol sa pamahalaan.
Bagamat hindi pa natutukoy kung sino ang nasa likod ng kanyang pagkamatay, patuloy na umaasa ang kanyang pamilya na makakamit nila ang hustisyang kanilang matagal nang ipinagdarasal, at patuloy na ipinaglalaban.
Si Lapid ang ikalawang mamahayag na pinatay sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
MAKE-UP ARTIST / SOCIAL MEDIA INFLUENCER / CELEBRITY WIFE
JAMES COOPER

Pumanaw ang international make-up artist at hairstylist na si James Cooper sa San Pablo, Laguna, noong May 29, 2022. Siya ay 73.
Read: Celebrity makeup artist and hairstylist James Cooper passes away
Nawalan ng malay si Cooper habang nasa San Pablo Cathedral para sa isang Santacruzan. Isinugod siya sa malapit na ospital ngunit binawian na ng buhay ang sikat na make up-artist.
Sina Farrah Fawcett, Victoria Principal, Jamie Lee Curtis, at Barbara Carrera ang ilan sa popular Hollywood personalities na nakatrabaho ni James noong naninirahan pa siya sa Amerika.
Si James ang official makeup artist sa karamihan ng mga movie project ni Maricel Soriano tulad ng Ikaw Lang Ang Minahal, Soltera, Kung Maibabalik Ko Lang, Mila, at Babaeng Hampaslupa.
Naging makeup artist din siya sa mga pelikula nina Lorna Tolentino, Dawn Zulueta, Alice Dixson, at Sharon Cuneta.
JULES EUSEBIO

Pumanaw ang sikat na TikToker na si Jules Eusebio, na mas kilala bilang Dub King, noong May 15, 2022. Siya ay 43.
Read: TikTok star Jules Eusebio, aka The Dub King, dies
Ayon sa isang malapit na tao sa TikTok star, severe typhoid fever ang ikinamatay ni Jules. Dumanas din daw ito ng depression.
Kilala si Jules sa pang-i-spoof sa mga kilalang personalidad sa kanyang TikTok videos, gaya ni Jodi Sta. Maria bilang Dr. Jill sa The Broken Marriage Vow at ni Toni Gonzaga, at pagda-dub ng famous lines sa mga pelikula at teleserye.
JHO ROVERO

Pumanaw si Jho Rovero, misis ng aktor na si Andrew Schimmer, dahil sa severe asthma at cardia arrest noong December 20, 2022.
Read: Andrew Schimmer’s partner Jho Rovero dies
Nasubaybayan ng netizens ang pakikipaglaban ni Jho sa kanyang buhay dahil sa regular updates ni Andrew tungkol sa kalagayan ng misis sa pamamagitan ng social media.
Bukod kay Andrew, naulila rin ni Jho ang kanilang dalawang anak, sina Andrea at Xander.
Additional text by Jojo Gabinete
